SABAYANG PAG-IRAL: Organismo, hinahamon ang kaalaman sa buhay at ebolusyon dala ang kakaibang katangian

Maituturing na nabubuhay ang isang nilalang kung taglay nito ang mga katangiang nagpapatunay rito. Sa kabila nito, isang tuklas ang yumanig sa nakasanayang depinisyon ng búhay.

Nadiskubre ng mga siyentipiko mula sa Canada at Japan ang isang maliit na organismong hindi maituturing na buháy na cell o kaya ay virus, ngunit taglay ang likas na katangian ng pareho—ang Sukunaarchaeum mirabile (S. mirabile).

Ang organismong ito ay may kakayahang gumawa ng sarili nitong ribosome at messenger RNA na siyang bahaging karaniwan na matatagpuan sa totoong buháy na cell. 

Gayunpaman, hindi nito kayang gumawa ng sariling enerhiya kung kaya’t umaasa ito sa ibang organismo para mabuhay—katulad naman ng ginagawa ng virus. 

Sa kabila ng mga kakayahan ng S. mirabile, nananatili ang pangunahing tungkulin nito na magparami. 

Dahil sa angking katangian ng organismo ay pinangalanan ito ayon sa isang bathala na si Sukunabikona (renowned little lord) mula sa mitolohiyang Hapones na kilala sa kaniyang maliit na pangangatawan ngunit taglay ang pambihirang lakas.

Ayon sa mga siyentipiko, ang pagkatuklas sa organismong ito ay halos nagkataon lamang. 

Habang pinag-aaralan ng molecular biologist na si Ryo Harada at ng kaniyang grupo mula sa Dalhousie University ang DNA ng Citharistes regius—isang uri ng marine plankton, nakatagpo sila ng kakaibang hibla ng genetic material na hindi pa naiuugnay sa anumang kilalang organismo.

Kalaunan, natukoy nina Harada na kabilang ang S. mirabile sa grupong Archaea o ang mga sinaunang uri ng simpleng cells (prokaryotic) na pinaniniwalaang pinagmulan ng mas organisadong cells (eukaryotic) ng mga tao ilang bilyong taon na ang nakalilipas.

Isa pa sa nakitang katangian ng organismo ang sobrang liit na DNA nito na mayroon lamang na 238,000 base pairs. 

Kumpara sa mga virus na maaaring umabot sa milyon ang base pairs, ang DNA ng S. mirabile ay wala pa sa kalahati nito. Pati sa hanay ng mga Archaea, ang may pinakamaliit na kilalang genome ay may 490,000 base pairs—mas malaki pa rin kaysa sa taglay ng S. mirabile.

Kung gaano kaliit ang organismo ay kabaliktaran naman ang laki ng papel nito pagdating sa pagpalalalim ng kaalaman sa pinagmulan ng búhay. 

“The discovery of Sukunaarchaeum pushes the conventional boundaries of cellular life and highlights the vast unexplored biological novelty within microbial interactions,” saad ng mga awtor sa pag-aaral.

(Ang pagkakatuklas sa Sukunaarchaeum ay nagpapalawak ng pag-unawa sa kung ano ang itinuturing na búhay, at ipinapakita kung gaano pa karami ang hindi alam ng tao sa mga ugnayan sa pagitan ng maliliit na organismo.)

Maaari rin itong magbukas ng panibagong direksyon sa pag-aaral ng synthetic biology at sa paglikha ng mga artificial cells para sa medisina o teknolohiya.

Sa pag-usbong ng S. mirabile ay ipinakita nito ang unti-unting pagkawala ng malinaw na hangganan sa pagitan ng may búhay at wala. Dahil dito, nailalantad ang posibilidad na may mas malawak pang anyo ng ebolusyon na hindi pa nasasaklaw ng tao.

Hindi sa laki o kakayahan nasusukat ang pagiging buháy ng isang nilalang. Sa anyong hindi akma sa nakasanayang pamantayan, muling nabuksan ang usapin kung saan nga ba talaga nagsisimula ang búhay.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...