Tunay na puso sa likod ng mga sining

Sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya—ang tinatawag na artificial intelligence, maraming industriya ang naapektuhan. Kabilang na rito ang industriya ng sining. Mga imaheng awtomatikong nalilikha gamit lang ang ilang prompt. Kaya naman ang usapan tungkol sa “AI art” ay umaani ng samu’t saring opinyon. Marami ang naniniwala na ang tunay na sining ay hindi lamang produkto ng AI, kundi bunga ng damdamin, karanasan at proseso.

Para sa ilan, kahanga-hanga ang paggamit ng AI: mabilis, maganda at kakaiba. Pero para sa mga artist, ibang usapan na ito; may kasamang bigat at pangamba. Sa kabilang banda, may mga nagsasabing maaaring magsilbing kasangkapan lamang ang AI—isang tulong na pwedeng magpalawak ng imahinasyon ng tao, hindi kapalit nito. Kung magagamit nang tama, maaari itong magbukas ng bagong paraan ng paglikha at eksperimento.

Gayunpaman, nananatiling hamon kung paano maipapahalaga ang orihinalidad sa likod ng bawat sining, lalo na kung ang teknolohiya ay patuloy na lumalago at nagiging mas talamak ang paggamit nito. Matatawag mo nga bang art ang likha ng isang artipisyal na intelihensiya?

Sa puntong ito, hindi lamang tanong ng ‘ano ang sining’ ang maiisip, kundi pati na rin ng ‘kanino ba talaga ang sining’—sa kamay ba ng tao na may damdamin at karanasan, o sa makina na walang pinagmumulan kundi datos at algoritmong inihatid ng teknolohiya?

Higit sa lahat, mahalagang marinig ang mismong pananaw ng mga artist hinggil sa usapin ng sining at artificial intelligence—kung paano nito hinahamon ang kanilang identidad at propesyon.

Si Tiago Felipe

Para sa maraming manlilikha, ang sining ay isang panawagan din ng puso at hindi lamang umiikot sa talento. Ganito ang paniniwala ni James Año, na kilala bilang Tiago Felipe—isang ecclesiastical artist—anyo ng sining na nakatuon sa mga paksang may kaugnayan sa relihiyon, partikular sa kanyang pananampalatayang Katoliko.

Para kay James Philip, ang pangalang “Tiago Filipe” ay isang masining na pagpapakilala ng kanyang pagkatao bilang manlilikha. Hinango mula sa salin ng kanyang tunay na pangalan sa Tagalog, ang katauhang ito ay inspirasyon din ng mga banal na pigura nina Santiago at San Felipe.

Sa tanong kung sariling desisyon ba ang pagpili niya sa ganitong uri ng sining, inamin ni Tiago Felipe na nagsimula ito bilang isang simpleng libangan noong kasagsagan ng pandemya.

“Lahat tayo bored, kaya naghanap ako ng hobby. Out of nowhere, naisip ko na i-drawing si Mama Mary. Habang ginagawa ko siya, na-enjoy ko talaga,” pagbabahagi niya.

Dagdag pa niya, nagsilbi rin itong paraan upang ipakilala sa mas marami ang mga kwento ng mga santo at ang kanilang kabanalan.

Ginamit din niya ang social media bilang isang midyum para ipakilala ang kanyang sining. Sa kanyang mga obra, inilalarawan niya ang mga banal na imahe tulad ng: pagpapakasakit ni Kristo, mga yugto ng kanyang pamumuhaysi Mahal na Birheng Maria, at iba pang imaheng malapit sa tradisyong Katoliko.

Pagdating sa proseso ng kanyang likha, inamin ni Tiago na walang tiyak na oras ang paggugol sa isang obra; nakadepende ito sa laki ng kanyang ginagawa. Para sa mas maliliit na gawa, umaabot siya ng dalawa hanggang tatlong linggo bago matapos. At pagdating sa mas malalaking proyekto, siya ay inaabot ng isa hanggang dalawang buwan bago tuluyang mabuo. Isang katunayan na hindi madali ang kanyang ginagawa.

