PSA: Bahagdan ng child labor sa PH, tumaas noong 2025

Explained PHExplained PHNews3 weeks ago

Photo Courtesy of UNICEF/Rappler

Romilen Santander

Umakyat ng 0.2% ang mga batang sumasailalim sa child labor sa Pilipinas noong taong 2025, ayon sa pinakahuling ulat mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Batay sa datos ng PSA na inilabas nitong Hulyo 16, lumalabas na umabot sa 1.8% ng kabuuang populasyon ng mga bata (may edad 5 hanggang 17 taong gulang) ang biktima ng child labor noong nakaraang taon. Mas mataas ito kumpara sa naitalang 1.6% noong 2024.

Sa kabuuan, tinatayang nasa 513,650 na mga bata ang nasadlak sa child labor noong 2025—mas marami kumpara sa 509,160 na naitala noong 2024.

Ayon sa PSA, itinuturing na child labor ang mga batang nagtatrabaho sa mga mapanganib na kapaligiran (hazardous work), gayundin ang mga batang wala pang 15 taong gulang na nagtatrabaho ng lampas sa 20 oras kada linggo, at mga kabataang 15 hanggang 17 taong gulang na lumalagpas naman sa 40 oras ang trabaho sa loob ng isang linggo.

Nananatili ang sektor ng agrikultura bilang may pinakamalaking bilang ng mga child laborer, kung saan matatagpuan ang 65.5% sa kanila.

Sumunod naman ang sektor ng serbisyo na may 25.8%, at ang sektor ng industriya na may 8.7%.

Pagdating sa kasarian, mas marami pa ring kalalakihan ang pasok sa child labor na may kabuuang 373,650 (72.7%), mas mataas kumpara sa naitalang 61.8% ng PSA noong 2024, habang 140,000 naman (27.3%) ang mga kababaihan. Karamihan din sa kanila ay kabilang sa age group na 15 hanggang 17 taong gulang (80.5%).

Kasabay nito, iniulat din ng PSA na tumaas din ang kabuuang bilang ng mga working children o mga batang nagtatrabaho sa bansa—mula sa 861,450 noong 2024, umakyat ito sa 868,540 noong 2025, na katumbas ng 3.1% ng kabuuang populasyon ng mga bata sa bansa.

Bagaman mas mababa ang mga huling datos na ito kung ikukumpara sa naitalang mas matataas na bilang noong taong 2023, ang muling pag-angat ng bahagdan mula 2024 patungong 2025 ay nagpapakita ng patuloy na hamon sa bansa na wakasan ang child labor.

Dahil dito, muling nanawagan ang Department of Labor and Employment (DOLE) at mga grupo para sa karapatan ng mga bata na paigtingin ang mga pangkabuhayang programa para sa mga mahihirap na pamilya upang mailayo ang mga kabataan sa mapanganib na trabaho at maibalik sila sa paaralan.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...