
Inilabas na ng Shanghai Moontoon Technology Co. Ltd. o mas kilala bilang Moontoon ang $1,000,000 prize pool para sa nalalapit na M7 World Championship Series ng Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) na gaganapin sa January 3-25, 2026 sa Jakarta, Indonesia.
Kukubra ng humigit-kumulang $320,000 (₱18.9 milyon) ang tatanghaling kampeon, na susundan ng $150,000 (₱8.8 milyon) para sa ikalawang puwesto at $90,000 (₱5.3 milyon) para sa ikatlo.
Binubuo ng 22 koponan mula sa iba’t ibang bansa ang nasabing patimpalak, kung saan sila ay maglalaban-laban upang makamit ang kampeonato sa M7.
Bukod dito, magkakaroon din ng pagkakataong makakuha ng team “in-game skin” ang hihiranging kampeon sa World Series.
Matatandaang nagsimula ang M series ng MLBB noong 2019 kung saan ang premyo palamang ay $250,000 (₱14.7 milyon).
Samantala, inaasahang magdudulot ng masaya at makasaysayang laban ang M7 sa larangan ng online gaming, lalo na’t kapanapanabik ang sagupaan sa pagitan ng mga koponan mula sa Indonesia at Pilipinas.