
Habang umuusbong ang digital age sa buong mundo, ang internet ay nagsisilbing sentro ng modernong pamumuhay. Ngunit sa mga tagong lugar sa Pilipinas na pinagkaitan nito, paano na lamang sila magiging konektado upang makasabay sa takbo ng makabagong panahon?
Sa bansa kung saan tila pribilehiyo pa rin ang pagkakaroon ng maayos na internet, nais tugunan ng Konektadong Pinoy Act o RA No. 12234 ang kakulangan na ito sa pamamagitan ng pagpapalawak at pagpapabilis ng koneksyon sa mas mababang halaga, kahit pa nasa liblib na lugar.
Ayon kay Henry Aguda, Kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DICT), matatamasa sa batas na ito ang mas mababang halaga ng serbisyo sa internet at mas pinalawak na access lalo na sa mga lugar na hindi naaabot ng karaniwang mga internet service providers (ISP).
Ang batas na ito ay may layunin din na pabilisin at pasimplehin ang mga proseso sa pagkuha ng lisensya ng mga kumpanyang nais magtayo ng internet at data infrastructure sa bansa. Mabibigyang-pahintulot din ang mga nais mamuhunan sa broadband at data transmission facilities kahit walang prangkisa mula sa Kongreso.
Naging ganap na batas ang Konektadong Pinoy Act noong Agosto 24, 2025 habang nilagdaan naman ng DICT at iba pang ahensya ng gobyerno ang Implementing Rules and Regulations (IRR) nito noong Nobyembre 5, 2025. Magiging epektibo ito 15 araw matapos mailathala sa Official Gazette.
Ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siguraduhin ang dekalidad at abot-kayang internet connection sa bansa.
Para sa bansang progresibo
Ayon kay Arsenio Balisacan, Kalihim ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), nakasaad sa IRR ng Konektadong Pinoy Act ang pagtatakda ng pamantayan sa pagpapatupad at mga patakaran para sa cybersecurity upang matiyak na ligtas at maaasahan ang mga serbisyong pang-internet.
Dagdag pa niya, ang batas na ito ay higit pa sa mga imprastraktura na itatayo at sa mga regulasyon na ipatutupad—ito ay para sa taumbayan.
“It is about people. It is about ensuring that students can learn, that small enterprises can thrive, and that local governments can deliver better public services,” saad ni Balisacan sa ceremonial signing ceremony na ginanap sa opisina ng DICT.
[Ito (Konektadong Pinoy Act) ay tungkol sa mga tao. Ito ay tungkol sa pagsiguro na ang mga mag-aaral ay natututo, ang mga maliliit na negosyo ay umuunlad, at ang mga lokal na pamahalaan ay nakapagbibigay ng maayos na serbisyo sa publiko.]
Ang bagong IRR na nilagdaan ay magbubukas ng mas patas na kompetisyon sa industriya ng telecommunications (telcos) sa pamamagitan ng pagpapatupad ng open access policy sa data transmission.
Sa ilalim nito, magiging mas madali na para sa mga bagong ISP ang makapasok sa merkado, mapapabilis ang pagproseso ng mga permit, at mas magiging abot-kaya ang koneksyon dahil sa mas maraming pagpipilian para sa mga konsyumer.
Batay sa DICT, dalawa hanggang tatlong bagong kumpanya ang inaasahan na papasok sa Pilipinas sa mga susunod na taon.
Kasama rin sa IRR ang “Dig Once Policy,” na nag-uutos na isabay ang paglalagay ng fiber cables sa mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan upang mas mapabilis at makatipid sa gastusin.
Ayon naman kay Aguda, hindi lamang proyekto ng pamahalaan ang Konektadong Pinoy kundi kanilang pangako na walang Pilipino ang maiiwan sa mabilis na pagbabago ng digital age.
Sa panahon ngayon, hindi lamang kaginhawaan ang dala ng maayos na koneksyon—ito ay isang pangangailangan ng mamamayan na nagdadala ng inobasyon tungo sa isang bansang progresibo.
Tinimbang na pakinabang at kahinaan
Bagama’t may magandang tunguhin para sa Pilipinas at sa mamamayang naninirahan dito ang Konektadong Pinoy Act, kaakibat pa rin ng batas na ito ang pinaghalong benepisyo at posibleng kahinaan na maaaring makaapekto sa lahat.
Kabilang sa mga pakinabang nito ang mas inklusibong koneksyon para sa mga lugar na dati ay walang internet access, at mas abot-kayang presyo ng serbisyo dahil sa kompetisyon sa pagitan ng mga kumpanya.
Dagdag pa riyan ang mas maraming oportunidad sa negosyo dahil magiging madali na para sa maliliit na ISP ang makapasok sa merkado dahil hindi na lamang malalaking telcos ang may kontrol dito.
Gayunpaman, kasabay ng pagbubukas ng pinto sa mas maraming ISP, posible ring tumaas ang panganib ng hindi matatag o kulang na serbisyo. Maaari ding maging banta sa seguridad ng data ng mga mamamayan ang kawalan ng mahigpit na regulasyon laban sa data breaches.
Sa batas na tulad ng Konektadong Pinoy Act, dapat timbangin ang bilis ng pagbabago at ang pangangalaga sa seguridad ng bawat isa upang hindi masakripisyo ang tiwala ng publiko sa ngalan ng modernisasyon.
Balanseng tungkulin ng bawat Pilipino
Hindi tuluyang makikita ang mithiin ng isang batas kung hindi magtutulungan ang bawat sektor na makikinabang dito. Mahalagang maging aktibo ang pamahalaan, mga pribadong kumpanya, at mamamayan upang masiguro na makakamit ang layuning nakasaad dito.
Tungkulin ng DICT at mga lokal na pamahalaan ang masusing pagpapatupad at pagsusubaybay sa mga probisyon ng batas. Gayundin, tungkulin ng mga ISP, maliit man o malaki, ang pagpapanatili ng kalidad at seguridad ng kanilang serbisyo.
Para naman sa mga mamamayan, maging mapanuri sa paggamit ng internet lalo na sa panahon ngayon na talamak ang mga online trolls at scammers. Ang tamang paggamit nito ang tunay na susi sa pagiging ‘konektadong’ Pilipino.
Sa ganitong paraan, maisasakatuparan ng lahat ang layunin ng batas hinggil sa maaasahan at ligtas na koneksyon para sa bawat isa.
At sa oras na maging konektado na ang lahat—mula sa estudyante sa liblib na mga baryo hanggang sa maliliit na negosyo sa lungsod—posible nang masabi na tunay ngang walang Pilipino na maiiwan.