
Crystal Anne Cu
Umani ng suporta mula sa iba’t ibang samahang pangmanggagawa at sa Simbahang Katoliko si Raffy Valentin, 43-anyos na manggagawa sa Hacienda Lolita sa Cadiz City, Negros Occidental, matapos siyang mapanood na napaluha habang humihingi ng makatarungang sahod sa isang pagpupulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Hulyo 18.
Ayon kay Valentin, umaabot lamang sa P2,500 kada dalawang linggo — o katumbas ng P179 kada araw — ang kanyang natatanggap matapos ang 18 taon niyang paglilingkod sa hacienda.
“Ang ginagapangayo sakto nga sweldo kay gin ubrahan na namon,” aniya sa Hiligaynon, na ang ibig sabihin, “Ang hinihiling lang namin ay sakto o makatarungang sahod dahil pinagtrabahuhan namin ito.”
Kasama niya ang 27 pang kapwa manggagawa nang maghain sila ng reklamo laban sa may-ari ng hacienda na si Aurelio Gerardo Valderrama Jr., kasalukuyang pangulo ng Confederation of Sugar Producers Associations, dahil sa umano’y hindi pagbibigay ng 13th month pay, benepisyo, at tatlong porsyentong bahagi sa Sugar Amelioration Bonus.
Umapela na rin sila kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at sa Sugar Regulatory Administration para sa agarang aksyon sa kanilang kaso.
Ang Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) ang isa sa mga unang grupong pampubliko na lumantad para tumindig sa panig ng mga manggagawa, sa pamamagitan ni Executive Director Kamz Deligente.
“No one who works, and works hard, should go hungry. What Mr. Valentin is exposing is that all these laws and regulations and guidelines that the government claims to implement mean nothing in faraway haciendas in the country,” saad ni Deligente.
Idinagdag pa niya na hindi dapat ituring na hiwalay na insidente ang kaso ni Valentin, kundi bilang senyales ng mas malaking suliranin sa sistema ng pagsahod sa mga hacienda sa buong bansa.
Sa panig ng Simbahan, nanawagan naman si Bishop Gerardo Alminaza ng Diocese of San Carlos ng dignidad at hustisya para sa mga manggagawang bukid, batay sa Catholic Social Teaching hinggil sa makatarungang sahod at karapatan ng manggagawa.
Sinamahan din ng legal counsel mula sa National Union of Peoples’ Lawyers Negros ang mga manggagawa sa paghahain ng kanilang reklamo sa DOLE at National Labor Relations Commission.
Sa kabilang banda, mahigpit na itinanggi ni Valderrama, sa pamamagitan ng kanyang legal counsel, ang lahat ng akusasyon laban sa kanya, tinatawag itong “false, if not malicious.”
“We have nothing to hide; DOLE’s upcoming inspection of payrolls and time records will vindicate him. His principle has always been ‘a fair day’s wage for a fair day’s labor.’ Continued twisting of facts will force us to take legal action,” ayon sa opisyal na pahayag ng kampo ni Valderrama.
Nakatakda na ang DOLE na magsagawa ng inspeksyon sa mga farm ng Hacienda Lolita upang masuri ang payroll at time records at malaman ang katotohanan sa likod ng reklamo.
Habang nag-uumpisa nang tumindig ang mga grupong pangmanggagawa at Simbahan sa kaso ni Valentin, patuloy silang nananawagan na maging daan ito para sa aktwal at pangmatagalang hustisya para sa mga manggagawang bukid sa buong bansa.
Magsasakang umiyak sa DOLE, umani ng suporta mula sa mga Pilipino
Crystal Anne Cu
Matinding suporta ng mga Pilipino ang natanggap ng isang magsasaka ng tubo matapos siyang mapanood na napaluha habang humihingi ng makatarungang sahod sa isang pagpupulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Hulyo 18.
Ang magsasaka ay si Raffy Valentin, 43-anyos na nagtratrabaho sa Hacienda Lolita sa Cadiz City, Negros Occidental na kung saan ay kasama niya ang 27 pang kapwa manggagawa.
Naghain sila ng reklamo laban sa may-ari ng hacienda na si Aurelio Gerardo Valderrama Jr., kasalukuyang pangulo ng Confederation of Sugar Producers Associations, dahil sa umano’y hindi pagbibigay ng 13th month pay, benepisyo, at tatlong porsyentong bahagi sa Sugar Amelioration Bonus sa mga manggagawa nito.
“Ang ginagapangayo sakto nga sweldo kay gin ubrahan na namon,” aniya sa Hiligaynon, na ang ibig sabihin, “Ang hinihiling lang namin ay sakto o makatarungang sahod dahil pinagtrabahuhan namin ito.”
Sa loob lamang ng ilang oras matapos mapalabas ang video, dagsa ang mga netizen, pribadong indibidwal, at maging mga pampublikong personalidad na nagbahagi ng mensahe ng pagkakaisa at galit sa kalagayan ng mga manggagawang bukid sa bansa.
“When a hard worker has to beg for fair pay with a shaking voice, the system is broken,” saad ng isang netizen.
Ayon sa isang naunang post sa Instagram, “the hidden cost of sweetness” ang tawag sa sitwasyon ng mga manggagawa, kung saan dalawang linggong trabaho ay nagkakahalaga lamang ng P2,500, o katumbas ng humigit-kumulang P179 kada araw.
“That’s slavery, not workers. Grabeng mga amo yan. Meron pa palang mga ganyan ngayon,” reaksyon naman ng isang Instagram user.
Ayon sa Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), mas mababa pa sa kalahati ng P520 na legal na minimum wage para sa manggagawang pang-agrikultura sa Western Visayas ang natatanggap ni Valentin sa kabila ng 18 taon niyang paglilingkod sa hacienda.
“The farmers deserved better, the backbone in our country! ANOOOOOOOO NA PH?” ayon sa caption ng post na ito.
Isa sa mga kumalat na post sa Facebook ang naglahad ng detalye ng kalagayan ni Valentin at ng kanyang mga kasamahan.
Mayroon ding Facebook post ang naglahad na tumatanggap na ngayon ng donasyon ang pamilya ni Valentin sa pamamagitan ng GCash account na nakarehistro sa pangalan ng kanyang asawang si Mary Joy, dahil wala silang bank account.
Itinanggi naman ni Valderrama sa pamamagitan ng kanyang legal counsel ang lahat ng akusasyon, giit na “a fair day’s wage, for a fair day’s labor” ang kanyang prinsipyo bilang employer.
Nakatakda na ang DOLE na magsagawa ng inspeksyon sa mga farm ng Hacienda Lolita upang masuri ang payroll at time records at malaman ang katotohanan sa likod ng reklamo.
Sa gitna ng lumalakas na tinig ng mga Pilipino sa online, patuloy na nananawagan ang publiko na huwag hayaang mawalan lamang ng ingay ang kaso ni Valentin, kundi maging daan ito para sa aktwal at pangmatagalang hustisya para sa mga manggagawang bukid sa buong bansa.