Sana hindi na lang kita naging kaibigan

Top Saligan 

Sabi nila, masaya magkaroon ng kaibigan. 

Totoo ‘yon—dahil tuwing kasama kita, dama ko ang kasiyahang hindi mapapantayan kahit ng mundo man. 

Tuwing tumatawa ka, tumatawa na rin ako, sapagkat tayo lang ang nakakaalam ng mga birong pinagsasaluhan natin. Tuwing ngumingiti ka ay napapangiti na rin ako, dahil sa kalungkuta’y ikaw lang ang kasangga ko. Dahil dito, nagkaroon ako ng maraming rason upang asahan ang mga darating na araw na kasama ka. 

Nagkaroon din ako ng maraming ‘sana’ habang tumatagal ang ating pagkakaibigan. Sana, lagi kitang kasabay pagpasok sa paaralan at sa pag-uwi. Sana, lagi tayong magkasama. 

At sana—sana, hindi lang kita naging kaibigan lang. 

Hindi ko ito hinihiling dahil kinasusuklaman kita, ngunit dahil mahal kita: mahal na mahal kita, higit pa sa isang kaibigan. Pero, tayo ay nabigyang-kahulugan na ng salitang “hanggang”.

Ayokong sabihin sa’yo na “ako na lang”, dahil sa una pa lang, pinili mo na ako—pero bilang isang kaibigan. Pinili mo ako dahil maituturing mo akong kapatid. Bakit ba ninanais ko ang mas malalim na pagtingin, kung nariyan ka naman na? Hindi nga lang sa paraang minimithi ng puso ko. 

Hindi ko kailanman gugustuhing mapalayo ka kung sakaling malaman mo ang nararamdaman ko. Mas mainam na, sa tunay na buhay ay tayo’y nagtatawanan sa ating mga biruan, habang sa isipan ko nama’y tangan-tangan na kita sa dambana. 

Siguro, itatago ko na lang ito. At sa aking huling hantungan, kapag ang aking katawa’y naagnas na, at pamahayan ng mga uod, matitikman nila ang puso ko’ng minsa’y naging laman ka. At sa kanilang pagdating sa aking lalamunan, malalaman nila ang mga salitang hindi ko nasabi sa’yo—dahil kaibigan mo lang ako. 

Kaya sana, hindi na lang kita kaibigan.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...