
Kriztelle Sitoy
Sa gitna ng ingay ng modernong Cebu, isang bangka ang muling pumalaot sa dagat ng kasaysayan.
Sa temang “Kalingawan sa Sinubuanong Kinaraan,” idinaos ang Balik Kaagi 2025 noong Agosto 23, 2025 sa Cebu Making Space upang muling bigyang-pagkakataong na damhin ang tibok ng pamumuhay bago pa man natuntun ng mga banyaga ang dalampasigan ng mga Bisaya.
Nagsimula ang paglalakbay sa umaga, sa gabay ng mga cultural advocate. Sa pamamagitan ng workshops, ipinakilala nila ang sigla ng pre-kolonyal na Cebu sa harap ng bagong henerasyon.
Kultura bilang buhay na kasaysayan
Sa pangunguna nina Ranrick Diaz at Sharrie Villaver, ipinakita nilang higit pa sa pirasong tela ang sinaunang Bisayang kasuotan sapagkat ito’y sagisag ng pagkakakilanlan at dignidad ng ating mga ninuno. Tinuruan nila ang mga lumahok kung paano suotin ang Bahag at Tapis.
Samantala, sa kaalaman ni Manxie Villaver, muli niyang inukit ang Ba dlit, sinaunang sulat ng mga Bisaya, na tila kumukupas na sa isipan ng mga bagong henerasyon–aniya, maaaring magkakaiba ang bawat dayalekto, ngunit kung pagninilayang mabuti ay iisa pa rin ang diwa ng mga nais nating ipahiwatig.
Sa simpleng pagpapamalas na ito, nagsilbing paalala na ang kultura ay hindi lamang nakapako sa aklat, kundi isa itong buhay na kasaysayan na kailangang muling isabuhay.
Nang sumapit ang dapit-hapon, umalingawngaw ang tinig at yabag ng Otohele–isang Austronesian prelude ng Maori Haka, ang pag-awit ng mandaragat matapos ang matagumpay na paglalayag.
Pag-ugat at pagkilala sa sarili
Pinangunahan ni Sri Datu Kadaugan ang paglalayag pabalik sa pinagmulan ng agos ng Sinibuanong pagkakakilanlan. Binigyang-diin niya na ang ating kasaysayan ay tila bang isinulat lamang sa buhanginan na madaling mabura sa isang hambalos ng alon.
“The moment we stop practicing our tradition, it will be killed. What we need is cultural healing.”
Para sa kaniya, ang nakaraan ay hindi dapat gawing museo kundi gabay.
“You are the indigenous. It’s who you are. But do you know who you are?” dagdag pa niya, isang tanong na muntikan nang malunod sa abis ng kawalan ngunit muling pinalutang ng mga alon ng kasaykasayan.
Pagpapahalaga sa kababaihan, kalikasan, at komunidad
Kasunod nito ay ang kuwento ni Janice Perez, isang multi-awarded Cebuana filmmaker, na bagama’t lumayo ng higit isang dekada, ay patuloy na dala ang kuwento ng kanyang ugat.
“The most beautiful thing [back then] was–how women were viewed,” aniya.
“Women could be leaders, they could decide. They could vote. Our ancestors were adavanced thinkers.”
Idinagdag pa niya na noon ay hindi lamang buhay ng tao ang pinapahalagahan kundi maging ang tibok ng ating kalikasan.
“I wish we kept whatever lessons we had with using nature to heal… it feels like magic, but it was really plants, herbs, and wisdom.”
Higit pa sa makalumang sibilisasyon
Isang malalim na repleksyon sa sarili naman ang naging baon sa kalahok ni si Alyas Isa sa kaniyang karanasan sa kaganapan: “I didn’t expect interconnected we were before. Mas malapit pala tayo noon kaysa ngayon. It makes me realize it’s my responsibility to connect with my roots.”
Tulad ng isang sakay sa bangka, napagtanto niyang ang alon ng kaalaman ay hindi titigil hangga’t ito’y naipapasa mula sa isa patungo sa iba–isang saluysoy ang muling pagkilala sa sarili.
Taliwas sa akala ng karamihan, ipinakita ng Balik Kaagi na ang Cebu ay isang Cebu na buo, buhay, sariling dangal, at karunungan, hindi isang siyudad na “walang sibilisasyon.”
Gayunpaman, nananatiling pinakamalaking hamon ngayon ay ang kung paano bubuhayin ang pre-kolonyal na Cebu sa isang makabagong panahon.
Madali ang tukso na gawing palabas lamang ang tradisyon, parang isang eksena sa kasaysayan na pinapanood at kinakalimutan matapos ang palakpakan.
Ngunit ang Balik Kaagi ay nagsilbing lagusan sa dalawang magkaibang panahon. Hindi ito isang pagsasadula ng nakaraan; ito ay isang pagbabalik-tanaw at pagpapatuloy sa bawat alaalang muntik nang ibaon ng panahon.
Mga susunod na tagapamana
Nasa kabataan nakasalalay ang paglalayag ng susunod na henerasyon. Kung hindi nila makilala ang ugat, paano sila makakasabay sa agos ng globalisasyon?
Ang kaalaman mula sa workshop, talakayan, at mga presentasyon ay hindi lamang paggunita ng kahapon ngunit isang baon sa hinaharap–isang sagwan na magdadala sa kanila patungo sa mas malawak na dagat ng pagkakakilanlan.
Sa pagtatapos ng programa, nananatili ang isang matimyas na alon ng paalala: Remember who you are, for the ripples never lie, and we are but one boat away from our beginnings.
Sa huli, ang Cebu bago pa man dungisan ng banyagang impluwensiya, ay hindi kailanman nawala. Nariyan ito, tahimik na naghihintay, tulad ng dagat na hindi nauubusan at hindi tumitigil sa pag-alon.
At habang may mga bangkang tulad ng Balik Kaagi na naglalayag pabalik sa ating ugat, hindi kailanman malulunong ang ating Sinubuanong pagkatao.