
Hindi natatapos sa mga entrance exams ang laban ng mga incoming first year college students, dahil hindi biro ang gastos sa pag-aaral sa kolehiyo.
Kasabay ng paglabas ng mga resulta ng college entrance examinations ang sunod-sunod na pagbati sa social media. May mga nakapasok sa kanilang pangarap na unibersidad, may mga nakakuha ng kursong matagal na nilang pinapangarap, at mayroon ding tahimik na lumuluha na lang habang nakapinta sa mga mukha ang pagkabigo dahil hindi sila pinalad sa mga paaralang una nilang pinili.
Ngunit para sa maraming incoming first year students, hindi nagtatapos sa admission letter ang laban.
Matapos ang saya ng pagpasa ay kasunod agad ang panibagong paghihintay — ang scholarship season. Muling nagiging larangan ng kompetisyon ang mga application portal habang libo-libong estudyante ang nag-aabang ng resulta, umaasang mabibigyan ng pagkakataong maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral nang hindi nagiging dagdag-pasanin sa kanilang pamilya.
Subalit para sa ilang estudyante, may nakatakda nang limitasyon bago pa man magsimula ang aplikasyon. Hindi dahil kulang sila sa talino, sa sipag, sa kakayahan o pangangailangan, kundi dahil sa kursong kanilang pinili.
May mas sasakit pa siguro sa hindi pagpasa, at ito ay ang alam mo na sa simula pa lamang, hindi ka na maaaring lumaban at sumubok dahil hindi naman kabilang sa mga “priority programs” ang kursong pinili mo.
Habang may mga estudyanteng nag-aabang ng resulta ng scholarship applications, may mga estudyante ng humanities at social sciences namang hindi man lang nabigyan ng pagkakataong magpasa ng aplikasyon.
Sa isang bansang nahaharap sa samu’t saring problemang panlipunan, tila kabalintunaan na ang mga kursong nakatuon sa pag-unawa sa tao at lipunan ang madalas na naiiwan sa gilid ng mga oportunidad na pinopondohan ng estado.
May mga pangarap na mas madaling pondohan kaysa sa iba
Sa paghahanap ng mga scholarships at iba pang uri ng suportang pinansyal, hindi na patas ang laban sa umpisa pa lamang. Kadalasan kasing nakatuon ang mga programa ng gobyerno at pribadong sektor sa mga kursong may kaugnayan sa agham, teknolohiya, inhinyeriya, sipnayan, kalusugan, pagnenegosyo, at iba pang larangang itinuturing na mahalaga sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya.
Makikita ito sa ilan sa pinakamalalaking scholarship programs sa bansa. Ang DOST-SEI Scholarship ay nakalaan para sa mga kursong STEM. Ang CHED Scholarship Program naman ay may priority courses na kadalasang nakatuon sa engineering, information technology, agriculture, at iba pang health-related fields. Maging ang ilang scholarship programs mula sa pribadong sektor, gaya ng SM Foundation Scholarship at Gokongwei Brothers Foundation STEM Scholarship, ay nagbibigay-priyoridad sa engineering, computer science, accountancy, business administration, at iba pang kursong may direktang kaugnayan sa industriya. Sa kabilang banda, mas kakaunti ang mga scholarship na partikular na nakalaan para sa mga mag-aaral ng humanities at social sciences.
Hindi naman masama ang pagpopondo sa STEM at iba pang teknikal na larangan. Sa katunayan, mahalaga ang mga ito sa pagsusulong ng siyentipikong pananaliksik, inobasyon, at pambansang kaunlaran. Ngunit saan na lang tayo pupulutin kapag halos doon na lamang umiikot ang suporta?
Sa likod ng mga scholarship na nakatuon sa paglinang ng susunod na henerasyon ng mga engineers, scientists, data analysts, programmers, at iba pang mga propesyon ay naroon din ang mga estudyante ng humanities at social sciences na madalas na hindi kabilang sa mga “priority courses.” Para sa kanila, ang usapin ay hindi lamang sa kung sino ang makatatanggap ng scholarship, kundi kung aling mga uri ng kaalaman ang itinuturing na karapat-dapat pondohan ng estado at pribadong sektor.
Bakit hindi maaaring maiwan ang HUMSS
Marahil ang sasabihin ng iba ay dahil mas mahalaga ang mga kursong nasa STEM at iba pang larangang may koneksyon sa technology, business, at industry. Para kasi sa iba, madali lang naman daw ang mga programang nasa humanities at social sciences. Puro pagsusulat lamang umano ng mga sanaysay, pagbabasa ng mga libro, pagsasalita sa harap ng klase, at pakikisalamuha sa mga tao. Kung ihahambing sa mga laboratory experiments, komplikadong mathematical equations, at teknikal na pagsasanay sa STEM, tila mas magaan ang dinadalang pasanin ng mga humanista.
Subalit ang ganitong pagtingin ay nagmumula sa hindi pag-unawa sa tunay na ginagawa ng mga larangang ito.
