
JV Barba
Sabi nila, hanggang hindi ka natututo ay patuloy kang susundan ng anino ng nakaraan mo.
Sa estado ng Pilipinas, kung saan taon-taon na lang ipinapangako ang ‘tunay’ na pagbabago ay nananalaytay ang esensya ng sirkus at komedya mula mismo sa gobyerno gayong paulit-ulit lang din naman ang nakaupo mula kongreso, senado, lokal at ehekutibo, at tila isang sirang-plaka na din ang katarantaduhang ipinupukol nila sa sambayanang Pilipino.
Limampu’t tatlong taon na mula nang mapasailalim ang Pilipinas sa Batas Militar sa kamay ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. Isang madilim at mapanlinlang na yugto ng kasaysayan kung saan planado at sistematikong winasak ang demokrasya ng mga taong numero uno sanang tagapagtanggol nito.
Isang kabanata kung saan namayani ang mariing pagmamanipula sa mga institusyon na dapat sana’y tagapagtanggol ng lipunan magmula sa midya hanggang sa militar na parehong ginawang kasangkapan ng isang rehimeng nakaugat sa korupsiyon at walang habas na kalupitan. Mistulang nawala ang mandatong ‘serve the people’, bagkus ay napalitan ng pagprotekta sa mga naghaharing-uri sa imahe ng mga nasa upuan.
Kamakailan lang, sa pagpatak ng panibagong anibersaryo ng batas militar, kasabay ng pagmartsa ng libo-libong Pilipino sa kamaynilaan ay ang pagsiwalat ng isang madilim na katotohanan. Hindi pa rin natin kakampi ang sangkapulisan.
Maging ang kapulisan ay nananatiling marahas at taliwas sa kanilang katungkulan kasabay ng kanilang pagtalikod sa mga taong kanilang nararapat pagsilbihan. Mula sa isyu ng mga nawawalang sabungero kung saan dawit maging matataas na ranggo ng Philippine National Police (PNP) hanggang sa karumal-dumal na pulis brutality na kanilang ipinakita sa naging malawakang protesta nitong September 21.
Sa kalsada ng Maynila, ilang mga kabataan, at mga ordinaryong mamamayan ang niyurakan ng sangkapulisan bitbit ang sibat at arnis bilang simbolo ng dahas kontra sa mga bumoboses kontra katiwalian. Idagdag mo pa ang tila hindi lohikal na makinarya ng pagmamanipula sa karapatan ng bawat mamamayan sa imahe ng Batas Pambansa Blg. 880 na nagpapanukalang kailangan ng permit bago ang rally sa mga lansangan.
Bakit kailangan ng permit upang ipaglaban ang karapatan? Bakit kailangan ang kapirasong papel upang pakilusin ang mga nagbubulag-bulagan? At bakit mamamayan na naman ang may kasalanan kung ang galit na kanilang nararamdaman ay dulot ng kalam sa kanilang mga tiyan?
Paulit-ulit na naman, nagiging malupit muli yaring may hawak ng sibat at baril sa lansangan kahit limampu’t tatlong taon na ang nakaraan.
Nakakagalit isipin na ang karapatan ay nagagawang supilin ng mga nasa kapangyarihan at nakakarinding tignan kung gaano nila nilalapastangan ang bayang dapat nilang pinagsisilbihan.
Siyam na taon ang tinagal ng batas militar noong 1972 at ayon sa tala ng Amnesty International, tinatayang nasa 3,257 ang naging biktima ng extrajudicial killings sa panahong ito, 35,000 naman ang nakaranas ng pagpapahirap, 737 personalidad ang naglaho, at 70,000 ang tahasang ikinulong.
Sa libo-libong namatay, sa daan-daang naglaho, tila hindi pa rin natuto ang mga Pilipino gayong sa kasalukuyan ay isa na namang Marcos ang nakaupo sa pagkapangulo, dagdag pa ang isa na namang Marcos sa Senado, at mga kaanak nila sa Kongreso.
