Takbo gusto, pakundangan ayaw?

Kenjie-Aya Oyong

Dalawang taon na ang nakararaan nang una akong mapasyal sa Unibersidad ng Pilipinas–Diliman. Inakala kong para akong nasa ibang dimensiyon; isang takas mula sa ingay at polusyon ng lungsod. 

Abala ang mga mag-aaral sa paglalakad papunta sa kani-kanilang klase. Masayang naglalaro ng frisbee ang mga nasa gitna ng Sunken Garden. Malinis ang luntiang kapaligiran. At bilang lamang sa daliri ang mga sasakyang napapadaan, maging ang mga tumatakbo (hindi pa kasi uso ang Strava noon).

Malayong-malayo sa kung anong nasasaksihan ko ngayon sa tuwing napapadaan ako sa Sunken Garden. Sa dami ng mga nagja-jogging, masasabi kong buhay na buhay ang UP Diliman. Kahit hindi weekends ay parang holiday sa dami lalo na pagsapit ng hapon. Ang iba, walang pinipiling petsa at oras, kahit kailan nila gustuhin.

Wala namang masama sa pagpasyal sa UP Diliman. Sa paglipas ng panahon, nalinang ng pagiging bukas ng institusyon sa publiko ang pagiging isang pampublikong lugar nito lalo na ng Academic Oval. Subalit ang UP Diliman, simula’t sapul, ay isang akademikong institusyon. Ang pangunahing mandato nito ay makapagbigay ng mataas na edukasyon sa iba’t ibang larangan, hindi magsilbi bilang isang pampublikong libangan. Dapat na igalang ninuman ang katotohanang ang mga mag-aaral ang unang pagsisilbihan ng pamantasan.

Sa pagdami ng mga joggers, tumataas din ang bilang ng sasakyan sa unibersidad. Sasakyan din kasi ang gamit nila papunta sa kampus ng Diliman kaya humahaba ang pila ng mga sasakyang nakaparada sa gilid ng kalsada. Kung minsan, nakikiagaw pa sa mga paradahan na nakalaan para sa mga nagtatrabaho sa unibersidad. Ilan pa sa kanila ay hindi marunong sumunod sa batas-trapiko na nagiging panganib sa mga pedestrian at siklistang katulad ko.

Walang araw na hindi ako lumalabas ng bike lane sa tuwing nagbibisikleta ako dahil may sasakyang nakaharang. Maging sa Sunken Garden, sinasakop ng mga joggers ang bike lane kaya napipilitan akong lumabas ng linya upang hindi sila masagasaan. May sarili namang linyang nakalaan para sa kanila kaya hindi ko minsan maiwasang maisip kung bakit hindi sila doon manatili.

Umaabot na rin sa puntong nakaaabala sa mga gawaing pang-akademiko ng unibersidad ang pagdagsa ng mga joggers. May isang beses na nahirapan ako at ang mga kasama ko sa gawain naming pagsa-survey ng kalsada sa dami ng tao sa paligid. Maliit na bagay, kung tutuusin, pero kapag pinababayaan lang, mas lumalawak ang problemang naidudulot.

Tulad ng nangyari sa mga UPCAT takers noong ika-2 at ika-3 ng Agosto na nahuli sa kani-kanilang mga exam dahil patay-malisya ang mga joggers sa abiso ng unibersidad ilang linggo bago ang mismong araw ng UPCAT. Ang simpleng kawalan ng paggalang sa mga pagdaraos ng institusyon ang siyang nagdudulot ng matinding perwisyo sa mga bumubuo at nagpapanatili nito.

Nababalahura ang Sunken Garden sa dami ng mga taong hindi alam ang simpleng etiketa sa paggamit ng pampublikong lugar. Nagkalat kung saan-saan ang mga basura na hindi mailagay sa tamang basurahan pagsapit ng gabi. Ang nakakawawa ay ang mga sanitation at maintenance workers na kailangan pang mag-overtime upang malinis lang ang lugar. Ang malala, hindi sila nababayaran sa sobrang oras dahil pribadong kumpaniya ang kanilang maypagawa.

Kung titingnan sa mapa, gatuldok lang ang luntiang espasyo ng UP Diliman sa mahigit 63,000 ektaryang Metro Manila. Iyon mismo ang dahilan kung bakit dinadagsa ng mga taga-lungsod ang pamantasan. Kaya dapat lang na panatilihin ng lahat na malinis bilang kapalit ng malaya nilang pagbisita sa lugar. Lalo na ngayong nahaharap na rin sa marahang pagkasira ng kapaligiran ang UP Diliman.

