
Sa mundo ngayon na paunti-unti ng tinatanggap ang lahat ng uri ng kasarian sa larangan ng anumang uring isports, hindi na hadlang ang kasarian upang ika’y matakot lumaban at sumaya sa isang larong iyong nais tahakin.
Madalas ang akala ng iba, nasusukat ang kakayahan ng isang atleta sa kaniyang kasarian — na naging isang malaking hadlang naman para sa mga LGBTQIA+, dahil sa mapangabusong pananalita tila isang nakapipigil sa kanilang pangarap.
Ngunit sa patuloy na pag-usbong nito, malaki at maganda ang naiaambag ng mga sangkabaklaan sa mundo ng isports. Mula sa larong kalye hanggang sa makilala sa Palarong pambansa.
Pero isang atleta ang lumaki sa larangan ng weightlifting, dahil sa pangungutya, haka haka at nasasabi ng iba pinatunayan ni James Legaspi na hindi kailanman ito ang puno’t dulo na dahilan upang sila ay huminto sa kanilang pangarap.
Katatagang isinambit ni James at patunay na magbibigay ng inspirasyon sa komunidad ng LGBTQIA+ na huwag matakot maging totoo at ilaban ang pangarap.
Ngayong ika-66 edisyon ng Palarong pambansa, hindi lang lalaki at babae ang makikita mo! Mayroong Bakla, Tomboy o kahit ano pa man sila at sa kanilang tunay na pagkilanlan sa kanilang kasarian, hindi ito hadlang sa kanilang pag abot ng mithiin sa buhay.
PAGTANGGAP
“Paano ko nga nairepresenta ang sarili ko sa mga kompetisyon? Simple lang, maging tunay na ikaw,” ani James, bagama’t ang mundo ay mapanghusga sa kasarian, hindi ito ang takot na dinamdam ni James. Bagkus ito ay naging susi pa sakaniya upang maraming pintuang nakasara ang magbukas sa maraming oportunidad na naghihintay sakaniya.
Hindi ba’t masaya, kung ang lahat ay tanggap? Makulay ang bahaghari dulot din nito ang kulay ng saya kung tayo patuloy na pinagbubuklod buklod at pinag-iisa ng panahon.
Masaya rin makita ang tunay na pagtanggap sa isang laro bilang isang bading, hindi ba’t sila rin ang nagpapasaya sa tuwing ang mga mukha ay nababalot ng hindi mawaring emosyon. Sila ang clown ng buhay ng mga atletang gusto ng bumigay, ngunit sila rin ang nagtutulak para sa ikatatagumpay ng kanilang koponan.
NOON AT NGAYON
Noon, inaalipusta tayo. Hindi pinapansin at hindi binibigyan ng pagkakataong subukin ang mga hangarin natin, hindi man lang mabigyan ng oportunidad o motibasyon.
Pero ngayon, lahat ng tyansa ay nasa atin na, hindi ka lang basta pang larong kalye, hindi ka lang basta nasa gilid ng iskinita naglalaro, ngayon kaya mo ng irepresenta ang lahat ng miyembro ng lgbtqia+ community na may layong suportahan at ipakita na hindi ka lang basta bakla o bading.
PANGARAP NA UMUSBONG
At gaya ni, James na hindi nag-apekto at patuloy na sinilaban ang umiinit na pangarap, muling ipakikita ng mga mahuhusay na LGBT ang kanilang angking galing sa palarong pambansa 2026 sa Agusan.
“Advice ko lang [ay] wag mo pakikinggan ang iba kundi sarili mo lang. Focus ka sa goal mo at [huwag] pansinin ang sasabihin ng iba,” dagdag pa ni James.
Malaki ang naging tulong ng palarong pambansa ngayon, dahil sa kanilang pagtanggap nang maayos sa lahat ng atleta — kahit anumang kasarian. Ika’y tanggap at respetado.
Hindi na basta drawing na nakalagay sa pader ang lahat ng pangarap mong makapaglaro sa international stage, isa na itong totoong pangyayari. Patuloy mong dinidiligan ang binhing iyong itinanim na tiyak na aanihin mo na siya sa takdang panahon — at ang takdang panahon na iyon ay ngayon.
Hindi nasusukat sa kulay ng bahaghari mula sa red, orange, yellow, green, blue, indigo, at violet kundi nasusukat ito sa tunay na pagtanggap kahit anuman sila. Hindi problema ang pagiging bading, hindi rin ito isang kasalanan. Sapagkat masayang makitang nabubuhay ang dugo ng bahaghari sa mga taong tinatanggap at minamahal sila.
Kaya, ikaw! hindi ka sayang, ipagmalaki mo ang tunay na ikaw, kahit ikaw pa ay balibolista na lalaki o basketbolero na babae. Sapagkat ang buhay ay mayroong pag-asa sa dugo ng bahaghari.