
Habang tumatanda ang isang tao ay mas nagiging bahagi ng araw-araw ang pag-inom ng mga ‘maintenance’ na gamot dahil sa mga sakit na kaakibat ng pag-edad. Sa kabila nito, may mga gamot na nagbubukas ng usapin kung kailangan pa ba talaga itong ipagpatuloy habambuhay.
Ayon sa isang ulat mula sa Cable News Network (CNN), lagpas 40 taon nang inirereseta ang mga beta-blockers bilang karaniwang gamot sa mga inatake sa puso na walang ibang iniindang komplikasyon. Ito ay upang mabawasan ang posibleng karagdagang sakit sa puso o sa daluyan ng dugo.
Bagama’t masasabing ligtas ang beta-blockers, mayroon pa rin itong mga epekto sa katawan tulad ng labis na pagkapagod, pagkahilo, tuyong mata o bibig, at sa ilang kaso ay problema sa seksuwal na kakayahan.
Sa higit apat na dekadang pagrereseta ng mga gamot na ito, kinukwestiyon na ng modernong medisina kung kailangan ba talaga ang matagalang pag-inom nito.
Para sa ibang doktor, kahit iba-iba ang kaso ng bawat pasyente ay makatutulong ang isa o dalawang taon na gamutan sa halip na panghabambuhay upang makatipid at makaiwas sila sa iba pang epekto ng gamot.
Ang beta-blockers ay uri ng mga inireresetang gamot na karaniwang ginagamit sa pagpapagaling ng problemang may kinalaman sa puso at dugo. Ito rin ay nakatutulong na pabagalin ang pagtibok ng puso, pababain ang presyon ng dugo, at pagaanin ang gawain ng puso.
Noong 2023, naglabas ng alituntunin ang American Heart Association (AHA) at American College of Cardiology (ACC) hinggil sa paggamot ng mga pasyenteng may chronic coronary disease kung saan isinaad nila ang hindi pagrekomenda ng pangmatagalang beta-blockers sa mga pasyenteng hindi inatake sa puso sa nakalipas na taon.
Batay kay Dr. Manesh Patel, president-elect ng AHA at isang cardiologist at propesor sa Duke University School of Medicine, orihinal na ginamit ang beta-blockers ng mga pasyenteng inatake sa puso noong wala pa ang mga makabagong teknolohiya.
Kinilala rin ni Patel ang bagong alituntunin at sinabing may mas maraming datos na ngayon tungkol sa panganib at benepisyo, na nagpapahiwatig na maaaring itigil ang pangmatagalang beta-blocker therapy para sa mga pasyenteng stable pa rin matapos atakehin.
Alinsunod sa pag-aaral mula sa New England Journal of Medicine, ang agarang pag-inom ng beta-blockers matapos atakehin sa puso ay hindi nakitaan ng makabuluhang pagbuti sa ilang pasyenteng may normal na paggana ng puso. Gayunpaman, may mga pasyente pa ring patuloy na umiinom nito kahit matagal nang stable ang kanilang kalagayan.
Nananatiling mahalagang tanong ang kaligtasan ng pagtigil sa pag-inom ng beta-blockers, ngunit sa bagong ulat mula sa parehong sanggunian ay nabigyang-diin na, para sa ilang low-risk na pasyenteng matagal nang stable, ang pagtigil dito ay hindi nagdudulot ng mas mataas na panganib kumpara sa mga patuloy na umiinom nito.
Batay naman sa pag-aaral na isinagawa sa 25 health centers ng South Korea at nilahukan ng higit sa 2,500 na matatandang nasa maayos na kondisyon matapos makaranas ng atake sa puso, ang pagtigil sa beta-blockers ng mga pasyenteng stable ay kasing-ligtas ng pagpapatuloy sa pag-inom nito.
Ang mga matatanda sa pag-aaral, na may median na edad na 63, ay sumasailalim sa beta-blocker therapy. Kalahati sa kanila ay inatasang itigil ang pag-inom, habang ang natira ay nagpatuloy, at maingat silang binantayan ng mga mananaliksik sa loob ng tatlong taon.
Lumabas sa resulta na mas mataas ang bilang ng mga matandang muling inatake, na-ospital dahil sa pagpalya ng puso, o namatay sa grupo ng mga patuloy na umiinom ng beta-blockers kumpara sa mga tumigil. Sa kabuoan, 74 (9%) ang naitala sa grupong nagpatuloy, samantalang 58 (7.2%) lamang sa grupong huminto.
Sa kabilang banda, nakitaan naman ng bahagyang pagtaas sa presyon ng dugo at bilis ng tibok ng puso ang mga matandang tumigil sa pag-inom ng beta-blockers. Gayunpaman, itinala ng mga mananaliksik na ang systolic blood pressure ng grupong ito ay nanatiling mababa sa 130.
Ang systolic blood pressure, o ang mas mataas na bilang sa blood pressure reading, ay nanatili pa ring nasa loob ng normal na antas. Masasabing mataas ang presyon ng dugo kapag ito ay 130/80 o higit pa.
Gayunpaman, ang pagtigil sa pag-inom ng beta-blockers ay hindi pangmadaliang pagdedesisyon dahil ito ay nangangailangan ng sapat na pagsusubaybay sa pasyente.
Isinaad din ng mga mananaliksik na maaaring magkaiba ang resulta sa ibang bansa dahil isinagawa ang pag-aaral sa South Korea lamang.
Ayon kay Dr. Joseph Ravenell, associate professor sa NYU Langone Health sa New York, ang pagbabago sa pamantayan ng pangangalaga ay may posibleng malaking epekto sa pinansyal na aspeto ng mga survivors.
Kahit abot-kaya ang mga beta-blockers, na nagkakahalaga ng $20 o mas mababa pa para sa isang buwang suplay, bumibigat ito kung pangmatagalan.
Isa ang sakit sa puso sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas, kaya’t ang kahit abot-kayang maintenance na gamot ay nagiging mabigat na gastusin kapag iniinom sa loob ng mahabang panahon.
Ang mga gamot na ‘maintenance’ ay nagbubukas ng pinto sa dagdag na panahon ng isang tao, ngunit posible palang hindi lahat ay kailangang pasanin habambuhay.