Di pa rin mabigkas ng matabil mong dila na wala nang memekanikunuhin si Monico kung hindi naman makina ang problema sa Minika ni Monica, kundi ang tangke nitong uhaw na uhaw sa gasolina.
At kung tutuusin, sa panahon ngayon, parang lahat tayo may kanya-kanyang “tangke” na palaging kinakapos. ‘Yung tipong basta-basta na lang nauubos ang pera mo sa mga nagsimahalang pangangailangan—pati pasensya mo, sinasagad na rin.
Bilang observant commuter, palihim na akong nagmamaktol dahil bawat sakay ko ng bus, bakit parang paunti nang paunti yung sukli ko? Halos linggo-linggo nagbabago. Nakakainis lalo pa’t minsa’y nakaka-timing ka ng bus o jeep na kahit nagpapanggap ka lang na nakaupo ay kulang pa rin daw ng tatlo!
Pero kung pagbabasehan mo ang balita at mga istatistiko, marahil ay mas mauunawaan mo. Sa kasalukuyan, pumapalo na sa humigit-kumulang ₱70–₱80 kada litro ang diesel sa Cebu City, habang nasa ₱75–₱85 naman ang gasolina. Oh diba? Sakit na nga sa bulsa ng isang pasahero, eh ano nalang kaya yung nasa isip ng nagmamaneho? Sa loob lamang ng isang buwan, kayang umabot sa ₱10–₱15 ang kabuuang pagtaas.
Kaya para sa akin, hindi na ito simpleng numero lang para sa mga tsuper—ito ang magdi-determine kung uuwi ba silang may dala o wala?
Ililihis ko muna sandali… Alam mo naman ang Cebu, ‘di ba? Maingay, mausok, magulo—pero at least alive na alive. ‘Yung kahit nagrereklamo ka sa traffic, secretly comforted ka rin kasi ibig sabihin, may nangyayari, may kumikilos, may pumapasan sa araw-araw para lang tumakbo ang lungsod. Pero isang Biyernes Santo, bigla akong sinilent treatment ng siyudad. Pupunta sana ako sa mall, pero wala man lang jeepney o bus na dumaan sa loob ng tatlumpung minutong paghihintay. Wala—dedma. Sige, lakad na lang. Pagdating ko sa mall, sarado rin hehe. Oo nga pala—Biyernes Santo.
Balik tayo. Sa unang pagkakataon, nakita ko ang Cebu na malinis at tahimik. Nakakakalma sa simula, oo—parang pahinga. Pero kapag naglalakad ka na buong hapon dahil wala kang masakyan pauwi, iba pala ang “pahinga” kapag pilit. Nakakabagot, nakakapagod, at somehow… nakakatakot.
Habang naglalakad ako, bigla kong naalala ang kuwento ni Mang Larry, 54, at 38 taon nang jeepney driver. Sinabi niya sa isang panayam ng Explained PH Cebu Bureau:
“Aw oo, mohunong gyud mi [pag-drive] kay unsaon man nga sige na lang ta’g patubil, wala na gyud tay mahimo. May unta mobalik pa ni sa normal.” (Yes, we will really stop [driving], because what can we do when prices just keep increasing? We can’t do anything anymore. Hopefully, things will return to normal.)
At doon ako tumigil at napaisip: Paano nga kung isang araw, hindi dahil Biyernes Santo, kundi dahil wala nang kayang magmaneho, wala nang kayang magpa-gas, wala nang gustong umutang para may maipasok lang na kita—paano kung permanenteng tumahimik ang kalsada?
Kawiliwili ba ’yun para sa kalikasan? “Uy, less pollution!” Sige, oo. Pero sa totoong buhay, ibang tanong ang mauuna: Is this saving the earth, o sinasadya lang tayong pahirapan? Kasi kung wala nang drayber, walang masasakyan ang mga walang sariling kotse. Walang jeep ang estudyanteng nagmamadali. Walang bus ang call center agent na pa-out na ng alas-siyete ng umaga. At higit sa lahat—walang trabaho ang libu-libong mekaniko na umaasa sa sirang preno, nagluluksang clutch, at padaskul-daskol na tambutso para may maipakain sa pamilya.
