Kung sipag at tiyaga lang ang basehan, bakit lugmok pa rin ang mga magsasaka sa kahirapan?

Bea Allyson Alimangohan & Janelle Alvarez

Hindi maipagkakaila ang mahalagang papel ng mga magsasaka sa ating bansa. Kung wala sila, paniguradong wala tayong inihahain sa ating hapag-kainan, bigas man o gulay at prutas. 

Sa napakaraming taon na sila ay nagtatanim, kapansin-pansin ang salakot na nakapatong sa kanilang mga ulo. Sa unang tingin, isa lamang itong panangga sa init. Ngunit sa paglipas ng panahon, naging bahagi na ito ng kanilang kuwento, saksi sa kung paano sila nagsisikap at nagsasakripisyo, umaraw man o umulan. 

Subalit kahit suot-suot nila ito, hindi pa rin talaga sila nito kayang ipaglaban at protektahan hanggang sa huli — hindi nito kayang takpan ang mababang kita, kakulangan ng suporta, at sistemang patuloy na naglulugmok sa kanila.

Pagyukong ‘di biro

Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa unti-unting pagdilim ng kalangitan, iisang pangyayari ang nasasaksihan ng salakot: ang patuloy na pagyuko ng mga magsasaka sa lupang kanilang binubuhay at sa kabuhayang tila hindi na kayang bumuhay sa kanila.

Subalit sa kabila ng pagsusumikap na ito, marami pa rin sa kanila ang nananatiling salat. Ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang mga magsasaka ang ikatlo sa may pinakamataas na poverty rate sa bansa na nasa 27%

Sa bawat pagyuko ay pasan-pasan din nila ang pangangailangang matustusan ang kanilang pamilya at panatilihing buhay ang sektor ng agrikultura, na itinuturing ng marami na isa nang “dying breed” sapagkat mababa ang tingin ng maraming kabataan sa ganitong uri ng trabaho. 

Makikita ito sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) nitong 2025, kung saan nagkakaroon na ang agrikultura ng kakulangan sa mga  manggagawa.

Sa kabila nito, nagpapatuloy ang mga magsasaka sa kanilang gawain, araw-araw na hinaharap ang init, ulan, at pabago-bagong panahon — nagtatanim pa rin na may katiting na pag-asa sa kanilang mga puso na sana ay may sumibol din na mas masaganang kinabukasan para sa kanila. 

Brasong namamanhid

Tahimik lamang ang salakot na nakapatong sa kanilang ulo, pero matagal na rin nitong nasasaksihan kung paano ang mga ani na minsang inalagaan sa bukid ay napipilitang ipagbili sa halagang halos hindi na sapat upang maibalik ang puhunan at kahit papaano, ay mabigyan ng sukli ang pamamanhid ng ilang bahagi ng kanilang katawan.

Sa Benguet, hindi makikita ang mga magsasaka sa sakahan o nagkakarga ng ani sa mga dambuhalang trak na bumibiyahe patungo sa mga pamilihan. Sa halip, matatagpuan sila sa tabi ng kalsada na may bitbit na karton at walang-pagod na nagbebenta ng gulay sa halagang sampung piso kada kilo, bagsak-presyo — nakabilad sa araw habang naghihintay na may humintong sasakyan.

Tulad ng pamamanhid, nanghihina na rin ang kasalukuyang estado ng agrikultura sa Pilipinas. Base sa datos ng PSA, sa unang kwarter ng 2026 ay naitala ang 2.4% na pagbaba sa halaga ng produksyon ng mga pananim.

Sa likod ng porsiyentong ito ay mga magsasakang nakararanas ng mas mababang kita sa kabila ng pagod, oras, at sakripisyong inilaan sa kanilang mga taniman. 

Dagdag pa rito ang mga mamimiling nakikipagtawaran sa presyo ng kanilang mga paninda. Sa kabilang panig ng transaksiyon, may mga magsasaka ring napipilitang ibenta ang bunga ng ilang buwang paghihintay sa halagang halos hindi na sapat upang maibalik man lamang ang kanilang puhunan.

Kung gaano man katindi ang kanilang sakripisyo sa bukid, ganoon naman kasalat ang balik nito sa kanila.

Para sa mga mamimili, isa lamang itong murang gulay at pagkakataong makatipid. Subalit para sa mga naghirap, maaari itong mangahulugan ng panibagong araw ng pangamba kung paano pagkakasyahin ang munting kinita para sa kanilang pamilya.

Walang unat-unat

Inaakala ng karamihan na sa simpleng pag-unat ay giginhawa na ang pakiramdam ng katawan — subalit sa maraming magsasaka, wala itong epekto sa mga pasaning hindi nababawasan araw-araw.

Sa kanilang konteksto, ang pag-unat ay higit pa sa pag-alis ng pagod; ito ay pag-abot sa mas mataas na antas ng suporta at pag-asang marating ang mga institusyong tutugon sa kanilang mga pangangailangan.

Maraming magsasaka sa bansa ang patuloy na nahaharap sa mga suliraning matagal nang nagpapabigat sa kanilang kabuhayan. Kaya naman, napakahalaga ang bawat pagkakataong maiparating nila ang kanilang mga hinaing sa mga taong may kakayahang tumugon sa kanilang pangangailangan.

Subalit, sa simpleng paghingi ng tulong, minsan ay naisasantabi rin ang kanilang pagkakataon.

Ang pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform na nakatakda sana noong Mayo 12, 2026 ay hindi natuloy matapos ang pagbabago sa liderato ng Senado.

Hindi biro ang pagod at distansyang nilakbay ng ilan upang makarating sa Maynila. 

Sa gitna ng pagtatanim at pag-aani, kung saan ang bawat oras na wala sila sa bukid ay maaaring makaapekto sa kanilang kabuhayan, pinili nilang maglaan ng oras sa pag-asang mapakinggan.Habang nagpapatuloy ang mga usaping pagpapalit ng liderato sa loob ng mga tanggapan, pansamantalang naisantabi ang mga magsasakang naghihintay na mabigyan ng sapat na suporta.

Kaya naman, magpasahanggang ngayon, umaasa sila na balang araw ay mabigyan na rin ng nararapat na atensyon ang mga mamamayan simula’t sapul ay dahilan kung bakit nananatiling buhay ang milyon-milyong Pilipino ngayon.

Sana’y may mas matibay na salakot

Sa loob ng maraming taon na naging saksi ang salakot sa buhay ng mga magsasaka, nananatili ang isang mithiin na sana’y mayroon ding mas matibay na kapalit nito na magsisilbing kanilang masisilungan.

Hindi laban sa init ng araw o buhos ng ulan, kundi laban sa mga unos na matagal na nilang kinakaharap. Kailangan nila ng salakot na makatutulong upang maiahon sila sa lumulubog na sistema.

Isang uri na magiging depensa nila laban sa mapagkait na tadhana, at kaagapay nila sa bawat pagtulo ng kanilang pawis, paghihintay ng walang-katiyakang ani, at pagbubungkal ng butil ng pag-asa para sa kanilang pamilya.

Sana balang araw, maging sulit ang bawat pagyukong kanilang ginawa sa ilalim ng araw — hindi lamang para sa ating mga hapag, kundi para na rin sa kinabukasang matagal na nilang pinapangarap. 

Sapagkat hindi kailanman naging madali ang pagtatanim; bago pa man nila maani ang bunga ng kanilang sakripisyo, marami pang pasanin ang kinakailangan nilang tiisin.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...