Pag-alala sa mga biktima ng EJK

“Ma, huwag kang mag-alala. May kakampi ako sa taas, Ma. Hindi niya ako papabayaan, wala akong kasalanan, Ma.” 

Ito ang huling mga salita ni Tisoy matapos siyang pakiusapan ng kanyang inang si Joy na magpakalayo-layo muna dahil kabilang siya sa listahan ng mga may patong sa ulo kaugnay ng paggamit ng iligal na droga.

Ngunit ilang oras pa lamang ang nakalipas matapos ang kanilang pag-uusap, halos mawala sa katinuan ang nanay ni Tisoy nang kanyang mabalitaan ang pagkasawi nito dulot ng pamamaril sa ulo at katawan ng mga pulis. 

“Pinagbabaril na yung anak ko, mga wala silang awa. Parang manok lang na pinagbabaril nila, marami sa ulo tapos katawan,” saad ni Joy sa isang panayam sa gitna ng kanyang mga hikbi. Isa lamang siya sa maraming inang nawalan ng anak dahil sa parehong dahilan– ang hindi makatarungang pagpaslang at pagiging baluktok ng sistema. 

Ngayong kasalukuyang nasa kustodiya na ang dating Pangulong Rodrigo Duterte ng International Criminal Court (ICC), makakamit na bang tuluyan ng mga kagaya ni Tisoy ang hustisya o mananatili itong nakatengga? 

Ating balikan ang kwento ng iilan sa libu-libong indibidwal na hindi nabigyan ng pagkakataon upang ipaglaban ang kanilang sarili. Dahil hindi lamang numero ang mga nasawi sa giyerang ito, totoo silang tao, may buhay at mga pangarap na sa isang iglap, biglang naglaho kasabay ng kanilang hininga. 

Ano ang tunay na bilang?

Sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency, tinatayang nasa 6,225 ang mga nasawi sa War on Drugs mula 2016 hanggang 2021. Ngunit sa bilang ng Commission on Human Rights (CHR) at iba pang human rights groups, maaaring umabot sa higit 27,000 ang tunay na bilang ng mga napatay.

Maliit kumpara sa laki ng bilang ng nangyari,” wika ni dating CHR Chairperson Chito Gascon, dahil hindi raw sapat ang impormasyong umaabot sa kanila.

Sa likod ng bawat bilang, isang buhay ang nawala, isang pamilya ang naulila at isang pangarap ang tuluyang nawasak.

Mga pangarap na nilubog sa hukay

Althea Fhem Barbon

Isa sa pinakabatang nasawi sa Oplan Tokhang ang apat na taong gulang na si Althea matapos pagbabarilin ng mga kapulisan ang kanilang sasakyan. Kasama niya noon ang kanyang amang si Alrick na pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga.

“We regret to know that a life was crossed and it’s sad that just like in any other operation, she was made a collateral damage,” ani Superintendent D’Artagnan Denila Katalbas Jr., hepe ng Guihulngan City police. 

Dagdag niya, hindi raw napansin ng pulisya ang bata na nakasakay pala sa parehong sasakyan. Dahil sa kapabayaang ito, nauwi lamang sa wala ang buhay ng paslit kasama ang pangarap niya sanang maging isang pulis. 

Hindi na bago ang mga ulat tungkol sa pagkamatay ng mga biktima sa kamay ng pulis o mga hindi nakikilalang armadong tao sa ilalim ng pamumuno ni Duterte. Bagaman inilalarawan itong makatao at naaayon sa batas, ang paulit-ulit na dahilan na ‘panlalaban’ at ang naratibong pagtatanim ng ebidensya ang nagtulak sa ICC na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa mga krimen laban sa karapatang pantao.  

Lenin Baylon

Tatlong araw bago ang kanyang ika-10 kaarawan, hindi inaakala ng pamilya Baylon na isang ligaw na bala ang magiging dahilan ng kanyang pagkamatay. Gabi ng Disyembre 2, 2016, dalawang nakamotorsiklong lalaki ang biglang pumasok sa computer shop na madalas puntahan ng paslit at pinagbabaril ang dalawang babaeng umano’y sangkot sa iligal na droga. Sa gitna ng putukan, isang ligaw na bala ang tumama sa dibdib ni Lenin na tumapos sa kanyang buhay. 