Ayon din sa kanya, may aspeto ng pagiging artist na madalas hindi napapansin ng karamihan kagaya na lamang ng matinding pakiramdam ng pagkadismaya.

“Kapag meron kang vision o expectation kung ano yung kalalabasan ng artwork mo, tapos habang ginagawa mo, hindi siya lumalabas ayon sa iniisip mo,” ani niya.

Ang maganda rin dito, hindi lamang nagsilbi bilang hobby ni Tiago ang paglikha ng sining. Habang tumatagal, may mga naibenta rin siyang sining na kanyang nilikha mismo tulad na lamang ng La Purisima Concepcion—ang kanyang 2023 artwork na may pinakamalalim at personal na kwento sa kanya. Tampok dito ang imahe ng Mahal na Birheng Maria mula sa Santa Maria, Bulacan. ‘Di kalaunan ay naibenta niya rin ang obrang ito.

Photo courtesy: Original artwork of Tiago Felipe

May malinaw na mensahe si Tiago Felipe para sa mga susunod na henerasyon ng mga alagad ng sining. Para sa kanya, mahalagang huwag matakot maging kakaiba.

“Hindi lahat magugustuhan art mo, okay lang ‘yon,” aniya.

Ang mas mahalaga raw ay naipapahayag mo ang iyong sarili at gusto mo ang ginagawa mo.  

Pagdating sa usapin ng mga AI-generated work, malinaw ang saloobin ni Tiago… Para sa kanya, nananatiling kakaiba ang likhang kamay ng isang tunay na artist. Ibinahagi niya ang pagiging intricate ng kanyang mga sining; may masinsinang detalye na hindi kayang tumbasan ng ano mang machine-generated output.

“Iyong mata ng isang tunay na artist, kayang makakita ng difference ng gawa ng kamay kumpara sa gawa ng machine,” paliwanag din niya.

Sa kanyang kwento at pananaw, mas nauunawaan natin kung bakit hindi kailanman mapapalitan ng AI ang pagkamalikhain at pagsisikap ng isang tunay na artist.


Si Leslie

Kung may mga alagad ng sining na nakatuon sa paglikha ng mga bagay na nakasentro sa kanilang pananampalataya, mayroon namang mga artist na tinutuklas ang kanilang talento sa pagiging inspirado mula sa iba’t-ibang mga bagay.

Halimbawa, si Leslie, hilig niya ang magpinta. Mula sa mga tanawin, hanggang sa iba pang mga bagay na magustuhan niya,kanyang ipinipinta. Nagsimula raw ang hilig niya sa pagkukulay noong siya ay musmos pa lamang kung saan sa mga coloring book siya nagsanay. Ngunit hindi naman daw niya ito sineryoso at talagang naging libangan niya lamang.

Nanumbalik ang interes niya sa sining noong panahon ng pandemya. Nakakulong ang lahat sa kani-kanilang mga tahanan subalit nagbukas ito ng oportunidad para sa kanya. Sa pagkakataong ito, hindi na niya kinukulayan ang guhit ng iba dahil ginuhit na niya mismo ang binibigyang-buhay niya. Pinagpatuloy niya ang paglikha gamit ang lapis, brotsa, at makukulay na pinta. Hindi na lang niya ito basta naging pampalipas-oras dahil nakakaramdam daw siya ng sense of fulfillment sa tuwing nakatatapos siya ng isang obra.

“Lahat nag make-sense na, simula sa pagpili ng theme, sa pag-sketch, sa pagkulay, sa pag-polish, hanggang sa pag-receive ng feedbacks sa obra ko,” pakiramdam daw niya.

