
Hindi na bago sa maraming Dabawenyo ang makakita ng mga kalsadang biglang lumulubog sa baha matapos lamang ang ilang oras ng malakas na ulan. Humihinto ang biyahe ng mga sasakyan, napuputol ang transportasyon, at sa ilang komunidad, kinakailangang maghanda ng mga residente para sa posibleng paglikas.
At madalas itong nangyayari kahit wala nang bagyo.
Sa loob ng maraming taon, kilala ang Davao City bilang isa sa mga lugar sa Pilipinas na bihirang direktang tamaan ng malalakas na tropical cyclone. Dahil nasa labas ito ng pangunahing typhoon belt ng bansa, nakasanayan ng marami ang paniniwalang ligtas ang lungsod mula sa matinding pagbaha at malawakang pinsalang dulot ng kalamidad.
Ngunit habang mabilis na umuunlad ang lungsod, tila unti-unti ring nawawala ang mga likas na depensang dating pumipigil sa matinding pagbaha.
Ayon sa PAGASA, hindi lamang tropical cyclone ang nagdadala ng malalakas na mga pag-ulan sa Mindanao. Maaari din itong idulot ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ), localized thunderstorms, at hanging habagat.
Kayang magdala ng mga weather system na ito ng tuloy-tuloy at malalakas na buhos ng ulan sa loob lamang ng maikling panahon sapat upang hindi kayanin ng mga ilog, estero, at drainage system ng lungsod.
Noong 2021, iniulat ng Philippine News Agency na nagdulot ang ITCZ ng pagbaha at panganib ng landslide sa Rehiyon XI kahit walang direktang pananalasa ng bagyo.
Subalit habang lumalakas ang epekto ng mga pag-ulan, tila mas nagiging mahina rin ang lungsod sa pagbaha.
Kasabay ng mabilis na urbanisasyon sa Davao ay ang unti-unting pagkawala ng mga likas na espasyong dating nagsisilbing lagusan at imbakan ng tubig-ulan.
Sa pagdami ng mga subdivision, gusali, komersyal na establisyemento, at sementadong kalsada, lumiit ang mga lugar na maaaring daluyan ng tubig tuwing malakas ang ulan.
Isa sa pinakamalaking pagkawala ng lungsod ay ang mga wetland o latian.
Bagama’t madalas napagkakamalang bakanteng lupa lamang, mahalagang bahagi ng urban ecosystem ang mga wetland. Ang mga ito ang nagsisilbing natural na panangga laban sa baha dahil kaya nitong pansamantalang sumalo at mag-ipon ng sobrang tubig-ulan.
Noon, malalawak pa ang wetland at floodplain sa mga lugar tulad ng Agdao, Matina, at Bajada. Sa tuwing may malakas na ulan, tumutulong ang mga ito upang pabagalin ang pagdaloy ng tubig bago ito makarating sa mga residential area.
Ngayon, halos wala na ang karamihan sa mga ito.
Batay sa ulat ng Philippine Information Agency, tinatayang nasa 95 porsiyento ng urban wetlands ng Davao City ang nawala mula pa noong dekada 1940 dahil sa reclamation, land conversion, infrastructure development, at mabilis na urban expansion.
Kasabay ng pagkawala ng mga wetland ay ang pagkawala rin ng natural na proteksiyon ng lungsod laban sa baha.
Kapag wala nang sapat na lugar na maaaring sumalo sa tubig-ulan, mabilis itong dumadaloy patungo sa mga kalsada, kanal, ilog, at mga komunidad. Dahil dito, kahit ilang oras lamang ng malakas na ulan ay maaari nang magdulot ng flash flood.
Hindi rin nakatutulong ang pagkasira ng mga watershed sa paligid ng lugar.
Mahalaga ang kagubatan sa pagkontrol ng daloy ng tubig mula sa kabundukan pababa sa lungsod. Sumisipsip ng tubig ang mga ugat ng puno habang pinapabagal naman ng lupa sa kagubatan ang pag-agos nito.
Ngunit kapag nasisira ang kagubatan dahil sa pagtotroso, quarrying, at land conversion, mas mabilis ding bumababa ang tubig-ulan kasama ang putik at latak na bumabara sa mga ilog at drainage system.
Paulit-ulit nang binigyang-diin ng mga environmental agencies ang kahalagahan ng pangangalaga sa watershed, kabilang ang mga programang tulad ng Restoring Davao River Back to Life para sa rehabilitasyon ng Davao River.
Kasabay nito, patuloy ring lumalala ang problema sa mga basurang bumabara sa mga kanal at daluyan ng tubig. Kahit hindi matindi ang ulan, sapat na ang mga baradong estero upang mabilis na umapaw ang tubig sa mga komunidad.
Ipinapakita ng sitwasyon sa Davao ang mas malawak na epekto ng climate change at environmental degradation sa mga lungsod sa Pilipinas. Hindi lamang nito pinalalakas ang mga bagyo—pinatitindi rin nito ang pag-ulan sa mga lugar na dati namang hindi gaanong binabaha.
Sa gitna ng paulit-ulit na pagbaha, naghahanda rin ng short-term at long-term flood mitigation plans ang City Government of Davao.
Subalit para sa mga environmental planners at mga siyentipiko, hindi sapat ang flood response at evacuation tuwing may kalamidad. Kailangan din ng pangmatagalang solusyon tulad ng rehabilitasyon ng mga wetland at watershed, pagpapabuti ng drainage system, mas mahigpit na pagpapatupad laban sa ilegal na pagtatapon ng basura, at urban planning na isinasaalang-alang ang epekto ng climate change.
Sapagkat habang patuloy na natatakpan ng semento ang mga dating latian at habang patuloy na nasisira ang mga kagubatan at ilog, mas lalo ring nawawalan ng proteksiyon ang mga komunidad laban sa baha.
Kung magpapatuloy ang pagkawala ng mga likas na depensa ng lungsod, maaaring dumating ang panahong hindi na lamang mga kalsada ang lulubog tuwing umuulan—kundi pati ang seguridad at kabuhayan ng libo-libong Dabawenyo.