Olive oil at lemon juice bilang lunas sa gallstones, totoo BATO?

Photo Courtesy of Canva

Juliana Isabella Landagan

Paminsan pampalasa sa pagkain, paminsan pampalakas naman ng katawan. Umiiral sa social media ngayon na sa ilang kutsara lamang ng sangkap, maaari nang magamot ang mapanganib na sakit. Sigurado nga bang ligtas ang ‘DIY cleanser’ na ito? 

Nagbahagi ang isang netizen sa isang facebook post na natanggal ang mga bato mula sa kaniyang apdo o gallstones sa pag-inom lamang ng olive oil at lemon juice—ito ay isang pamamaraan na tinatawag na gallbladder cleansing.

Ang paglilinis ng apdo o gallbladder cleanse, tinatawag din itong gallbladder flush o liver flush, ay alternatibong lunas upang matanggal ang mga bato sa apdo ng katawan. Subalit, walang maaasahang ebidensya na ang paglilinis ng apdo ay kapaki-pakinabang sa pagpigil o paggamot ng mga ito o iba pang mga sakit.

Naging pananaliksik ng Healthline ang mga iba’t ibang pamamaraan upang malinisan ang mga bato sa apdo: alinman sa pag-inom ng apple juice at vegetable juice, o olive oil at lemon juice. Ito ay espesyal na diyeta na kung saan hindi kinakailangang kumakain sa isang araw.

Sa pamamaraan ni Shiela, kaniyang ininom ang ilang kutsara ng olive oil at lemon juice, kinasasangkutan ito ng hindi pagkain sa loob ng 12 oras sa isang araw. Pagdako ng alas-siyete ng gabi, apat na kutsarang olive oil at isang kutsarang lemon juice naman ang iinumin—walong beses bawat 15 minuto.

Saad ng pananaliksik, nakatutulong ang pag-inom nito dahil ito ay nagreresulta sa labis na pagtatae ng isang indibidwal—nalilinisan ang mga dumi sa apdo, pero ang labis na pagbabawas na walang laman ang tiyan ay hahantong sa panganib.

Gayundin, kakaunti pa lamang ang mga kaso hinggil dito at bahagya pa itong nasisiyasat ng mga eksperto; mapanganib na subukan ang pamamaraan nang walang konsultasyon. 

Posible itong makaapekto sa pangkalahatang sustansya at siklo sa katawan ng tao. Kinakailangan ng bawat indibidwal ng sapat na nutrisyon sapagkat ito ang nagbibigay enerhiya sa pang-araw-araw na gawain. 

Hindi rin matitiyak na ligtas ang agarang diyeta dahil hindi sapat ang pagkain at kulang ang nutrisyon ang natutupok sa katawan ng isang tao, ulat ng National Institute of Health (NIH). 

“There’s little research supporting gallbladder cleanses. Some people may report symptoms such as diarrhea, nausea, and vomiting. Other side effects may depend upon the herbs or other ingredients a person uses in their cleanse,” saad ng Healthline.

[Kakaunti lamang ang pananaliksik hinggil sa paglilinis ng apdo. Iniulat ang ilan ng mga sintomas kagaya ng pagtatae, pagduduwal, at pagsusuka. Nakadepende ang iba’t ibang epekto sa mga halamang gamot o sangkap na ginagamit ng tao sa paglilinis.]

Kaugnay nito, matatagpuan ang apdo o gallbladder sa kanang bahagi ng tiyan—partikular upper right quadrant, sa ilalim ng atay ng isang indibidwal. Layunin nito ang mag-imbak at maglabas ng bile—likido upang mag-digest at sumipsip ng taba.

Nagkakaroon ng mga bato sa apdo ang isang tao sa pagkonsumo ng labis na kolesterol o bilirubin at nabubuo bilang bato—labis na pagkain ng mga karne at dairy products.

Ilan sa mga posibleng mga komplikasyon ay ang matinding sakit at pamamaga ng apdo, pagbara ng bile duct o tubo upang dumaloy ang bile sa apdo at atay, pagbara ng pancreatic duct o tubo na tumutulong sa digestion, at ang pinakamalalang kaso, gallbladder cancer.

Karaniwang tumataas taun-taon ang bilang ng mga kaso na mayroong mga bato sa apdo sa Pilipinas, na kung saan umaabot ng ilang libo—cholecystectomy (gallbladder removal) ang nagiging pamamaraan upang matanggal ang mga bato, ulat ng Philippine College of Surgeons (PJSS).

Dahil dito, mainam na sumangguni sa mga pinagkakatiwalaan na mga sektor ng kalusugan.

Payo ng Department of Health (DOH) na maging pangunahing aksyon ang pagkonsulta sa dietitian o medikal na doktor upang matiyak ang mga posibleng dahilan sa pagkakaroon ng mga bato sa apdo, at para sa seguridad at katiyakan ng kalusugan.

Kahit na ang pamamaraang ito ay hindi pa napatunayan ng mga opisyal na sektor, ang pananaliksik ay patuloy pa rin sa pagtuklas sa mga posibleng benepisyo at panganib ng pagkonsumo ng mga ito.

Hindi matitiyak na sa ilang kutsara ng mga sangkap na ito ay may kabutihang maidudulot bilang lunas. Mainam na gawin alternatibo ang olive oil at lemon juice sa pang-araw-araw na kinakain—ito ang tunay na maglilingkod bilang lunas sa mapanganib na sakit. 

4 Votes: 4 Upvotes, 0 Downvotes (4 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...