
Mas pinalawak na ang papel ng mga barangay tanod sa pagbabantay sa paligid ng mga pampublikong paaralan sa bansa, alinsunod sa bagong kasunduan ng Department of Education (DepEd) at ng Department of the Interior and Local Government (DILG),habang patuloy ang pagkuha ng mga propesyonal na security personnel.
Sa pangunguna nina DepEd Secretary Sonny Angara at DILG Secretary Victor “Jonvic” Remulla, nilagdaan ang Joint Memorandum Circular (JMC) ng dalawang ahensya kasabay ng kanilang pagsubaybay sa school safety drill sa Bangkal High School, Makati City, noong Oktubre 14, 2026.
Ayon sa nasabing kasunduan, maaaring humiling ang paaralan ng tanod mula sa local government units (LGUs) upang mapaigting ang seguridad sa mga paaralan at mapalakas ang pagtugon kung sakaling may sakuna.
Nakasaad din na maaaring magsagawa ang mga tanod ng awtorisadong inspeksyon ng mga bag, personal na kagamitan, at mga sasakyan sa mga pasukan ng mga paaralan, gamit ang mga aprubadong non-contact method kung walang mga electronic scanner.
“Alam natin na ang presensya ng mga security personnel sa isang lugar ay nagbibigay ng dagdag na kapanatagan at seguridad. At malaking tulong ito, lalo’t alam nating kulang ang ating mga paaralan sa mga security guard, kaya malaking bagay ang suporta ng ating mga lokal na pamahalaan at barangay,” pahayag ni Angara.
Nilinaw ng kalihim na hindi sa loob kundi sa labas lamang ng bakod itatalaga ang mga tanod, at sasailalim din sila sa oryentasyon ukol sa child protection, kaligtasan, at karapatan ng mga mag-aaral.
“Not necessarily inside, doon lang sa, kasi we still have a no-arm zone [sa] ating eskwelahan. Pero pwede sila dun sa vicinity, sa labas, pag may butas yung pader, pwede sila, pwede lang tingnan ‘yung mga weak points,” paglilinaw ni Angara.
Bukod sa dagdag-seguridad sa mga paaralan, iiwasan na ang mga nakakatakot at labis na makatotohanang simulation ng mga safety drill bilang payo ng mga psychiatric association sa DepEd.
“So dati, bago natin nakausap ‘yung psychiatric, ‘yung grupo ng mga psychiatrists, meron tayong real depiction, nagmimistulang attacker. Medyo tinigil na natin yun para hindi yun ang maalala ng mga bata…this is for safety, it’s not to disturb our youth,” paliwanag ng pinuno ng kagawaran.
Ibinahagi rin ni Angara na may 5,300 guidance counselors na natanggap ng kagawaran, at mayroon pang dagdag na 4,000 kung saan bago matapos ang taon ay tapos na ang proseso ng kanilang papeles.
Magsisimula sa Nobyembre ang buwanang safety drills sa mga pampublikong paaralan batay sa local risk assessment, kalakip ang koordinasyon upang maiwasan ang abala sa pag-aaral.