Photo courtesy: Original artwork of ENOJO, FALLORINA, FONTE, LUYUN, MACUHA, MERCADO

Ang likhang sining na may pinakamalalim na mensahe para sa kanya ay ang Huwad. Ayon kay Leslie, ito ay nilikha ng kanilang grupo sa contemporary arts kung saan pumapatungkol ito sa toxic romanticism sa resiliency ng mga Pilipino. “HUWAD” ang katagang mababasa kung titingnang mabuti.

“Ito ‘yong may pinakamalalim na kwento kasi hindi lamang experience namin ‘yong gusto naming ipakita sa madla, tinake namin into consideration din ‘yong pag-uugali, karanasan, at damdamin ng kapwa Pilipino partikular na ng mga maralita,” ani niya.

Hindi madali ang paglikha ng mga obra. Sa kaso ni Leslie, inaabot siya ng ilang oras para matapos ang kanyang digital art at maraming araw ang dapat gugulin para sa tradisyunal. Marami rin siyang kinakaharap na hamon bilang isang artist na hindi alam ng karamihan.

Para kay Leslie, ang paghahanap ng motibasyon at inspirasyon para matapos ang isang obra ang pinakamahirap na bahagi.

“Bilang artist, lagi kang may choice kung hihigitan mo ba ‘yong sarili mong kakayahan para ma-express nang buo ‘yong mensahe na gusto mo maiparating or magbabawas ka ng ilang detalyeng naisip mo kasi nawalan ka na ng gana i-execute,” ani Leslie.

Mahirap daw kasing lumikha nang wala sa tamang kalagayan, dahil wala itong pindutan na kapag gusto mo, gaganahan ka agad gumawa.

“Ako, kailangan ko maramdaman ‘yong right intensity ng emosyon or motivation, ‘yong tipong talagang bumabagabag o kumakapit sa akin sa buong proseso ng paglikha. And ‘yong paghanap nga ng drive to create ‘yong mahirap dahil hindi laging dumarating sa oras na gusto o kailangan ko,” aniya.

Ang paglikha ng sining ay isang mahabang proseso— ginugugulan ng oras, ideya, emosyon, at tiyaga. Sa paglaganap ng mga tools na may kinalaman sa Artificial Intelligence, ano ang kaibahan ng mga obra na nililikha ng mga alagad ng sining?

Sa pananaw ni Leslie, ibinibigay ng AI kung ano ang gusto mo, pero ang sining na ginawa ng tao ay ibinibigay kung ano ang kailangan mo: intimacy.

I believe creating or seeing art is a way to get to know people. Human art can be intimate because it lets you see their experience, emotions, perspectives, and their idea about the world based on their considerations to their chosen palette, shapes, strokes, or rhythm,” sambit niya.

Sining ng kasaysayan, kasalukuyan, at kinabukasan

Kung babalikan ang kasaysayan, maraming pagkakataong pinakita ang kapangyarihan ng sining. Mula sa The Lascaux Cave Paintings (isa sa pinakalumang sining na nagpapakita ng kultural at espiritwal na pamumuhay ng mga sinaunang tao) hanggang sa Spoliarium ni Juan Luna (nagbigay inspirasyon sa mga Pilipino upang tumindig laban sa mga kolonisador), makikita na tanging tao ang kayang lumikha ng sining.

Sa kasalukuyan, marami ang tulad ni Felipe at Leslie, ginagamit ang sining upang hindi lang ipakita kundi ipadama ang kanilang paniniwala, ideya, at nararamdaman. Nakaka-adapt naman ang mga alagad ng sining sa pagbabago ng panahon, pinalawak ang oportunidad para sa kanila: may tradisyonal at mayroon ding digital. 

Kaya ngayon at maging bukas, hindi maikukumpara ang gawa ng tao sa gawa ng A.I. Ang mga tao, makakasabay sa agos ng pagbabago.

