
Kriztelle Sitoy
Lumaki akong sapat na ang sampung piso para maging reyna sa sarili kong mundo.
Isang baryang sa ngayon ay katumbas na ng ‘sang sentimo, ngunit bilang isang bata, ito ang munti kong luho.
No’ng araw, mga 2012 hanggang 2016, ang sampung piso ay may mabigat na saysay: ₱7 ang pamasahe sa traysikel papuntang palengke.
Sa sampung piso, may ice candy na akong tig-dalawang piso, samalamig na tig-tres, at paborito kong camote cue na tig-singko.
Noon, gantimpala na ang magkaroon ng sampung piso, at higit pa sa pagiging barya ang naging papel nito sa ala-ala ng mga Pilipino, isa itong pinakasimpleng simbolo ng munting kasaganaan at kasiyahan sa mga inosenteng batang tulad ko.
Sa katunayan, ang regular na bigas noon say nasa ₱32 kada kilo lamang, at sa ₱10 ay kaya ka nang makabili ng halos isang tatlong tasang lutong kanin.
Ngayon, hawak ko pa rin ang parehong barya, ngunit nag-iba na ang halaga. Ang dating kayamanang pambata ay wala nang pinagkaiba sa pisong napupulot ko sa kalsada.
Ngayong malaki na ako, ang sampung piso ay hindi na sasapat bilang pamasahe, pambili ng chicherya o taho sa may kanto.
Dati ito ang sagot sa gutom at uhaw ng munti kong sikmura, ngayon ito’y naging sukli na lang sa ‘sang daang ginastos ko sa karinderya.
Sa pagbabago ng bigat ng sampung piso, may kumalansing na suliraning kinakaharap nating Pilipino.
Bukod sa pagiging isang barya, sumasalamin ang sampung piso sa takbo ng ekonomiya ng ating bansa. Habang ang halaga nito’y bumababa, lumalaki naman ang agwat sa pagitan ng mayaman, maykaya, at dukha.
Sapagkat habang tayo ay nagbibilang ng barya para maitawid ang pang-araw-araw nating pamumuhay, ang ilan ay naghahakot sa kabang pinaghirapan ng bayan. Sa bawat sukling nakaipit sa ating mga palad, ay may milyong sinisikwat ang mga korap.
15.5 milyong pamilyang Pilipino ang naghihirarap, batay sa Social Weather Survey nitong Abril 2025. Ngunit ang nilulustay ng mga kurakot sa pamahalaan ay triple o sobra pa sa numerong iyan.
Dahil dito, napagtanto ko kung bakit wala nang laman ang sampung piso, ito ay dahil sa pamahalaang nangongotong at nanggagantso kahit sa kapwa niyang Pilipino.
Simple lamang ang analogo ng isang sampung piso. Isa itong naratibo ng pagiging kuntento ko. Habang inaalala ko ito, mas nararamdaman ko ang kawalan—na ang halagang minsan nang nakapagbigay ng luho sa batang tulad ko ay hindi man lang matubos ang isang tiyang gutom na gutom ngayon.
Sampung piso noon ay ginto at luho, sampung piso ngayon ay parang aninong naglalaho.
Gayunpaman, sa kabila ng lahat, mananatili itong ala-ala at palatandaan kung gaano na kalayo ang naabot ng bansa, sa progresibo o regrisibo mang perspektibo.
Busilak ang imahe ng sampung piso sa isipan ng batang ako, ngunit dahil iyon ay wala pa akong pinapasan, hindi ko pa nararamdaman ang sugat ng pag-asang iniinda ng aking kababayan, at hindi ko pa nakikita kung paano nilamon ng katiwalian ang bayang dapat ay mayaman.
Kung kaya’t sa tuwing tataginting ang baryang ito sa aking bulsa, hindi lang alaala ng kabataan ang naririnig ko, kundi ang daing ng isang bayan na ninakawan ng dangal at respeto.
Sampung piso man ay hindi na kayang bumili ng munting luho, nananatili itong simbolo—sa ala-ala ko.
At sa huli, ang tunay na tanong ay hindi na kung magkano pa ang mabibili ng sampung piso, kundi kung kailan pa muling mabibigyan ng tunay na halaga ang pagiging Pilipino.