Sa Loob Nagngangalit ang Tunay na Protesta

Wala man ang presensya sa lansangan, ngunit ang bigat ng mamamayang may konsensya para sa bayan ay kasama pa rin sa laban.

Oo, Setyembre 21, mula sa entrada ng Luzon, bakuran ng Kabisayaan, hanggang dulo ng Mindanao nagkaisa ang libong tinig sa Trillion Peso March—hindi lamang ito tungkol sa pag-alala sa malagim na ala-alang iniwan ng diktadoryang legasiya ni Ferdinand Marcos Sr., ngunit maging ang sugat sa kasalukuyan ng mga modernong kurakot.

Gayunpaman, sa kabila ng isahang sigawan sa kapanagutan sa iisang lunan… Walang tindahan ang nagsara, may naglalako pa rin ng taho sa kanto, makikita mo pa rin si mamang sorbeterong nakatambay sa gilid ng iskinita, at okyupado pa rin ang coffee shops ng mga kolehiyala.

Ngunit hindi ibig sabihin na wala silang pakialam, sila ang patunay na hindi hihinto ang buhay—sila ang simbolo sa pakikibakang tyaga at serbisyong panlipunan ang alay.

Ang tunay na protesta ay hindi laging nakabalandra sa plakard o sigawan sa kalsada. Minsan ito’y nasa katahimikan ng isang mag-aaral na nagsusunog ng kilay kahit kinabukasan niya’y makulimlim sa anino ng kinupitang edukasyon; nasa sakripisyo ng isang nars na nagbabantay sa ospital na kulang ang pasilidad; nasa pawis ng isang jeepney driver na, sa kabila ng pagtaas ng krudo, ay nagtataguyod ng pamilya at nagsisilbing ugat ng mobilidad ng masa.

Sa ganitong diwa, ang Setyembre 21 ay hindi lamang alaala ng dilim ng nakaraan kundi paalala na ang laban ay nagpapatuloy sa bawat araw na pinipiling itindig ang tama laban sa mali.

Hindi kailanman masusukat ng dami ng dumalo sa rali ang bigat ng konsensyang nag-aalab sa puso ng sambayanan.

Dahil kung tunay na protesta ang hanap, makikita ito sa pagpupunyagi ng bawat Pilipinong hindi sumusuko, bagkus ay tahimik ngunit matatag na humihingi ng katarungan, pagbabago, at isang bukas na walang tanikala ng kasinungalingan at pang-aabuso.

Sapagkat ang pinakamalakas na protesta ay yaong hindi lang naririnig, kundi nararamdaman sa bawat pintig ng pusong ayaw nang muling maisahan sa mga pangakong walang laman.

11 Votes: 11 Upvotes, 0 Downvotes (11 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...