
U.P. naming mahal,
Pamantasan ng bayan.
Congratulations! Siguro tulad ng humigit-kumulang na 18,000 na bagong Iskolar ng Bayan, nakikita mo ang mga luntiang titik sa pagbukas ng website sa umagang narinig mo na mayroon nang results ang University of the Philippines College Admission Test (UPCAT).
Nasa Peyups ka na, sa Unibersidad ng Pilipinas. Dati-rati, pangarap mo lang ang pumasok sa mga garing na daanan ng A.S. at kumain ng mura ngunit masarap na pagkain sa A2. Ngayon, hindi na ito pangarap. Isa nang reyalidad. Isa ka nang ganap na Iskolar ng Bayan.
Pamantasan ng bayan, dugo’t pawis ng sambayanan: puhunan mo ay dunong, tanging karunungan. Alam kong ikaw ay takot, may pag-aalinlangan, ngunit ipagpatuloy mo lamang ang paghahanap sa iyong kapalaran.
Tinig ng masa,
Ang siyang lagi nang pakikinggan.
Sa pagtapak mo sa pamantasan, dalawang reyalidad agad ang sasalubong sa iyo: ang UP na pinapangarap pasukin, na puno ng pag-asa, at ang UP na hinahamon ka; kung saan ang pagiging Iskolar ng Bayan ay may kaakibat na mabigat na paninindigan. Dito mo makikita na hindi ang UPCAT ang pinakamahirap na test sa UP. Hindi rin ang di-matapos-tapos na acads o thesis, kundi ang araw-araw na hamon na panindigang maging pag-asa ng bayan.
Malayong lupain,
Di kailangang marating,
Dito maglilingkod sa bayan natin.
Noong freshman ka, panigurado, malayo na agad ang pangarap mo. Marami sa atin ang nangarap mangibambayan para sakali naman ay baguhin ang kapalaran at magkaroon ng yaman. Ngunit babaguhin ka ng UP. Ang dati mong pangarap ay mapapalitan ng umaatikabong kagustuhang pag-aralan ang lipunan at pagsilbihan ang sambayanan.
Silangang mapula,
Sagisag magpakailanman,
Ating ipaglaban,
Laya ng diwa’t kaisipan.
Siguro noong unang beses mong makakita ng rally ay parehong may takot at pagkamangha sa isip mo: silang ‘di-pangkaraniwan, patuloy lang na lalaban. Sana dito mo makita ang kalagayan ng nasa laylayan, at mas lalo mong palalimin ang pagmamahal sa bayan na tangi mong pinagsisilbihan. Laban lang Iskolar; magpakatatag ka’t ibigay mo ang iyong lakas sa anumang paraan na kaya mo.
Ang diwa mong mapuspos ay gamitin mong sandata; ang kaisipan mong malaya ay gamitin mo sa gawing mapagpalaya, at ang pag-asa na naging sandigan mo nang pumasok ka sa UP ay gamitin mong tanglaw ng masa.
Humayo’t itanghal,
Giting, tapang at dangal,
Mabuhay ang lingkod ng taong bayan.
Alam ko ang mga kontradiksyong bumabagabag sayo: sino ang hindi lang papasok sa pamantasan, kundi pipiliing tumindig para sa bayan? Dahil hindi nagtatapos sa ‘congrats, passer’ ang kwento ng UP. Sa parehong araw ng selebrasyon ng mga bagong sibol ng UPCAT 2026, may isang pangalang magpapaalala na agad kung ano ang ibig sabihin na maging tunay na Iskolar ng Bayan–si Alyssa Alano.
Si Alyssa, kasama ng mga tulad nina Dee Supelanas at Nai Maderazo, ang nagpatunay na ang pagiging Iskolar ng Bayan ay hindi lamang isang karangalan, kundi isang habambuhay na panata. Sila ang mga ‘di-pangkaraniwan na hindi na lumayo, hindi tumalikod, at itinaya ang sarili upang dito maglingkod sa ating bayan. Kayo ang mga mirasol na tutubo at haharap sa araw na kahit kailan ay hindi mamamatay.
Malayong lupain,
Di kailangang marating,
Dito maglilingkod sa bayan natin.
Iskolar, saludo sayo. Pinipili mo pa ring magpakatatag. Alam kong may takot sa puso mo, ngunit tularan mo ang ‘di-pangkaraniwan na hindi na lumayo at dito na naglingkod sa ating bayan. Pagsilbihan natin ang sambayanan. Ito na lamang ang kaisa-isang sukling kaya nating iabot sa milyun-milyong Pilipinong nagtiwala at nagpaaral sa atin sa Unibersidad ng Pilipinas.
Alyssa, para sayo, at sa lahat ng Iskolar ng Bayan na piniling iwanan ang alwan ng pamumuhay sa kalunsuran at mabuhay nang payak sa piling ng taumbayan, kayo ang aming tanglaw at aming inspirasyon hanggang sa ating marating ang inaasahang tagumpay.
Dahil ang tunay na Iskolar ng Bayan ay hindi nasusukat sa dami ng medalya o sa summa cum laude na tatawagin sa araw na piliin nating matapos na sa pag-aaral, kundi ang buong pusong pagsilbihan ang sambayanan, dumating man ang araw na tayo ay lumabas na sa ating hinirang na pamantasan.
(Liriko mula kay Gary Granada.)