Paulit-ulit na lang.
Para tayong nasa isang malaking daloy ng esterong pabilog kung saan kahit anong pilit nating lumangoy papalayo ay patuloy pa rin tayong bumabalik kung saan tayo nagsimula. Sakit na rin talaga ng mga Pilipino ang pagkagusto sa mga red flags, mga uhaw sa kamay na bakal, mga taong mahilig ilagay ang sarili sa kapahamakang sila rin ang may gawa.
Sa tatlong taong pamamalagi ni Ferdinand Marcos Jr. sa Malacanang mula pa noong Hunyo 2022, hindi nalalayo ang naging takbo ng Pilipinas. Mataas na inflation, lumalalang unemployment, kawalan ng maayos na job market, kurapsyon, panggigipit, nawawalang pondo, at iba pang mga masasamang gawi na ‘di ko na iisa-isahin dahil baka lalo pang humaba.
Limampu’t tatlong taon na ang nakalilipas mula nang ideklara ang Batas Militar at marami na rin sa atin ang naniniwalang “naghilom” na ang ating bansa matapos ang People Power noong 1986 ngunit ngayon, ito na naman tayo, nasa ilalim ng pamumuno ng isa na namang Marcos, kalakip ang mga senyales na hindi pa tayo ganap na nakatakas sa mga anino. Isang pahiwatig ng isang kasaysayang pinilit talikdan ng mga taong naging karakter mismo ng kwento ng nakaraan.
Limampung taon na ang nakalipas, at hindi pa rin tayo lubusang lumaya lalo na’t tayo rin mismo ang bumabalik. Siguro hindi lahat, mayroon pa rin namang matitino, ngunit marami sa mga Pilipino ang ginamit ang demokrasya upang ibalik sa puwesto ang pamilyang minsan nang sumira rito at ang resulta, trahedya. Ang kaliwa’t kanang pagsiwalat ng maiitim na adhikain, at pagkawasak sa estruktura ng mismong gobyernong pundasyon ng bansa.
Dahil kung sino ang puno, ay siya ring bunga. Wala ring pinag-iba. Marcos ulit. Marcos na naman. Sila na naman.
Noong dekada sitenta, marami ang nawala, ang mga taong magpahanggang ngayon ay ‘di pa rin nakikita. Sila Rizalina Ilagan, at Gerry Faustino, mga aktibista mula sa University of the Philippines Los Banos (UPLB). Idagdag na rin sina Archimedes Trajano, at Juan Escandor, na dinukot ng estado at patay na nang matagpuan ng publiko.
Sa ilalim ni Marcos Jr., marami ring aktibistang bumoboses sa katiwalian ng estado ang biglaang nawala tulad ni Gene Roz Jamil ‘Bazoo’ de Jesus, isang indigenous rights activist na dinukot ng mga nagpakilalang taga-PNP-CIDG (the Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group) kasama ng kaniyang kasamahan na si Dexter Capuyan.
Kamakailan lang din ay dinukot si Faith Tallow, isang organisador mula sa Bicol Region na sapilitang kinuha mula sa kanilang tahanan sa Camarines Norte nitong Setyembre lamang at ilan lamang sila sa mga organisador at tagapagtanggol ng mga nasa laylayan na nagiging biktima ng estado sa ilalim ng bagong administrasyong Marcos.
Silang mga kung tawagin ay desaparecidos. Mga taong biktima ng estado, sa ilalim ng isang Marcos na naman.
Ang estado ng midya sa kasalukuyan ay ‘di na rin nalalayo sa nakaraan gayong nananatili ang isang paa ng mga mamamahayag sa hukay ng kamatayan. Magpahanggang ngayon ay hindi pa rin natutuldukan ang kaso ni Juan Jumalon, isang broadcaster na pinatay habang naglilive broadcast noong 2023, at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin napapalaya si Frenchie Mae Cumpio, isang mamamahayag na inakusahan ng estado ng terrorism financing limang taon na ang nakaraan.
