Kung saan may sumusulpot, may halamang-gamot na mahuhugot

Photo Courtesy of Pngtree

Cervy Ramos 

Karaniwan man at madalas na napagkakamalang ligaw na halaman, ngunit tunay na hitik naman pagdating sa samu’t saring benepisyong pangkalusugan.

Sa mga bakuran, gilid ng bangketa, at mamasa-masang sulok ng komunidad, tahimik na tumutubo ang pansit-pansitan na isang halamang kadalasang napagkakamalang ordinaryong damo. Madalas itong tapakan, bunutin, o balewalain. 

Ngunit sa likod ng payak nitong anyo ay may mahabang kasaysayan ng paggamit sa tradisyunal na medisina at ang lumalaking interes ng agham na unawain ang tunay nitong halaga sa kalusugan ng tao.

Ang pansit-pansitan ay nagmula sa America at kumalat sa iba’t ibang tropikal na bansa dahil sa kakayahan nitong mabuhay sa iba’t ibang kapaligiran. Sa Pilipinas, naging pamilyar na ang itsura nito dahil mabilis itong tumubo sa malilim at mamasa-masang lugar, mula probinsya hanggang urban na komunidad. 

Dahil hindi ito nangangailangan ng metikulosong pangangalaga, kusa itong dumarami at nagiging bahagi na ng pang-araw-araw na kapaligiran. 

Sa larangan ng agham, ang pansit-pansitan ay kilala sa scientific name na Peperomia pellucida. Isa itong maliit na halamang may makintab, hugis-pusong dahon, at malambot na tangkay na puno ng tubig. 

Ang pisikal na katangiang ito ang dahilan kung bakit madalas itong tawaging pepper elder o shiny bush sa ibang bansa. 

Sa Pilipinas, kilala rin ito bilang ulasimang bato, isang pangalang hango sa karaniwang lugar kung saan ito tumutubo—sa pagitan ng mga bato at basang lupa.

Pinakakilala ang pansit-pansitan bilang herbal o halamang gamot para sa arthritis at gout. Ayon sa mga pag-aaral at sa pagkilala ng Department of Health (DOH), taglay nito ang anti-inflammatory properties na nakatutulong sa pagbawas ng pamamaga at pananakit ng kasu-kasuhan. 

Dahil dito, karaniwan itong kinakain bilang sariwang salad o iniinom bilang tsaa sa mga lugar na naniniwala sa tradisyunal na medisina.

Bukod pa rito, ipinapakita rin ng ilang siyentipikong pananaliksik na ang pansit-pansitan ay may antioxidant at antimicrobial compounds. Ang mga sangkap na ito ay mahalaga sa paglaban ng katawan sa free radicals at ilang uri ng mikrobyo, na may potensyal na makatulong sa pangkalahatang kalusugan at resistensiya ng katawan.

Matagal nang ginagamit ang pansit-pansitan sa folk medicine bilang pantulong sa iba’t ibang karamdaman. Gayunpaman, binibigyang-diin ng mga eksperto na ang mga benepisyong ito ay dapat unawain sa konteksto ng responsableng paggamit. 

Patuloy pa ring isinasagawa ang mga pag-aaral upang masuri ang tamang dosage, posibleng side effects, at limitasyon ng halamang ito bilang alternatibong lunas.

Sa kabila ng mga benepisyong hatid ng pansit-pansitan, malinaw na hindi ito dapat tuluyang ituring na kapalit ng modernong gamutan. Sa halip, ito ay maaaring magsilbing complementary remedy, isang pantulong na ginagamit kasabay ng wastong payo at gabay ng mga propesyonal sa kalusugan.

Kung saan may bigla-bigla na lamang sumusulpot ay may maaaring halamang-gamot ang mahuhugot. Ang pansit-pansitan ay patunay na hindi lahat ng mahalaga ay agad na napapansin. Ang halamang dati ay dinadaan-daanan lamang ay may dalang kaalamang hinubog ng tradisyon na unti-unti na ring pinatutunayan ng siyensiya. 

Sa pag-unawa at wastong paggamit ng mga karaniwang halamang tulad nito, tunay na mapagtatanto na sa mismong lupaing tipikal lamang na tinatapakan, maaaring nakaugat ang sagot sa ginhawang matagal nang inaasam-asam.

10 Votes: 10 Upvotes, 0 Downvotes (10 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...