Neil Clarence Lagat
Kapag ipinanganak ka sa Maynila, sandamakmak ang oportunidad na nagbubukas para sa iyo. Kapag ipinanganak ka naman sa isang malayong bayan, maaaring kailanganin mo munang lampasan ang maraming hadlang bago mo marating ang parehong pinto.
Hindi ito simpleng usapin ng sipag at pagsisikap. Sa Pilipinas, matagal nang nakasentro sa iilang rehiyon, lalo na sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan nito, ang malalaking trabaho, de-kalidad na paaralan, ospital, at iba pang serbisyong kailangan upang umasenso.
Ano ang geographic inequality?
Ang geographic inequality o spatial disparity ay ang hindi pantay na pamamahagi ng mga oportunidad at serbisyo batay sa lokasyon. Sa madaling salita, ang lugar kung saan ka nakatira ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa kalidad ng edukasyon, trabaho, kalusugan, at iba pang oportunidad na maaari mong makuha.
Ayon kay Rada sa kaniyang pag-aaral na “Philippines Urbanization Review Fostering Competitive, Sustainable, and Inclusive Cities,” bunga ito ng deka-dekadang desisyon kung saan naitayo lamang sa mga piling lugar ang karamihan sa mga tanggapan ng pamahalaan, malalaking negosyo, imprastraktura, at institusyong pang-edukasyon.
“Urban hubs, especially Metro Manila, draw the majority of investments, infrastructure, and employment possibilities, but rural regions remain underdeveloped and economically stagnant.”
Makikita ito sa matinding konsentrasyon ng ekonomiya sa iilang rehiyon. Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang National Capital Region (NCR) ay bumubuo ng 31.2% ng kabuuang ekonomiya ng bansa, habang sinusundan ito ng CALABARZON na may 14.8% at Central Luzon na may 11.1%. Mahigit kalahati ng pambansang ekonomiya ay nakapokus lamang sa tatlong rehiyong ito sa Luzon.
Samantala, nasa 6.9% lamang ang ambag ng Central Visayas, 4.9% ng Davao Region, at 4.7% ng Northern Mindanao, habang lalo pang mababa ang bahagi ng ibang rehiyon tulad ng Eastern Visayas (2.2%), Caraga (1.7%), at BARMM (1.1%).
Ambag ng mga rehiyon sa pambansang ekonomiya:
Paano ito naaapektuhan ang mga Pilipino
Isa sa mga pinakamalinaw na epekto nito ay makikita sa edukasyon, kung saan ang mga prestihiyosong unibersidad, research institution, at specialized training center ay kadalasang nakasentro sa mga pangunahing lungsod.
Sa katunayan, ang mga nangungunang unibersidad batay sa QS World University Rankings 2027, na kinabibilangan ng University of the Philippines, Ateneo de Manila University, De La Salle University, University of Santo Tomas, at Adamson University, ay matatagpuan sa Metro Manila.
Bagama’t mayroon ding mga de-kalidad na pamantasan sa mga rehiyon, tulad ng Mindanao State University, Visayas State University, at West Visayas State University, nananatiling limitado ang kanilang kapasidad at hindi pa rin madaling maabot ng maraming mag-aaral mula sa mas malalayong probinsya. Dahil dito, marami pa rin ang napipilitang lumuwas upang makakuha ng mas malawak na oportunidad sa pag-aaral.
Makikita rin ito sa trabaho. Karamihan ng mga mataas na sahod at specialized na trabaho ay matatagpuan sa malalaking urban center. Ayon sa 2024 Occupational Wages Survey ng PSA, ang average na buwanang sahod sa National Capital Region (₱29,310) ay mahigit dobleng kumpara sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM (₱11,495), ang rehiyong may pinakamababang naitalang sahod. Kaya para sa maraming Pilipino, ang pag-alis sa kanilang bayan ay hindi simpleng pagpili kundi isang pangangailangan upang makahanap ng mas magandang kabuhayan.
Dagdag pa rito, mas limitado rin ang access sa ilang serbisyong pangkalusugan, pampublikong transportasyon, internet connectivity, at iba pang pangunahing serbisyo sa maraming lugar, kaya mas mahirap para sa ilang komunidad ang makasabay sa pag-unlad ng ibang rehiyon.
