Safe ka bang lumusong sa baha? Alamin On-Site!

Photo Courtesy of DZRH

Tuwing panahon na ng walang tigil na pag-ulan sa Pilipinas, hindi lamang baha ang suliranin ng karamihan kundi pati na rin ang mga natatagong sakit na kaakibat ng maruming tubig na ito.

Ngunit, alam mo bang may paraan na para lumusong nang ligtas at malaman agad kung may banta ang tubig-baha?

Nagtulungan ang mga mananaliksik mula sa Central Luzon State University (CLSU) at Department of Science and Technology – Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) upang bumuo ng rapid on-site test kits para sa mga sakit na makukuha sa tubig tulad ng leptospirosis at schistosomiasis. 

Sa tulong ng mga test kits na ito, maaari na agad na masuri ng mga tao nang hindi na pinapadala pa sa laboratoryo ang tubig-baha kung ito ba ay naglalaman ng leptospira o ang bakterya na nagdudulot ng leptospirosis at schistosoma parasite na sanhi naman ng schistosomiasis.

Hindi na bago ang leptospirosis sa bansa lalo na sa mga lugar na kulang sa wastong kalinisan. Ito ay nakukuha mula sa ihi ng mga hayop na mayroong leptospira na humahalo sa tubig-baha, at maaaring magdulot ng pananakit ng ulo at kalamnan, pagkahilo, pagsusuka, at lagnat. 

Gayundin ang schistosomiasis na nakukuha kapag ang balat ng tao ay nagkaroon ng direktang ugnayan sa tubig na naglalaman ng mga parasitic worms. Ilan sa mga maaaring maranasang sintomas dito ay lagnat, pagdurumi, pananakit ng ulo, pangangati ng balat, at dugo sa ihi.  

Ayon sa isa sa mga mananaliksik na si Aldrin Corpuz, ang polisiya ng Department of Health (DOH) tuwing may baha ay inaabisuhan ang mga tao na iwasan ang paglusong dito. Gayunpaman, hindi ito kadalasang na susunod ng mga taong nagtatrabaho o mga mag-aaral na kailangang pumasok. 

Kaya naman, dahil sa inobasyong ito ay masusuri agad kung ang tubig-baha sa isang lugar ay naglalaman ng mga bakteryang magdudulot ng sakit, at kung wala naman ay ligtas na lumusong dito. 

Sagot-On-Site

Sa pangunguna ni Dr. Rubigilda Paraguison-Alili ng CLSU, ang test kits na ito ay pinangalanang Schist-On-Site™ at Lept-On-Site™.

Ito ay isang biosensor na gamit ang makabagong teknolohiya upang mabilis at tiyak na matukoy ang mga mikrobyo o parasite sa tubig-baha. Mayroon din itong advanced isothermal amplification-based detection system kung saan wastong natutukoy ang pathogenic strains sa kontaminadong tubig.

“We developed a molecular-based diagnostic tool to precisely detect it. The traditional [testing] is laborious. Unlike this one, it is precise because it’s molecular-based, so DNA-based. So, we made it cheaper and more practical so that hindi na po siya dadalhin sa laboratory. On-field po ang detection,” saad ni Corpuz.

[Bumuo kami ng molecular-based diagnostic tool para tiyak na matukoy ito (leptospira at schistosoma parasite). Kung ihahambing sa tradisyonal na pagsusuri na matrabaho, mas mabilis at tiyak ito dahil DNA-based. Ginawa rin namin itong mas mura at praktikal para hindi na kailangang dalhin sa laboratoryo. Sa mismong lugar na agad isinasagawa ang detection.]

Bagama’t hindi ito ang tanging solusyon laban sa lumolobong kaso ng leptospirosis at schistosomiasis, nakikitaan ito ng potensyal kumpara sa mga conventional surveillance methods na medyo may katagalan. 

Ang Schist-On-Site™ at Lept-On-Site™ ay nagbibigay ng mas pinasimple at mainam na opsyon para sa mga tao na may agarang resulta sa loob lamang ng 10-15 minuto. 

Agarang pagpipilian

Kung ang datos ng DOH ay kung kailan magkakaroon na ng sakit ang mga tao, layon naman nina Corpuz na magsagawa ng aktuwal na pagsusuri sa mismong field.

Plano rin ng mga mananaliksik na ipagbili ang test kits sa mga local government unit (LGU) sa halagang 4000 pesos kada isang kahon. Kasabay ito ng pagsasagawa nila ng field testing at pagkuha ng mga Food and Drug Administration permits. 

Batay sa DOST-PCHRD, kasalukuyan nang nasa Technology Readiness Level (TRL) 7 ang inobasyon na nangangahulugang nasubukan na ang buong prototype sa totoong kondisyon sa labas ng laboratoryo. 

Sinusuri na ng grupo sa isang pilot testing ang mga test kits at sumasailalim sa field validation. 

Sa ngayon, ang may-ari ng inobasyon ay patuloy na naghahanap ng mga katuwang upang mapatunayan muna ang produkto at kalaunan ay matukoy ang mga nais maging tagapag-ampon nito.

Sa panahong higit isang oras lamang na pag-ulan ay kaya nang magdulot ng lampas sa tuhod na baha, proteksyon at pag-iingat ang pananggala na mas higit na kinakailangan ng mga tao ngayon. 

Dito na pumapasok ang teknolohiyang mabilis at tiyak sa pagtukoy ng mga sakit na sumasabay sa bawat agos ng tubig-baha—ang likha ng Pilipino para sa masang Pilipino. 

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...