Sa gitna ng kanilang pagluluksa, habang inaasikaso ang death certificate ng bata, nadiskubre ng kanyang pamilya na kinakailangan nilang magbayad ng P16,000 upang isagawa ang autopsy. Dahil sa kakulangan ng salapi, napilitan silang pumirma na lamang ng waiver na nagsasaad na bronchopneumonia ang opisyal na sanhi ng kanyang pagkasawi. 

Makalipas ang halos siyam na taon, nito lamang Abril naitama ang dokumento ng biktima. Saad ni Asheline Bacudio, direktor ng Initiatives for Dialogue and Empowerment through Alternative Legal Services, ito ang kauna-unahang naiwastong false death certificate na may kaugnayan sa Oplan Tokhang. 

“Sa wakas nakamit din namin ang katotohanan. Ang puso ko’y masaya at malungkot nang sabay. Dapat sana’y binata, 18 na taon na siya ngayon, pero hindi na siya nabigyan ng pagkakataong mabuhay nang normal,” saad ni Rodrigo, ang naulilang ama ni Lenin. 

Jefferson Bunuan

Sa edad na 20, pangarap ni Jefferson na maglingkod sa bayan bilang isang alagad ng batas. Inilarawan siya ng Kaibigan Foundation kung saan siya’y isang iskolar bilang magalang, mahinahon at determinadong criminology student na nagsusumikap upang makapagtapos ng pag-aaral. Ngunit hindi pa man natutupad, agad itong natuldukan dahil sa isang madugong operasyon kontra-droga noong Hunyo 18, 2016.

Ayon sa mga ulat, pinasok ng mga awtoridad ang bahay kung saan natutulog si Jefferson at ang pinsan nitong si Mark habang tinutugis ang isang hinihinalang tulak ng droga. Ilang saglit pa, pumasok ang hinihinalaang suspek sa bahay kung saan sila nagpapahinga at sunod-sunod na putok ng baril ang gumising sa kanilang mahimbing na pagtulog. 

Ayon sa pulisya, napilitan silang magpaputok dahil nanlaban umano ang suspek pati na rin sina Jefferson at Mark. Ngunit saad ng Ate ni Jefferson, walang katotohanan ang ibinibintang ng mga pulis dahil wala itong armas upang manlaban. 

Ang mga kwentong ito ay wala pa sa katiting ng tunay na numbering nasawi sa buong termino ng dating Pangulong Duterte. Matagal na panahon na ang lumipas, ngunit ang kwento ng kanilang pagkasawi ay patuloy pa ring umaalingawngaw, hindi lamang dahil sa pinagkait na hustisya; ang mga ingay na ito ay binubuo ng kanilang pangarap na kaylanman hindi na nila maaabot.

Katahimikan tungo sa hustisya 

Makalipas ang ilang taong puno ng pwersang katahimikan, takot at pagdurusa, ngayo’y unti-unti nang umuusbong ang tinig ng katarungan. Maaaring mahinang bulong pa lamang, ngunit sapat na upang magsindi ng pag-asa sa mga naulila at pinagtaksilan ng sistemang dapat sana’y kumakalinga sa kanila. 

Para sa libo-libong Tisoy, Althea, Lenin, Jefferson at mga inulila ng marahas na giyera kontra-droga, ito na marahil ang pinakamalinaw na sinag ng hustisya sa gitna ng malalim na gabi. Mahaba-haba pa man ang laban, ngunit sa bawat hakbang, sa bawat tinig na hindi na muling tatahimik, malinaw ang mensahe: 

Hindi kailanman magiging normal ang karahasan at walang sinuman ang dapat kumitil ng buhay at katarungan.

5 Votes: 4 Upvotes, 1 Downvotes (3 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...