Ang pag-aaral ng sosyolohiya, antropolohiya, komunikasyon, sikolohiya, politika, at iba pang sangay ng HUMSS ay hindi lamang tungkol sa pagsusulat at pagsasalita. Ito ay tungkol sa pag-unawa sa tao — ang pinakakomplikadong bahagi ng anumang lipunan.
Nagsusulat ang mga humanista upang suriin at ipaliwanag ang mga teorya ukol sa tao at lipunan. Nagdedebate at naglalahad ng mga argumento upang malinang ang kritikal at malayang pag-iisip. Nagsasagawa sila ng pananaliksik at fieldwork upang maunawaan ang mga suliraning panlipunan at matukoy kung paano ito maaaring tugunan.
Hindi rin totoo na walang malaking gastos sa mga kursong ito. Maraming programa sa humanities at social sciences ang nangangailangan ng field immersions, community engagements, interviews, surveys, at iba pang gawaing nangangailangan ng oras, paglalakbay, at pera. Hindi mura ang pag-aaral ng tao at lipunan.
Nariyan din ang sandamakmak na readings, pananaliksik, statistical analysis, interdisciplinary training, at mga gawaing kailangang isagawa sa loob at labas ng silid-aralan. Ngunit sa kabila nito, mas limitado pa rin ang akses ng mga humanista sa mga scholarship at suportang pinansyal mula sa estado.
Habang pinipilit ng pamahalaan na hikayatin ang mga kabataan na maglingkod sa bayan sa pamamagitan ng edukasyon, tila may mga pangarap na mas madaling suportahan.
Kapag tao at lipunan ang naging problema
Subalit bakit nga ba mahalaga rin ang sakop ng humanities at social sciences sa pag-unlad ng bansa?
Kung mahalaga ang STEM sa paglikha ng mga bagong teknolohiya, mahalaga naman ang HUMSS sa pag-unawa kung paano ginagamit, tinatanggap, o tinatanggihan ng tao ang mga ito. Hindi lahat ng suliranin ay kayang lutasin ng teknolohiya lamang. Ang disinformation, kahirapan, diskriminasyon, karahasan, krimen, migrasyon, mental health crisis, gender-based issues, at maging ang asal ng mga Pilipino ukol sa pagboto ay mga problemang nangangailangan ng mas malalim na pag-unawa sa tao at lipunan.
Dito pumapasok ang papel ng mga sosyolohista, sikolohista, behavioral scientists, antropolohista, political scientists, at iba pang eksperto sa agham panlipunan. Sila ang tumutulong sa atin na maunawaan kung bakit kumikilos ang mga tao sa isang partikular na paraan at kung paano makagagawa ng mga polisiyang mas epektibong tutugon sa kanilang pangangailangan.
Makikita ito maging noong COVID-19 pandemic. Hindi sapat na naka-imbento at mayroon tayong bakuna. Kinailangan din nating maunawaan kung bakit may vaccine hesitancy, paano kumakalat ang maling impormasyon ukol sa pagbabakuna, at paano mahihikayat ang mga tao na magtiwala sa mga programang pangkalusugan. Ang mga tanong na ito ay hindi lamang pang-agham; mga tanong din ito tungkol sa pag-uugali, kultura, at lipunan.
Ang nation-building ay hindi lamang usapin ng teknolohiya at imprastruktura. Ang mga batas, polisiya, at programang pambansa ay nakasalalay rin sa pag-unawa sa mga taong kanilang pinaglilingkuran.
Sapagkat bago pa man tayo makapagdisenyo ng mga solusyon para sa bansa, kailangan muna nating maunawaan ang lipunang nais nating baguhin.
Sa mga susunod na linggo, muli na namang mag-aabang ang libo-libong estudyante ng resulta ng kanilang scholarship applications. May ilan na makatatanggap ng email na magpapabago sa takbo ng kanilang buhay. May ilan ding muling haharap sa posibilidad na isantabi muna ang kanilang mga pangarap dahil sa kakulangan ng pinansyal na suporta.
Ngunit para sa maraming humanista, ang pinakamasakit na bahagi ay hindi ang makatanggap ng pagtanggi. Ito ay ang malaman na hindi man lamang sila nabigyan ng pagkakataong sumubok.
Hindi naman kailangang bawasan ang suporta sa STEM upang kilalanin ang halaga ng humanities at social sciences. Hindi rin kailangang pag-awayin ang mga larangang kapuwa mahalaga sa pag-unlad ng bansa. Ang tanong lamang ay kung bakit sa isang lipunang humaharap sa samu’t saring suliranin, nananatiling limitado ang suporta para sa mga kursong nakatuon sa pag-unawa sa komunidad.
Sapagkat kung patuloy nating hahayaang malaglag ang pakpak ng humanities at social sciences, hindi lamang mga humanista ang mawawalan ng kakayahang lumipad. Unti-unti ring mawawalan ng kakayahan ang lipunan na unawain ang sarili nito.
Marahil sa isang bansang nangangarap ng pag-unlad, iyon na tila ang pinakamalaking pagkawalang maaari nating maranasan.