
Cervy Ramos
Hindi sapat ang husay at talino kung ang mga makabagong ideya ay walang pondong magtutulak upang maisakatuparan ang mga ito.
Hindi maikakailang sagana sa talino ang mga Pilipino. Taon-taon, may mga kabataang nagwawagi sa mga kompetisyong pang-agham at patuloy na lumilikha ng mga pananaliksik na maaaring makatulong sa bansa. Gayunpaman, marami sa mga ideyang ito ang nananatiling konsepto lamang, kung saan isa sa mga pangunahing hadlang ang kakulangan ng pondo para sa pananaliksik at pagpapaunlad ng mga inobasyon.
Bagama’t may mga programang tulad ng Department of Science and Technology (DOST) Scholarship na nagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga mag-aaral sa larangan ng agham at teknolohiya, at mas maraming oportunidad ang naibibigay sa mga mag-aaral ng Science, Technology, and Engineering Mathematics (STEM) strand sa pamamagitan ng mga scholarship, research competitions, at training, hindi ito sapat kung kulang naman ang suporta sa mismong pagbuo at pagpapaunlad ng kanilang mga proyekto. Ang scholarship ay nagbubukas ng pintuan sa edukasyon, ngunit hindi nito natutugunan ang malaking gastusin sa pananaliksik, laboratoryo, makabagong kagamitan, paggawa ng prototype, at komersyalisasyon ng mga imbensyon.
Hindi rin maikakaila na napatunayan na ng mga Pilipino ang kanilang kakayahang lumikha ng mga inobasyong may malaking ambag sa lipunan. Si Maria Orosa ay nakalikha ng mga produktong gaya ng banana ketchup, Soyalac, at Darak na nagbigay ng praktikal na solusyon sa kakulangan sa pagkain at nutrisyon. Si Dra. Fe del Mundo naman ay kinikilalang imbentor ng isang murang bamboo incubator na nagbigay ng pagkakataon sa mga ospital sa liblib na lugar na maalagaan ang mga sanggol na kulang sa buwan kahit walang mamahaling kagamitan. Maging si Dr. Manuel Zamora ay nagpaunlad ng Tiki-Tiki, isang suplementong bitamina na nakatulong sa paglaban sa malnutrisyon ng libo-libong batang Pilipino.
Ipinakikita ng mga halimbawang ito na kapag nabibigyan ng sapat na suporta ang mga Pilipinong mananaliksik at innovator, mas lumalawak ang kanilang kakayahang makalikha ng mga solusyong maaaring maging kapaki-pakinabang sa bansa at magkaroon ng pagkilala sa pandaigdigang antas.
Mas malaking pamumuhunan ng pamahalaan sa agham, pananaliksik, at inobasyon ang maaaring magbukas ng mas maraming pagkakataon para sa pag-usbong ng mga mananaliksik na susunod sa yapak nina Maria Orosa, Fe del Mundo, at Juan Salcedo Jr.
Mas lalong lumalalim ang suliranin dahil nananatiling mababa ang pamumuhunan ng Pilipinas sa research and development (R&D). Tinatayang 0.3 porsiyento lamang ng gross domestic product (GDP) ang ginagastos ng bansa para sa R&D—malayong mas mababa sa humigit-kumulang 2 porsiyentong pandaigdigang average at sa 1 porsiyentong benchmark ng United Nations. Dahil dito, nahihirapan ang bansa na makasabay sa mabilis na pag-unlad ng ibang ekonomiya at makalikha ng sariling solusyon sa mga suliraning kinahaharap nito.
Makikita rin ang kakulangan ng suporta sa mismong sistema ng edukasyon. Batay sa datos, 4,520 sa 12,390 pampublikong mataas na paaralan sa bansa ang walang science laboratory, habang marami pa ang kulang sa makabagong kagamitan. Paano mahuhubog ang mga susunod na siyentipiko at innovator kung kulang ang kanilang pagkakataong magsagawa ng aktuwal na eksperimento, pananaliksik, at pagbuo ng mga bagong teknolohiya?
Bunga ng limitadong oportunidad at pasilidad, maraming mahuhusay na Pilipinong siyentipiko, inhinyero, at iba pang propesyonal ang napipilitang maghanap ng mas magandang oportunidad sa ibang bansa. Ang patuloy na brain drain ay hindi lamang pagkawala ng mahuhusay na tao kundi pagkawala rin ng mga ideyang maaaring magbigay ng solusyon sa mga suliranin ng Pilipinas. Habang ang ibang bansa ang nakikinabang sa kanilang kakayahan, patuloy namang naghihintay ang Pilipinas sa mga pagbabagong maaari sanang sila ang manguna.
Kung tunay na hangarin ng pamahalaan ang isang mas maunlad at mas matatag na bansa, hindi sapat ang pagtatayo lamang ng mga gusali, tulay, at iba pang imprastraktura. Ang kaunlaran ay hindi lamang nasusukat sa dami ng konkretong imprastraktura kundi maging sa lawak ng kaalamang nalilikha at sa mga teknolohiyang nagmumula rito.
Dapat ding bigyang-prayoridad ang pamumuhunan sa agham, pananaliksik, at edukasyon. Ang pagdaragdag ng pondo para sa research grants, modernisasyon ng mga laboratoryo, pagsuporta sa mga startup, at pagbibigay ng sapat na kagamitan sa mga paaralan ay mga hakbang na magbibigay ng pangmatagalang benepisyo sa bansa.
Ang kinabukasan ng Pilipinas ay hindi lamang nakasalalay sa talino ng mga Pilipino kundi sa kahandaan ng pamahalaan na suportahan ang kanilang kakayahan. Hangga’t nananatiling kapos ang pondo para sa agham at inobasyon, mananatiling kapos din ang pagkakataon ng bansa na makasabay sa pandaigdigang pag-unlad.
Hindi dapat ituring na luho ang pamumuhunan sa larangan ng siyensiya. Isa ito sa mga pundasyon ng isang progresibo, matatag, at tunay na makabagong Pilipinas. Sapagkat ang isang bansang naglalaan ng sapat na suporta sa mga siyentipiko at mga Pilipinong handang tumuklas sa ngalan ng agham ay isang bansang namumuhunan hindi lamang sa kasalukuyan kundi sa kinabukasan ng bawat Pilipino.