
Nabigo si world No. 47 na si Alex Eala na maipagpatuloy ang kanyang impresibong underdog run matapos yumuko kay world No. 4 Coco Gauff, 6–0, 6–2, at wakasan ang kanyang kampanya sa round of 16 ng Dubai Duty Free Tennis Championships nitong Pebrero 20.
Matapos ang malalaking panalo kontra kina sa world No. 8 na si Jasmine Paolini at world No. 32 Sorana Cîrstea, hindi na naulit ng Filipina netter ang kanyang marka kontra sa Amerikana.
Ipinamalas ng two-time Grand Slam champion ang kanyang karanasan at kapanatagan ng loob sa laro, na nagtulak sa 33 unforced errors ng Filipina tennis star kaya mabilis na napunta sa panig ni Gauff ang laban.
“Alex is a tough competitor. Even when I was up, I knew she can come back at any given moment. I’ve seen her do it,” ani Gauff sa kanyang post-match interview.
Pinatatag ni Gauff ang kanyang forehand attacks na tinangka ni Eala na baligtarin, ngunit nagtala ang Filipina ng 15 unforced errors sa unang set na nagresulta sa 6–0 pagkablangko.
Sa kabila ng tila home-court advantage ni Eala dahil sa malakas na suporta ng Filipino fans, hindi nagbigay ng puwang si Gauff sa ikalawang set at ipinagpatuloy ang kaniyang dominasyon sa pamamagitan ng sunod-sunod na cross-court attacks na nagbigay daan upang tuluyang maiselyo ang 6–2 na panalo.
“I’d like to thank Alex for bringing a new demographic to the sport. I really appreciate it. It’s great,” saad niya. “I know it’s tough when you’re playing against a home crowd, but I think it’s great for the sport. So keep being enthusiastic and keep rooting for your player.”
Dahil sa panalo, umusad si Gauff sa kanyang ika-13 WTA 1000 semifinal kung saan haharapin niya ang world No. 9 Elina Svitolina.