AI sa industriya ng sining

Hindi maikakaila na may epekto ang AI sa “art industry.” Maraming artist ang nag-aalala na baka unti-unting mabawasan ang halaga ng kanilang trabaho dahil sa dami at bilis ng AI-generated art.

Madaling gamitin and AI tools ngunit alam ba natin kung paano ito gumagana? Ang mga ito ay nangangailangan ng samples bago makabuo ng kahit ano. Kumbaga “sinasanay” ang mga AI na mag-generate gamit ang mga datasets na pinapasok dito. Ang mga datasets na ito ay galing sa iba’t-ibang gawa ng tao tulad ng libro, larawan, at lahat ng makikita sa internet. Kaya kung wala ang tao, hindi gagana ang AI.

Bukod dito, nagdudulot ito ng etikal na isyu: karamihan sa AI art generator ay gumagamit ng gawa ng ibang artist nang walang pahintulot. Dahil dito, mas lumalalim ang diskurso tungkol sa pagnanakaw ng intellectual property at pagbura sa mismong identidad ng mga artist.

Bilang tugon, naglunsad ang komunidad ng mga artista ng iba’t ibang protesta, na nagsasabing ang AI image generation ay anyo ng pagnanakaw. May mga ulat kung saan maraming mga alagad ng sining ang naglabas ng hinaing dahil sa panggagaya ng kanilang gawa, hindi ng tao, kundi ng AI.

Halimbawa, noong 2023, natuklasan ni Kelly Mckernan na ginagamit ang kanyang pangalan bilang prompt sa mga AI generator kung saan nagagaya nito ang kanyang artstyle.

Isa pang halimbawa ay ang pag-uso ng ghibli artstyle version ng mga larawan sa internet. Kahit pa marami ang naaaliw rito, tila hindi nirerespeto ang orihinal na lumikha. Sa luman panayam kasi kay Hayao Miyazaki, pinahayag niya ang pananaw sa AI at sinabing hindi nito mauunawaan ang tunay na damdamin ng mga tao.

Para sa marami, hindi lamang kabuhayan ang nakataya kundi pati na rin ang pagkilala sa proseso, sakripisyo at emosyon na nakapaloob sa bawat sining. Kung ang AI ay patuloy na gagamit ng likhang-tao bilang batayan o reference nang walang pahintulot, tila nabubura ang mismong linya ng paggalang at kredito sa pinagmulan ng sining.

Natatanging likha ng tao

Ang pag-usbong ng AI ay nagbukas ng maraming diskusyon—mula sa posibilidad ng innovation hanggang sa etikal na isyu. Ngunit para sa mga artist, ang mensahe ay malinaw: respeto sa orihinal na likha at pagpapahalaga sa creativity ng tao ang dapat manatili.

Ang artificial intelligence ay hindi sapat para palitan ang tunay na sining ng tao. Bagama’t kahanga-hanga ang teknolohiya at maaaring magsilbing pantulong—nananatili ang damdamin at kwento sa likod ng bawat obra bilang ‘di matatawarang bahagi ng sining.

Higit sa lahat, huwag sana natin kalimutan na bago pa nauso ang paggamit ng artificial intelligence, nangingibabaw na ang talento ng mga Pilipino sa paglikha ng mga sining. Kahit gaano pa kabilis ang resulta na mula sa AI, hindi nito matutumbasan ang emosyon at kwentong nakapaloob sa bawat likha ng tao.

Sining ang isa sa patunay ng malikhaing isip at tibay ng mga artistang Pilipino, na sa kabila ng mga hamon at pagbabago—nananatiling lumilikha ng kwento at identidad sa bawat obra. Ang AI man ay umusbong, ang puso at galing ng tunay na alagad ng sining ay patuloy na nangingibabaw.

Ang tunay na sining ay hindi lamang nakikita sa imahe; ito ay nararamdaman, nauunawaan at nabubuhay sa puso ng manlilikha.

4 Votes: 2 Upvotes, 2 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...