
Geo Angelo Labalan
Inihanda na ng Department of Education (DepEd) ang tuluyang pagbura ng “grade transmutation” sa susunod na taong panuruan 2027-2028 upang masalamin ang tunay na akademikong kahusayan ng mga mag-aaral.
Alinsunod sa DepEd Order No. 15, s. 2026, ipinatutupad ang naturang polisiya nang matugunan ang suliranin sa pagtaas ng mga grado, at magkaroon ng maaasahang datos ukol sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
“Dapat nakabatay sa tunay na pagkatuto ang pag-akyat ng bata sa susunod na grade level. Sa pagtanggal ng transmutation, mas pinapalakas natin ang accountability sa buong sistema — mula sa curriculum implementation at classroom instruction hanggang sa assessment at academic support para sa learners,” ani DepEd Secretary Sonny Angara.
Sa ilalim ng “grade transmutation”, ang tunay na grado ang mag-aaral ay binabago upang maging mas mataas ang pinal na marka na siyang isinusulat sa report card.
Ayon sa direktiba, para sa kasalukuyang taon, mananatiling gagamitin ang nasabing polisiya, kung saan ang aktwal na grado ng mag-aaral na 70 ay magiging 75 upang pumasa. Ngunit pagdating ng susunod na taong panuruan, hindi na itataas ang tunay na grado ng mga mag-aaral mula sa Baitang 4 hanggang 12, kung saan ito na rin ang kanilang magiging pinal na marka.
Gayundin, ang Kindergarten hanggang Baitang 3 ay lilipat sa isang descriptive o hindi-numerikal na sistema ng pagmamarka sa kaparehong panahon.
Giit ng kagawaran, ang pagbabago sa sistema ng pagmamarka ay upang mapakita sa mga guro, mag-aaral, at magulang ang tunay na kalagayan ng edukasyon sa bansa, at hindi tumaas ang bilang ng mga nababagsak at mahirapan ang mga mag-aaral makakuha ng mataas na grado.
“Hindi sapat na maipasa lang ang bata mula sa isang grade level papunta sa susunod. Ang mahalaga, umuusad siya na dala ang kaalaman, kakayahan, at values na kailangan niya para magtagumpay sa paaralan at sa buhay,” sabi ni Angara.
Dagdag pa, magpapatuloy ang DepEd sa pagsasagawa ng mga pagsasanay para sa mga guro upang masubaybayan ang maayos na paglunsad ng isinaayos na grading system.