Mabagal pa rin ang usad ng hustisya, pinapatahimik pa rin ang mga mamamahayag kahit limampu’t tatlong taon na ang nakararaan.
Ganito na ba kababa ang istandards ng serbisyo publiko sa Pilipinas? Ganito na nga lang ba talaga ang kayang matamasa ng sambayanang Pilipino?
Isa lang ang sigurado, habang patuloy ang mga parehong tao, pangalan, at apelyido na tumatakbo at naihahalal sa puwesto, mananatiling hawak ng naghaharing-uri ang naratibo at mga simpleng mamamayan na naman ang kawawa.
Mamamayan na naman ang magtatrabaho at mangangarap na maitama ang bansang pinalulubog ng mga politikong dapat dito’y nagsasalba.
Mamamayan na naman ang kailangang mag-aral nang maigi para makakuha ng maayos na trabaho sa ibang bansa dahil hindi kaya tumayo ng sarili niyang bayan sa kanyang sariling mga paa.
Mamamayan na naman ang kailangang kumayod, manatiling matatag at lumaban sa buhay dahil sa walang kamatayang resiliency na yan.
Mamamayan na naman ang lugi, kahit sila na lagi ang naglalabas ng kapital. Mamamayan na naman ang magsasakripisyo kahit ilang dekada na silang sumusugal.
Paulit-ulit na lang.
Ngayon, nasa ika-53 taon na magmula nang sirain ng diktadurya ang esensya ng demokrasya at ilang dekada na rin magmula nang sumiklab ang rebolusyon, at ngayon, may Marcos na naman. Idagdag na ang mga Duterteng pahirap din sa bayan.
Ang taunang pagalaala sa mga nangyari sa panahon ng batas militar ay isang pagkilala sa mga labang naipanalo ng nakaraan. Sana naman ay matuto na tayo at tuluyan nang wakasan ang paulit-ulit na lang na pagsirko ng lipunan.
Laging tandaan na mayroong dahilan kung bakit naisulat ang libro ng kasaysayan: upang tayo ay matuto sa mga leksyon mula sa nakaraan. Alalahanin ang kasaysayan at huwag kalimutan dahil ang pagtalikod sa nakaraan ay pagsasawalang-bahala sa mga labang minsan nang pinagsigawan, sa mga dugong minsan nang bumahid sa mga lansangan, at sa mga kamay na nagkapit-bisig maibalik lamang ang demokrasya sa ating bayan.
Isang malaking hamon sa mga Pilipino ang manatiling mapagmatyag. Ang manatiling mulat sa mga nangyayari sa lipunan at ang maitatak sa isipan ang kahalagahan ng demokrasya’t karapatan. Para kay Juan at Maria na nagbebenta ng bananaque sa lansangan. Para kay Jose at Clara na umaasang may makukuhang trabaho pagtapos nilang mag-aral. Para kay Pedro at Mika na nag-aasam ng de kalidad na edukasyon, at para kay Toto at Nene at sa mga bagong henerasyon na nagsisimula pa lang mamuhay.
Sana nga’y matuto na sana tayo at ‘wag nang makalimot sa ating nakaraan lalo na’t napipinto na naman ang susunod na halalan. Laging tandaan na walang puwang ang pagiging panatiko at pagkakaroon ng sinasantong idolo sa lipunan dahil bawat pagkakamali ay nararapat na buwagin, ang katotohanan ay nararapat na pakawalan at ang lipunan ay nararapat na bumoses upang mamulat ang mga bulag na Pilipino na maging makabayan, na maging para sa Pilipinas at maging tunay na Pilipinong may pagpapahalaga sa demokrasyang ilang dekada nang ipinaglalaban.
Dahil paulit-ulit na lang… Sana next time, bago naman.