
Joren B. Danganan
Bitbit ang pangarap, pero buhay at dignidad ang ginawang taripa sa baha.
Matalim na lapis, bagong pambura, at pangarap na mas nagiging madilim pa kaysa sa time ng na-shade na bilog—lahat pinalubog at binura sa dugout na tubig. Hindi Limos ang pagkuha ng Civil Service Exam. Dugo, pawis, at puyat ang puhunan ng bawat examinee, pero bakit kalusugan at seguridad ang ginagawang taripa ng gobyerno?
Bilang isang mag-aaral na lumaki sa isang lungsod na madalas bahain, hindi na bago sa akin ang pakiramdam ng kaba habang nakatitig sa bumubuhos na ulan. Kabisado ko ang takot na pumasok sa paaralan kahit lagpas-tuhod ang tubig dahil lang sa linyang ‘may pasok pa rin.’ Kaya damang-dama ko ang matinding kaba at dusa ng mga examinee—dahil alam ko ang pakiramdam kung paano makipagpatintero sa rumaragasang baha para lamang hindi masayang ang pinaghihirapang kinabukasan.
Bago pa man makapag-shade ng sagot sa answer sheet, ipinamukha na agad ng Civil Service Commission (CSC) kung gaano kababa ang pagpapahalaga nila sa mamamayan. Habang nagkansela ng exam sa NCR, Region 4, at Cordillera Administrative Region (CAR) dahil sa hagupit ng Habagat, pinalabas nilang parang mga Isang may immunity sa leptospirosis at pagkalunod ang mga kumuha sa mga apektadong lugar tulad ng Bulacan. Kailan pa naging requirement mag-amphibian vehicle on magbuwis-buhay sa baha? Huwag ninyong lubusin ang salitang “resilience”—kapabayaan, kawalan ng sistema, at tahasang pagtrato sa tao bilang basura ang ginawa ninyo!
Nagtatago ang mga opisyal sa probisyon ng Executive Order No. 66 s. 2012 na nagbibigay ng localized discretion sa mga Regional Office. Ginamit nilang dahilan ang kawalan ng opisyal na signal ng bagyo mula aa PAGASA para pilitin ang taumbayan na lumusong sa baha. Ipinagmamayabang pa ng lokal na pamahalaan ang pagpapadala ng mga dump truck at military vehicle para i-transport ang mga examinees bilang patunay na “kontrolado” ang sitwasyon at nasusunod ang mga protocol sa seguridad.
Hindi na rin bago ang dusa ng Bulacan. Sa kasaysayan, noong 1971 (higit limang dekada na ang nakakalipas), itinala na sa mga lumang pahayagan tulad ng Mirror kung paano pinalubog hanggang leeg ang mga bayab ng Calumpit, Hagonoy, at Malolos dahil sa kapabayaan at pag-aantala ng pamahalaan sa pagpapatayo at pag-aayos ng mga dike at flood control. Nakakalungkot na paglipas ng kalahating siglo, ang pabalik-balik na perwisyo ay patuloy pa ring pinapatakbo ng parehong bulok na sistema—mula sa mga lumang kapabayaan hanggang sa mga kontrobersya na ghost at substandard flood control projects na kinakasangkutan ng ilang opisyal sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at bilyun-bilyong pondong nawawala.
Pero malinaw ang panloloko sa likod ng kanilang mga palusot. Binuo ang mga safety protocol at weather emergency advisory ng CSC para protektahan ang tao, hindi para lang makompleto ang listahan sa attendance sheet. Hindi kapuri-puring sakripisyo ang paghahakot sa mga tao sa likod ng dump truck na parang mga basurang itatapon sa testing center. Pang-aabuso ito sa desperasyon ng mga kababayan natin—dahil alam ng CSC na kapag hindi sumipot ang isang aplikante, forfeit agad ang bayad at slot nila at walang kasiguraduhan kung kailan sila mauling makakuha.
Sa ganitong uri ng pamamalakad, hindi na nakakapagtakang napipilitan ang napakaraming Pilipinong iwan ang sariling bayan at makipagsapalaran sa ibang bansa bilang OFW. Sobrang hirap at sobrang mahal mahalin ng Pilipinas kung saan ang simpleng pangarap na magkaroon ng karampot na oportunidad o identidad sa serbisyo publiko ay kailangan mo munang itaya sa baha. Pinalalayas ng sariling gobyerno ang sarili nitong mamamayan dahil sa kawalan ng malasakit at sistemang pumapatay sa dignidad ng mga nagnanais lamang na maglingkod nang tapat. Hindi romanticized heroism ang paglusong sa lagpas-tuhod na baha para lang makakuha ng exam. Ito ay patunay na sa mata ng estado, mas mahalaga pa ang bureaucratic schedule kaysa sa mismong buhay ng taumbayan.
Paano makapag-isip at makakasagot nang maayos ang isang examinee kung nanginginig ang kaniyang katawan sa basang damit, nangangamba sa banta ng dengue at leptospirosis, at abala ang isip kung paano makakauwi nang ligtas sa gitna ng walang humpay na buhos ng ulan? Ang pagpilit na magpa-exam sa gitna ng kalamidad ay hindi pagsusuri ng talino; ito ay torture sa sikolohikal at pisikal na lagay ng mga Pilipino.
Tiyak na idadahilan ng pamahalaan na kailangang ituloy ang pagsusulit upang hindi maantala ang kalendaryo ng serbisyo publiko at agad na mapunan ang mga bakanteng posisyong sa pampublikong sektor. Subalit paano nating hihimukin ang mga kabataan na maglingkod sa bayan kung sa mismong pinto pa lamang ng oportunidad ay pinaparamdam na sa kanila na madaling palitan at walang halaga ang kanilang kaligtasan? Isang malaking katatawanan na ang mga susunod na pinuno at kawani ng bansa—na aasahang magtatanggol sa kapakanan ng mamamayan—ang mismong inilalagay sa panganib ng isang sistemang bulag at walang malasakit. Paano natin maaasahang maging tapat at makatarungan ang mga susunod na kawani ng gobyerno kung ang kauna-unahang leksyon na itinuro sa kanila ng estado ay ang mamuhay sa kapabayaan at magtiis sa bulok na sistema? Tatakbo ba ang isang pamahalaan gamit ang mga pinunong binuo sa takot, trauma, at pagbabalewala sa kanilang dignidad?
Bawasan ang kayabangan at palitan ng tunay na kalinga ang bulok at manhid na sistema. Huwag ninyong ipagmayabang ang pagpapalusong sa masa habang kayo ay nakaupo sa malalamig at tuyong puwesto sa inyong mga opisina. Hindi ang mamamayan ang dapat magdusa at mag-sakripisyo para sa sumablay na mga imprastraktura at flood mitigation projects ng gobyerno para lamang sa hinahangad at pinapangarap na eligibility. Sukatan ng totoong lingkod-bayan ang pagpapahalaga sa buhay at seguridad ng tao, hindi ang kapal ng mukhang pag-ibabaw sa baha habang nakatunganga sa perwisyo ng taumbayan. Kung hindi kayang tiyakin ng gobyerno ang simpleng kaligtasan ng mga nagnanais na magsilbi rito, wala rin itong karapatang humingi ng husay at katapatan mula sa kanila. Gagawin na ba ninyong requirement ang pagsuot ng salbabida at paglangoy sa baha para lang maging ganap na propesyonal. Hindi pagsusuri ng kaalaman ang inyong ginagawa—dahil hindi ito Civil Service, kundi isang malupit at pumatay-dignidad na Civil Survival Test