Noong 2021, naging alalahanin na ng ilang makakalikasang grupo ang sobrang liwanag na mga poste ng ilaw sa kahabaan ng Academic Oval na may negatibong epekto lalo na sa mga nokturnal na hayop na naninirahan sa lugar. At ngayong dumarami ang mga naggagawi sa pamantasan na kadalasan ay nakasasakyan pa, posibleng magambala ng ingay at polusyong dala nila ang ekosistema ng UP Diliman.

Bukod pa roon, suliranin na naming mag-aaral ng UP Diliman ang unti-unting pagliit ng espasyo para sa amin. Sintomas ang UP Town Center, at kamakailan ay pagbubukas ng Dilimall, sa komersiyalisasyon ng UP. Ngayong dumarami ang napapasyal, hindi malayong pabibilisin at palalalain nito ang proseso ng komersyalisasyong umiiral sa unibersidad. Lalong titindi ang banta sa akademikong espaysong laan sa mga mag-aaral. Kaya hindi ko makukuwestiyon ang mga kapwa ko mag-aaral na nagrereklamo sa dagsa ng anila’y “tagalabas,” ngayong hindi na namin nagagawa ang dapat na ginagawa namin sa isang pamantasan—ang mag-aral.

Ang malala pa nito, ilan sa mga joggers ay tila nagiging entitled. Ilan sa kanila ang iginigiit na marapat lang na payagan silang mag-jogging sa UP gayong nagbabayad naman daw sila ng tax at public land naman ang UP Diliman. Tama, public land naman ang state universities tulad ng UP. Gayundin naman ang Malacañang at Kampo Krame, ngunit wala naman silang pahintulot na mamasyal-masyal at tumakbo-takbo roon. Magkaiba ang public land sa public park. Bagaman tax ng taumbayan ang nagsakatuparan sa UP Diliman, hindi ito itinayo upang maging isang pasyalan.

At kahit pa bukas sa publiko ang isang akademikong institusiyon, hindi ibig sabihin na may masasabi na ang sinuman sa kung paano ito umiiral at nagsisilbi sa publiko. Kaya nga kataka-taka ang nakita kong isang survey hinggil sa pagnanais ng mga joggers na magkaroon ng shower at locker facility na para bang parte sila ng UP upang makapagpatupad ng ganoong klase ng proyekto sa loob mismo ng unibersidad.

Samantalang kaming mga mag-aaral, hirap na hirap sa pagboses ng aming mga hinaing upang pigilan ang komersiyalisasyon, pahintuin ang diskriminasyon, maibsan ang kakapusan ng klase dulot ng budget cuts, pahintuhin ang red-tagging na patuloy na bumibiktima sa amin, at iba pang gumagapi sa karapatan namin bilang mag-aaral.

Kung mayroon mang mas may karapatang magreklamo, iyon ay ang mismong mga estudyante, propesor, mananaliksik, at iba pang trabahador ng unibersidad.  Kung mayroon mang dapat na humingi ng pagbabago, iyon ay ang mga taong bumubuo ng institusyong ito, dahil sila ang direktang naapektuhan ng iba’t ibang kaganapang umiiral sa loob ng pamantasang kanilang kinabibilangan.

Sintomas ang isyung ito sa kasalatan ng pampublikong espasyo dito sa Metro Manila. Sa isang metropolis na gubat ng kongkreto, isa nga namang pahinga ang luntiang espasyong hatid ng UP Diliman. Ngunit may limitasyon din ang unibersidad sa kaya nitong mapagbigyan. At hindi responsibilidad ng unibersidad na punan ang pagkukulang ng pamahalaan sa pagbibigay ng pampublikong pasyalan at libangan.

Hindi naman dapat isisi ang lahat sa mga joggers na nais lang din namang gamitin ang espasyong inilaan din naman kahit papaano para sa kanila. Nasa kamay ng administrasyon ng UP ang pagtugon sa mga suliraning pinalalala ng patuloy na pagdami sa mga pumapasyal dito. Nakasalalay sa kanila ang kapakanan at karapatan ng mga bumubuo, nagpapanatili, at nagpapayabong nito—partikular ang mga mag-aaral.

Gayundin, hindi pagdadamot ang pagkuwestiyon sa pagdami ng taong bumibisita sa UP Diliman. Hindi pangge-gatekeep ang pag-callout sa mga bumabastos ng espasyong ibinabahagi sa kanila at pinakikinabangan nila. Isa lamang itong paalala sa tunay na mandato ng isang institusyon, sa mga karapatan at responsibilidad ng gumagamit nito, at kung sino ba dapat ang tunay na pinagsisilbihan nito.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...