Ang “Manila dream”
Dahil sa matagal nang konsentrasyon ng oportunidad sa mga pangunahing lungsod, unti-unting nabuo ang isang paniniwala sa kamalayan ng maraming Pilipino: upang umasenso, kailangan mong lumuwas.
Para sa maraming kabataan, ang Metro Manila ay hindi lamang destinasyon kundi simbolo ng mas magandang edukasyon, mas mataas na kita, at mas maraming pagkakataon. Ngunit ipinapakita rin nito ang mas malalim na suliranin: bakit kinakailangang umalis ang isang tao sa kanyang sariling komunidad upang maabot ang oportunidad na dapat sana’y mas malawak na naipamamahagi sa buong bansa?
Bakit ito problema ng lahat?
Hindi lamang mga probinsya ang naaapektuhan ng geographic inequality. Maging ang mga lungsod ay nakararanas ng mga epekto nito.
Sa mga probinsya, nagkakaroon din ng talent drain. Ayon sa 2018 National Migration Survey, halos kalahati ng internal migration ng mga Pilipino ay may kaugnayan sa trabaho, habang NCR at CALABARZON ang nangungunang destinasyon ng mga lumilipat. Dahil dito, nababawasan ang mga propesyonal na maaaring maghatid ng mahahalagang serbisyo sa mga rehiyong higit na nangangailangan nito.
Samantala, sa mga lungsod, lalo namang lumalala ang dami ng populasyon. Tumitindi ang trapiko, tumataas ang presyo ng pabahay, lumalaki ang pressure sa mga ospital at paaralan, at nagiging mas mahal ang pamumuhay.
Sa ganitong kalagayan, hindi lamang iilang komunidad ang naaapektuhan kundi ang mismong kakayahan ng bansa na magkaroon ng mas balanse, mas produktibo, at mas inklusibong pag-unlad.
Maaari pa ba itong maayos?
Oo, ngunit hindi ito masosolusyonan nang mabilis. Ang geographic inequality ay bunga ng deka-dekadang konsentrasyon ng puhunan, imprastraktura, at oportunidad sa iilang lugar, kaya nangangailangan din ito ng pangmatagalan at sistematikong mga reporma.
Bagama’t may mga umiiral na batas at programa upang mabawasan ang geographic inequality, nananatiling limitado ang kanilang epekto. Pinalakas ng Local Government Code of 1991 (Republic Act 7160) at ng Mandanas-Garcia ruling ang pondo at kapangyarihan ng mga lokal na pamahalaan, ngunit marami pa ring LGU ang kulang sa kakayahan upang epektibong maghatid ng mga serbisyo at nananatiling umaasa sa pambansang pamahalaan. Samantala, isinusulong ng National Spatial Strategy ang pagbuo ng mga regional growth center upang pasiglahin ang pag-unlad sa labas ng Metro Manila, ngunit nahahadlangan ito ng kakulangan sa imprastraktura at konektibidad sa pagitan ng mga rehiyon. Maging ang Balik Probinsya Program ay nahirapang makamit ang mga layunin nito dahil nananatiling limitado ang oportunidad sa trabaho at akses sa mga pangunahing serbisyo sa maraming probinsya.
Bilang tugon sa mga umiiral na kakulangan, kinakailangang palakasin pa ang mga regional growth center sa labas ng Metro Manila upang makabuo ng mga alternatibong sentrong pang-ekonomiya. Dapat din itong samahan ng pagpapalawak ng imprastraktura at maaasahang internet connectivity, pag-angat ng kalidad at kapasidad ng lokal na edukasyon at serbisyong pangkalusugan, at mas pinaigting na pagsuporta sa digital economy at remote work. Sa ganitong paraan, mas maipapamahagi ang mga oportunidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa at mababawasan ang konsentrasyon ng pag-unlad sa iilang urban center.
Hakbsang pasulong
Sa huli, ang geographic inequality ay hindi lamang usapin ng distansya kundi ng distribusyon ng oportunidad. Hangga’t nananatiling nakasentro sa iilang lugar ang trabaho, edukasyon, at mahahalagang serbisyo, mananatiling mas mabigat ang laban ng mga Pilipinong ipinanganak sa malalayong komunidad.
Ang pag-abot sa pangarap ay hindi dapat nakadepende sa kung gaano kalayo ang iyong bayan sa sentro ng kapangyarihan, kundi sa kung gaano kapantay ang pagkakataong ibinibigay ng bansa sa bawat mamamayan.