Nang maging huling libro ko ang ABaKaDa 

Mary Kate Francine Entia

Simula pagkabata, itinatak na sa kokote ko na wala akong mararating sa mundo kung hindi ko kayang magbasa nang may kasanayan. Ngunit sa pagdating natin sa makabagong panahon na unti-unting nang nababalot ng alikabok ang mga aklatan, lumutang sa aking isipan ang katanungang, “kailan pa kinalimutan ang pagbasa bilang sentro ng lipunan?”

Lingid sa kaalaman ng lahat, idinaos ang ika-27 Philippine Academic Book Fair nitong July 8, 9, at 10 sa Megatrade Hall 1, SM Megamall. Bagama’t taon-taon itong isinasagawa, nakapanghihinayang na napakaraming mga libro pa rin ang hindi nabubuklat, at mga utak na hindi nabibigyan ng pagkakataong mamulat dahil sa sistemang pinababayaan lamang ang mga ito. 

Sarkastiko man pakinggan, tila nawawalan na ng papel ang mga libro sa Pilipinas matapos maiulat na sa bawat isang silid-aklatan, 60,975 Pilipino ang lumalabas kung itatapat ang bilang ng mga tao sa kinakapos na bilang ng mga library. Hindi nakapagtatakang nalilimutan na ng masa ang kahalagahan ng pagbasa kung ang mismong pamahalaan ay kibit-balikat sa pagpapaalala.

Halatang-halata naman ang kapabayaang ito sa mga numero ng Philippine Statistics Authority, kung saan mahigit 19 milyong Senior High School Graduates ang ‘functionally illiterate’ o nakababasa lamang ngunit hindi nakakaintindi ng kanilang nababasa. Sumisigaw na ang mga numero—ito ay patunay ng bansang naiiwan sa laylayan dahil sa suliraning lahat ay mayroong kasalanan.

Simpleng kakayahan lamang ang pagbasa ngunit ito ay nagiging ugat ng mas malalaking suliranin. Tuwing boboto sa eleksyon, mag-aapply sa trabaho, at kahit sa simpleng paglakad ng mga papeles, pupuwedeng maging tuta ka ng inhustisya kung hindi ka marunong makipagkaibigan sa mga letra.

Madalas na sinasabi ng mga matatanda na hangga’t may buhay, may pag-asa. Ngunit mukhang may nalilimutan tayo, dahil sa dyip na araw-araw mong sinasakyan, mga karatula sa kalsada, at mga panuto ng buhay—nagbabasa ka. Sa madaling sabi, hangga’t may buhay, may pagbasa. 

Kung tutuusin, hindi naman natin dapat pinoproblema ang kawalan ng libraries. Kaso, parang nakasulat sa tubig ang Republic Act 7743 na may mandatong nararapat magkaroon ng library ang bawat lalawigan—dahil sa 1,600 local government units, mahigit-kumulang 1,500 lamang ang mayroon. Kabilang dito ang Quezon City Public Library, Manila City Library at Valenzuela City Library. Hanggang ngayon, kulang pa rin—kinakapos pa rin.

Hindi dapat natin inormalisa ang kawalang-espasyo ng mga libro sa lipunan. Ito ang simula sa paglalakbay ng buhay kaya’t hindi dapat hayaan ng gobyerno na kumupas ito, nararapat manguna ang National Library of the Philippines sa karapatan ng mga Pilipino ukol dito. Sana ay huwag balewalain ng mamamayan ang mga natitirang silid-aklatan sa Pilipinas, habang patuloy na tinatangkilik ang mga Book Fairs. 

Araw-araw tayong nagbabasa, ngunit unti-unti rin nating nalilimutan ang esensya nito. Huwag nating hayaan na tuluyang kumupas ang mga aklatan at hindi na ito mapakinabangan ng susunod na henerasyon, dahil kung ito ang magiging bunga ng ating kapabayaan—ito ang pinakamalaking kasalanan na magagawa natin sa bayan.

Unang libro ng mga bata ang ABaKaDa, ngunit hindi ito dapat ang maging huli. Dahil habang buhay, may pagbasa. 

11 Votes: 10 Upvotes, 1 Downvotes (9 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...