
Espencer Mark Estiandan
Sa lalim at dilim ng misteryo ng karagatan, marami pa ring mga hiwagang unti-unting natutuklasan ng mga siyentipiko. Isa sa mga pinakahuling natuklasan ay isang kakaibang uri ng pugita na may pambihirang kulay at mga katangiang taliwas sa matagal nang paniniwala ng mga mananaliksik tungkol sa kanilang uri.
Ito ang Microeledone galapagensis, isang bagong uri ng pugita na maaaring magpalawak ng pag-unawa ng mga siyentipiko sa ebolusyon at pagkakaiba-iba ng mga cephalopod dahil sa mga natatangi nitong katangian.
Ang cephalopod ay pangkat ng mga hayop-dagat na kinabibilangan ng mga pugita, pusit, cuttlefish, nautilus, at iba pang magkakamag-anak na species na nabibilang sa grupong tinatawag na Cephalopoda.
Unang natuklasan ng grupo ng mga mananaliksik na lulan ng E/V Nautilus ang M. galapagensis noong Hulyo 2015 sa Darwin Island sa bahagi ng Galapagos. Batay sa pagsusuri ng mga mananaliksik mula sa Charles Darwin Research Station (CDRS), ang asul na cephalopod na ito ay nasa 6 cm at naitalang naninirahan sa lalim na 1,773 metro.
Nagsisilbi namang pagkain nito ang maliliit na mga organismo tulad ng bioluminescent organisms o ang mga organismong may kakayahang gumawa ng sariling ilaw sa pamamagitan ng natural na kemikal na reaksyon.
Kabilang ang M. galapagensis sa pamilyang Megaleledonidae, na kilala sa malalaking uri ng pugita na naninirahan sa mga nagyeyelong katubigan, tulad ng Antarctica. Dahil dito, naging kapansin-pansin ang pagkatuklas sa isang maliit at tropikal na uri ng pugita dahil taliwas ito sa dating kaalaman tungkol sa pamilyang ito.
Dulot naman ng hindi pagkatiyak sa pagkakakilanlan ng nasabing pugita ay ipinadala ng mga mananaliksik ng CDRS ang larawan nito kay octopus specialist Janet Voight, associate curator ng zoology sa Field Museum sa Chicago.
Sa kaniyang pagsusuri, napansin niya ang ilang natatanging katangian ng naturang cephalopod na posibleng maging pahiwatig na ito ay kabilang sa isang bagong species.
Misteryosong mekanismo
Bunsod umano ng kulay asul nitong kutis, napukaw agad ang atensyon ni Voight. Sa kaniyang paliwanag, dahil halos walang kulay nitong likuran, at malalim na kulay-ube nitong inner mantle, nagagawa nitong magsagawa ng reverse countershading.
Binabaliktad ng mga M. galapagensis ang tradisyonal na paraang ito upang makapaghanap ng mga pagkain sa kailaliman ng karagatan nang hindi nakaaakit ng mga mas malalaking predator o mandaragit.
Hindi lamang ang M. galapagensis ang gumagamit ng countershading. Matatagpuan din ang mekanismong ito sa ilang hayop sa karagatan, tulad ng great white shark. Gayunpaman, ordinaryong countershading ang ginagamit ng mga ito, samantalang reverse countershading naman ang natatanging mekanismong naobserbahan sa M. galapagensis.
Dagdag pa rito, hindi rin nagtataglay ang M. galapagensis ng ink sac o sisidlan ng maitim at melanin-based ink na karaniwang ginagamit ng ibang cephalopod bilang depensa. Dahil dito, isa ang reverse countershading sa mga pinaniniwalaang mekanismong nakatutulong sa kaligtasan nito sa kailaliman ng karagatan.
Bagaman gumagamit ng tinta bilang depensa ang ibang cephalopod, isa ang reverse countershading sa mga pinaniniwalaang mekanismong ginagamit ng M. galapagensis upang makaiwas sa mga mandaragit. Gayunpaman, patuloy pa ring pinag-aaralan ng mga mananaliksik ang eksaktong papel nito sa kaligtasan ng species.
“If the octopus touches an animal that then starts to glow, it might signal bigger animals to come see what is going on. These animals may then find the octopus and eat it‚” pagsusuri ni Voight.
[Kung biglang nakahuli ang pugita ng hayop at bigla itong lumiwanag, maaaring makapukaw ito ng atensyon ng mas malalaking hayop at tukuyin kung ano ang nangyayari doon. Maaaring mahanap ng mga ito ang pugita at kainin ito.]
Katangi-tanging katangian
Bukod sa mga mekanismong taglay ng M. galapagensis, kapansin-pansin din ang mga pisikal na katangian nitong may squat body o ang mas siksik na pangangatawan at may maliliit na galamay na tila nakatiklop.
Kaya naman, pinaniniwalaang maaari din itong maging kabilang sa genus ng mga pugita na Thaumeledone. Ngunit, ang makinis at walang pigment nitong likuran, kasama ng malaking central tooth nito, ang ilan sa mga katangiang nag-ugnay rito sa genus na Microeledone.
Upang mapatunayan ang klasipikasyon nito, gumamit ang mga mananaliksik ng non-destructive 3D micro-CT scanning upang masuri ang specimen nang hindi ito nasisira.
Bagaman natukoy na ang ilan sa mga natatanging katangian ng M. galapagensis, patuloy pa ring sinusuri ang species upang higit na maunawaan ang pagkakaiba nito sa iba pang mga cephalopod.
Kalagayan sa kasalukuyan
Bagaman maliit lamang ang M. galapagensis, nagbigay naman ito ng panibagong pananaw sa pag-aaral ng mga cephalopod.
Nito lamang Mayo 1, 2026, ang nasabing uri ng pugita ay pormal na inilarawan sa journal na Zootaxa bilang bagong species. Dahil walang ibang naitalang species na tumutugma sa mga katangian nito, itinuturing ang pagkatuklas bilang mahalagang ambag sa mas malawak na pag-aaral tungkol sa mga cephalopod.
Gayunpaman, may ilang aspeto ng M. galapagensis na nananatili pa ring palaisipan sa mga mananaliksik. Hindi lamang ito dahil sa lalim ng tirahan nito, kundi dahil marami pa sa mga katangian nito ang hindi lubusang nabibigyan ng sagot.
Ipinapakita ng pagkatuklas sa bagong uri ng pugita na marami pang lihim ng karagatan ang naghihintay na matuklasan. Kasabay ng lumalawak na kaalaman tungkol sa buhay sa kailaliman ay gayundin ang pag-usbong ng mga tanong na nagtutulak sa agham na patuloy na sumisid sa hindi pa ganap na nauunawaang mundo.