Paano pa kaya sasablay kung posibleng sumablay?

Mayzelle Amerie Rafiñan and Zylyfer Amante Salazar

Wala naman sigurong masama kung sa mga sandaling ito, maninindigan ako sa mga pamahiing minsang sumagi sa aking isipan. 

Wala naman sigurong masama kung iiwan ko na ang tasadong lapis na naging instrumento ko sa pagsusulit. 

Wala naman sigurong masama kung maging sa mga huling sandali—na ang luntiang kulay na matagal kong ipinagdadasal ay siya rin mismong sasalubong nga talaga sa akin.

Sa huling lapat ng aking lapis, tuluyan ko nang lilisanin ang silid kung saan mabilis na kumaripas ang bawat segundo, at tila bumigay na ang aking palad sa dami ng kalkulasyon na hindi mawari kung tama nga ba.

Sa ngayon, mas mahalaga na siguro ang kapanatagan—ang humupang pag-aalinlangan sa tuwing pinipili ng aking isipan kung anong sagot nga ba ang mas matunog at tama. 

Subalit humupa man ang pag-aalinlangan, hindi pa rin maikakaila ang bigat sa dibdib na humihila sa ‘kin upang lingunin ang silid na pinanggalingan, upang muli kong damhin ang lamyos ng hangin sa pamantasan. Sa pagkakataong ito, hindi ko alam kung dahil ba sa pag-iisip na babalik ako, o dahil sa katotohanang ito na ang huling beses na susubukin ko ang sarili kong kapalaran para sa inaasam na sablay.

Napagtanto kong tila nakaangkla ang aking mga paa sa sementadong kalsada ng unibersidad; kung tutuusin, mas nanaisin ko pang lamunin ako nito habang naglalaro ang aking damdamin sa pagitan ng ambon. Tumingala ako sa mga punong nakapaligid sa ’kin. Ang mga lilim nila’y tiyak na naging yungib kung saan, kagaya namin, may nangarap, nangamba, at tumayo muli.

Sa bawat yapak, nagisnan ko rin ang mga ibang kagaya ko—pagod ngunit may mga matang puno ng pag-asa. Marahil pare-pareho ang bumabagabag na pilit isantabi ngunit pabalik-balik sa isip.

Papasa ba? O babagsak na?

Ginawa ko na ang lahat. Ngunit bakit tila’y kulang pa? Bakit kaya’y parang napakatayog ng aking inaasam-asam—na naging buhanging ‘di kailanma’y maikukubli ng aking nguminginig na kamay?

Napakabigat pakinggan ng salitang sablay—ang aking nagpupulang pangarap at sa karamiha’y korona ng tagumpay, dangal, at magandang kinabukasan. Isang telang hudyat ng pagtanggap na susi sa maginhawang buhay. Subalit isa rin itong paalala ng takot na ang lahat ng ito’y maging bukambibig lamang at baka mabigo pa rin sa kabila ng paghihirap.

Paano pa kaya kung sasablay?

Ang tanong na ito’y mistulang itak na tumataga sa aking dibdib. Kakayanin ko bang buhatin ang pira-pirasong dala-dala ko pabalik? Kakayanin ko bang harapin ang mga titig ng pamilyang nagtaya ng pananalig sa ‘kin? Sa gitna ng lahat ng ito, masasabi kong malabo ang nakatakda para sarili kong may gatas pa sa labi.

Batid kong hindi naman katapusan ang hindi matanggap sa unibersidad na aking ninanais. Ngunit kadalasa’y hindi nakikinig ang puso’t damdamin sa utak kong nag-aalinlangan pa rin.

Tapos na. Wala na akong magagawa bukod sa maghintay.

Sa aking pagsandal sa bintana ng dyip, hindi ko na naisip ang lamig na dumapo sa aking pisngi. Nilamon na ng gabi ang mga kalsada, hudyat na ako’y paalis sa pangyayaring posibleng huhubog sa aking pagtatapos.

Subalit sa bawat paghinga, unti-unting humuhupa ang bagyo.

Ibinigay ko ang lahat. Ang bawat tuldok ng lapis, ang bawat panginginig ng kamay, at ang bawat panalangin sa loob ng silid na nagsisilbing saksi na hindi ako duwag. Pumasok ako nang may pangarap; lumabas ako nang may dangal, at magpapatuloy ako maging sa susunod na pagbukang-liwayway.

Anuman ang ibantayog ng kinabukasan—mabiyayaan man o sa hindi, hindi pa nagtatapos ang aking kuwento. Dahil higit sa anumang resulta ng pagsusulit, napatunayan ko ngayong araw: sumugal ako, nagsikap ako para sa pangarap, at patuloy akong hahakbang nang buong tapang. 

Walang mawawala sa akin kapag aking susubukan.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...