
Joemiguel Zydrik Magtagnob
Sa likod ng mga krisis na kinakaharap ng bansa, mula sa rumaragasang bilang ng basurang plastik at patuloy na pagsipa ng presyo ng gasolina, umuusbong ang pag-aaral ng mga siyentista mula sa Timog Australia tungkol sa paglikom ng enerhiya mula sa plastik na siyang maaaring maging solusyon sa sabay-sabay na mga suliranin ng Pilipinas.
Nitong Mayo 21, 2026, iniulat ng mga mananaliksik mula sa Adelaide University ang kanilang pag-aaral sa paggamit ng init ng araw upang makalikha ng gasolina at iba pang mahahalagang kemikal mula sa mga basurang plastik.
Bilang mga materyal na sagana sa carbon at hydrogen — mga kemikal na mahalaga sa paglikha ng enerhiya — taglay ng mga plastik ang potensyal na maging alternatibo sa paggawa ng mga produktong petrolyo.
Sa pangunguna ni Xiao Lu, matagumpay na nakalikom ang kanilang grupo ng hydrogen at iba pang kemikal mula sa plastik sa pamamagitan ng prosesong solar-driven photoreforming.
Ang kanilang isinagawang proseso ay gumagamit ng mga light-sensitive na mga materyal na kilala bilang photocatalysts. Ginagamit ng mga materyal na ito ang init mula sa araw upang tunawin ang mga plastik sa mababang temperatura. Kinalaunan, naglalabas ito ng malinis na gasolinang hydrogen at iba pang kemikal.
Dagdag pa rito, ang prosesong kanilang isinagawa ay nangangailangan ng mas kaunting enerhiya sa paglikom ng mga kemikal kaysa sa tradisyunal na water splitting na gumagamit ng napakaraming enerhiya para makalikom ng hydrogen.
Basura sa kalsada, pag-asa sa siyensya
Isa ang Pilipinas sa mga bansang nakararanas ng matinding polusyon pagdating sa plastik. Sa katunayan, ayon sa ulat ng World Bank, higit dalawang milyong tonelada ng basurang plastik ang nagagawa ng bansa bawat taon, na kung saan tinatayang 163 milyong piraso ng sachet ang nagagamit bawat araw.
Bunsod nito, malaking hakbang ang pag-aaral ng mga mananaliksik upang makamit ang solusyon laban sa polusyon.
“Plastic is often seen as a major environmental problem, but it also represents a significant opportunity,” ani Lu, isa sa mga mananaliksik.
[Tinuturing ang mga plastik bilang malaking suliraning pangkapaligiran, ngunit nagtataglay rin ito ng oportunidad.]
Maliban sa pangkapaligirang benepisyo, maaaring mapagaan din ng kanilang saliksik ang suliranin sa matataas na presyo ng gasolina sa bansa.
Dahil ito sa resulta ng kanilang pag-aaral na kung saan nagpakita ito ng matataas na antas ng nailikhang hydrogen at iba pang sangkap tulad ng diesel-range hydrocarbons.
Mas nagtataglay rin ng kahalagahan ang pag-aaral na ito bunsod ng tensyong namumuo sa Gitnang Silangan na siyang humahantong sa pagsara ng Strait of Hormuz na kilala bilang pandaigdigang daanan ng mga suplay ng langis at gasolina.
Pinapakita nito ang potensyal bilang alternatibo sa pagdepende ng suplay ng mga produktong petrolyo mula sa ibang bansa.
Dagdag pa rito, iniulat din ng mga mananaliksik na ilan sa mga sistemang ginamit nila ay tumagal nang higit 100 na oras ng operasyon, patunay na maayos ang katatagan nito at maaaring isagawa ang proseso sa mas malaking saklaw.
Tinik sa saliksik
Ngunit ayon sa kanila, may mga pagsubok sa pagpapalawak ng kanilang teknolohiya tulad ng presensya ng iba’t ibang uri ng plastik na siyang humahadlang sa mas mabilis na proseso.
Bukod dito, suliranin din ng saliksik ang pag-degrade o pagbaba ng kakayahan ng kasalukuyang bersiyon ng photocatalysts na siyang nagiging hadlang sa pagkamit ng pangmatagalang paggamit.
“We need more robust catalysts and better system designs to ensure the technology is both efficient and economically viable at scale,” ani Xiaoguang Duan, isa sa mga mananaliksik.
[Kailangan pa natin ng mas matitibay na catalysts at mas mabuting mga sistema upang masigurong maayos ang teknolohiya sa mas malaking saklaw.]
Banyagang saliksik sa bansang puno ng plastik
Bagama’t nahaharap pa ang grupo nina Lu sa mga pagsubok ng pagkamit ng mas malawakang saklaw ng kanilang pag-aaral, higit na makabubuti ang magiging resulta nito sakaling itatag din ang teknolohiya sa bansa.
Ngunit, kahit isagawa sa Pilipinas ang paglikha ng gasolina mula sa plastik, hindi ito agarang hahantong sa mabilis na pagbabago.
Mangangailangan ang bansa hindi lang ng mga eksperto sa larangan ng inhinyeriyang kemikal, kundi pati na rin ng pondo, mga polisiyang pang-agham at pangkapaligiran, at pakikiisa ng mga mamamayang Pilipino.
Sa kabila ng banyagang pag-aaral na ito, patuloy rin ang mga ahensiya ng Pilipinas, tulad ng Department of Science and Technology (DOST), sa pananaliksik ng mga malilinis na alternatibo gaya na lamang ng paglikom ng biofuel mula sa mga lokal na materyal tulad ng kawayan at nipa.
Katulad ng anumang programa, ang mga ito ay nangangailangan din ng suporta at koordinasyon mula sa gobyerno at publiko upang makamit ang mga layunin sa pagpapayabong ng mas maunlad na kapaligiran at ekonomiya.
Mula laboratoryo tungong pagbabago
Binibigyang-diin ng pag-aaral nina Lu na ang mga simpleng plastik ay may halaga at simbolo ng pag-asa sa siyensya.
Ang kanilang nabuong teknolohiya ay hindi lamang naghahatid ng kinabukasang malayo sa polusyon, kundi pati na rin sa pagkamit ng pamumuhay na ligtas sa mga sakit at likas-kayang ekonomiya.
Bagama’t libo-libong kilometro ang layo ng Pilipinas sa laboratoryo ng Adelaide University, hindi hadlang ang distansya upang mabunyag ang teknolohiyang posibleng sumugpo sa mga krisis na araw-araw na nagpapahirap sa bawat mamamayang Pilipino.