At dito ko na naman naalala si Monica at ang Minika niya. Hindi lang pala tangke ng Minika ni Monica ang problema.
Sa sitwasyon nating nangangapa na sa preyo ng langis ngunit “no oil crisis” pa rin ang paninindigan nila—jusko naman po, para tayong hamster sa gulong. Tayo ang umiikot. Tayo rin ang nagpapaikot. Ngunit kahit kailan, hindi tayo umuusad.
Hindi na lalayo ang hinaing pa ni Mang Romeo “Romy” Balag, 65, na mahigit 30 taon na ring bus driver.
“Wala na gyud, dili na ko makaginansya. Kung mosaka pa gyud ni og 100 plus, dili na mi mo-drive sa. Pahuway na lang sa mi, mohunong gyud mi og biyahe. Unsay pulos sige mi’g drive kung wala man mi ginansya?” (There’s really nothing left—I can’t earn anymore. If this goes up to 100 plus, we’ll stop driving. We’ll just rest for now; we’ll really stop operating trips. What’s the point of continuing to drive if we’re not making any profit?)
Hindi ito simpleng reklamo. Hindi ito mga linyang binitiwan lang dulot ng kawalan. Ito ‘yung klase ng sagot na hindi na sinasala, hindi na kailangang pag-isipan—dahil ito naman talaga ang realidad nila. Ito ang tunay na problemang araw-araw nilang kinakaharap.
At sana ramdam ito ng pamahalaan. Napakadaling sabihing “kawawa sila,” ngunit may solusyon ba kayo para dito? O verbal empathy lang ang ipinapakain ninyo sa mga tsuper na gutom sa totoong tulong?
Hindi sapat ang “pangako” at “awa” ninyo, dahil hindi naman ang mga balikat ninyo ang nangangalay sa buong araw na paghahatid-sundo ng mga estranghero sa kanto para lang mabigyan ng pang-tuition at baon ang anak nilang nasa kolehiyo.
Hindi rin dito nagtatapos yung bigat. Bukod sa presyo ng langis, may banta pa ng modernisasyon — o mga jeep na kailangang palitan ng unit na nagkakahalaga ng milyon. So, hindi lang ang tuyot na tangke ang ugat ng mga konsomisyon nila, kundi may mga kaliwa’t kanang bayarin ding ‘di nila alam kung paano sisimulang bayaran.
Pero buti na lang puno ng pag-asa si Tay Vicente Elenor, 52: Bisag ako, naa koy duha ka college, mada pa man nuon siya’g adjust bisan lisod na. (Even for me, I have two children in college—I can still manage to adjust, though it’s already difficult.)
Gayunpaman, sana maliwanagan tayong hindi lang tangke ng Minika ni Monica ang nauubusan. Hindi lang rin ang vulcanizing shop ni Monico ang nalulugi. At hindi ito simpleng problema—dahil literal na krisis ito para sa mga tsuper at mga ordinaryong pasahero.
Isang domino effect, kung susumahin. Imagine—kung walang gasolina, walang biyahe. Kung walang biyahe, walang kita. Kung walang kita, walang pambiling pasalubong para sa mga anak na nag-aantay ng malunggay pandesal kahit gabing-gabi na. Kung walang kita, budget cut din sa allowance ng isang kolehiyala. Kaya hindi lang trapiko ang apektado rito—maging kabuhayan at pamumuhay mismo.
At habang iniisip natin si Monica at ang Minika niyang hindi makausad dahil uhaw sa gasolina, nasa likod niya ang daan-daang Monico na mawawalan ng trabaho, at libu-libong tsuper na may hawak ng BEEP na malapit na nilang bitawan!