Sa pinagkait na pagluluksa nagsisimula ang pamumuksa

Cervy Ramos

Sa isang lipunang nagmamadali sa pagbangon, ang matagal na pagdadalamhati ay kadalasang itinuturing na kahinaan. Ngunit sa larangan ng agham, malinaw ang ipinapakita na ang pagdadalamhati nang matagal ay hindi pagkukulang, kundi isang likas na bahagi ng pagiging tao.

Mula sa pananaw ng American Psychological Association (APA), ang pagdadalamhati ay isang normal na tugon sa pagkawala, hindi indikasyon ng kahinaan. Ang pagkawala ng mahal sa buhay ay kabilang sa pinakamabibigat na karanasang maaaring pagdaanan ng isang tao. 

Dahil dito, ang matinding lungkot, kalituhan, at emosyonal na pagkabalisa ay itinuturing na inaasahang mga reaksyon, at walang iisang itinakdang panahon kung kailan ito dapat matapos. Ipinapakita rin ng mga obserbasyon na ang ‘grieving phase’ ay maaaring tumagal ng ilang buwan hanggang higit sa isang taon, depende sa lalim ng ugnayan at sa paraan ng pagproseso ng emosyon.

Dagdag pa rito, ipinapakita ng makabagong pananaliksik na ang pagdadalamhati ay hindi dumaraan sa iisang direksyon o linear na yugto. Bagama’t naging popular ang konsepto ng ‘Stages of Grief,’ hindi naman ito sinusunod ng karamihan. 

Sa halip, ang emosyon ay pabago-bago at hindi madaling mahulaan. May mga panahong tila maayos ang kalagayan, at may mga sandaling muling bumabalik ang matinding sakit. Ang ganitong karanasan ay kinikilala bilang bahagi ng normal na adaptibong proseso ng tao.

Ayon sa National Institutes of Health (NIH), pinatutunayan ng mga neurobiological studies na ang pagdadalamhati ay hindi lamang emosyonal na karanasan kundi may malinaw na pisikal na batayan. 

Ipinakikita rito na ang mga bahagi ng utak tulad ng anterior cingulate cortex at insula na siyang mga rehiyong responsable sa pagproseso ng pisikal na sakit, ay aktibo rin sa panahon ng matinding pangungulila. Ibig sabihin, ang nararanasang sakit nito ay hindi lamang metapora kundi aktwal na neurological response.

Ang matinding pagdadalamhati ay may kaugnayan din sa pagtaas ng stress hormones tulad ng cortisol, na maaaring magdulot ng iba’t ibang sintomas sa katawan. Kabilang dito ang paninikip ng dibdib, mabilis na tibok ng puso, pananakit ng ulo, hirap sa pagtulog, at panghihina ng immune system. 

Sa ilang kaso, nauugnay rin ito sa tinatawag na ‘broken heart syndrome’ o stress-induced cardiomyopathy, isang kondisyon kung saan pansamantalang humihina ang paggana ng puso dahil sa matinding bugso ng damdamin. 

Ngunit, sa kabila ng mga ebidensyang ito, nananatili pa rin ang paniniwalang ang matagal na pagdadalamhati ay hindi kanais-nais at dapat agad malampasan. Gayunpaman, pinatutunayan ng mga pag-aaral na ang pagpigil o hindi pagproseso ng emosyon ay maaaring magdulot ng mas seryosong suliranin sa kalusugang pangkaisipan, kabilang ang depresyon at anxiety. 

Sa ganitong perspektibo, ang konsepto ng agarang ‘moving on’ ay hindi dapat ituring na sukatan ng katatagan sapagkat kung tutuusin, maaari pa itong magpalala ng sikolohikal at pisikal na epekto ng pagkawala. 

Mahalaga ring linawin na ang recovery ay hindi nangangahulugan ng tuluyang pagkawala ng lungkot, kundi ang kakayahang ipagpatuloy ang buhay habang dala ang alaala ng mga nawala.

Kung pipigilan, mamadaliin, o huhusgahan ang pagluluksa, maaari itong maging mapamuksa hindi dahil sa tagal nito, kundi dahil sa ipinagkakait dito ang karapatang maranasan nang buo. Ang tunay na panganib ay hindi ang palaksa-laksang pagdadalamhati, kundi ang mentalidad na kumikitil sa espasyong dapat sana’y kanlungan ng sugatan.

Dapat kilalanin na ang pagluluksa ay hindi suliraning kailangang madaliin kundi prosesong dapat hayaang maranasan. Ipinakikita ng agham na higit na nakatutulong ang pagproseso sa dalamhati kaysa pagpigil dito: ang pagbibigay ng puwang sa pag-iyak, paggunita, paghingi ng suporta, at pagtanggap na walang takdang oras ang paghilom. 

Sa antas ng lipunan, nangangahulugan ito ng pagtigil sa pagdidikta kung kailan dapat ‘makabangon’ ang isang tao, dahil ang ipinagkait na pagluluksa ang maaaring maging mapamuksa. Kung gayon, ang tugon ay hindi supilin ang dalamhati, kundi payagan itong maging bahagi ng paghilom.

Ang pagluluksa ay hindi kalaban na dapat talunin, kundi katotohanang dapat tanggapin. Sapagkat sa bawat sakit ay bakas ng pagmamahal, at sa bawat pag-amin sa lungkot ay may pagtutol sa pamumuksang nagsisimula sa pinagkait na pagluluksa.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...