
Justin James Albia
Sa panahon ng sakuna, evacuation center ang nagsisilbing kanlungan. Dito tumatakas ang mga tao kapag ang unos ay hindi na kayang labanan, kapag ang tubig ay hindi na mapigilan, kapag ang lindol ay umalingawngaw sa ilalim ng lupa. Sa madaling salita, ito na ang huling depensa ng mga mamamayan laban sa kalamidad. Ngunit paano kung mismong kanlungan ang maging libingan?
Ito ang trahedyang yumanig sa San Remigio, Cebu noong Setyembre 30, 2025. Isang 6.9 magnitude na lindol ang tumama sa hilagang bahagi ng lalawigan, at sa gitna ng naganap na basketball tournament, gumuho ang bahagi ng San Remigio Sports Complex, itinayo noong 2023 upang magsilbing evacuation center. Ang pasilidad na itinadhana maging sanggalang tuwing sakuna ay naging mismong libingan ng mga naroon.
Ayon sa ulat, hindi bababa sa 14 ang nasawi sa trahedyang ito. Kabilang dito si Jude Destura, 24 anyos na referee sa laro, na natagpuang wala nang buhay sa ilalim ng gumuhong istruktura. Nasawi rin ang ilang kasapi ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fire Protection na lumahok bilang manlalaro.
Lindol ang yumanig, pero kurakot ang kumitil
Ngunit higit pa sa bilang ng mga nasawi, ang mas mabigat na tanong: bakit bumigay ang isang pasilidad na dapat kayang tumindig laban sa pinakamalakas na lindol? Ayon sa Republic Act No. 12076 o Evacuation Center Act, malinaw ang pamantayan—ang mga evacuation center ay dapat gawa sa matitibay na materyales, disaster-resilient, kayang tiisin ang hangin na aabot sa 300 kilometro kada oras at ang lindol na hindi bababa sa magnitude 8.0. Pero isang lindol na 6.9 lamang ang dumating, at gumuho ang gusali.
Kung malinaw ang batas, bakit may gusaling bumagsak? Sino ang nagkulang? Sino ang nagbulsa ng dapat ay para sa matibay na haligi? Ang batas ay nagsasaad ng seguridad, ngunit sa aktwal na buhay, katiwalian ang umiiral. At sa puntong ito, nagiging malinaw ang katotohanan: hindi lindol ang tunay na pumatay—kundi ang bulok na sistemang nagpalusot sa isang istrukturang hindi dapat nakatayo.
Kalampag ng korapsyon
Sa kabilang dako, ang Bogo City, mas malinaw ang larawan ng kapabayaan. Bumagsak ang karamihan ng istruktura, kabilang na ang City Hall, isang gusaling dapat sumisimbolo sa katatagan ng pamahalaan. Ngunit nang masilip ang mga haligi, lumitaw ang hubad na katotohanan: substandard ang ginamit na materyales, manipis ang kongkretong tinipid, at madaling bumigay sa yumanig na lupa.
Hindi ito isang lumang gusali na tinibag ng panahon. Bagkus, bago pa lamang itong naipatayo noong 2022 ng FDC Construction and Supplies Co., gamit ang halagang P3,724,862.61 mula sa kaban ng bayan. Kung nagamit nang wasto ang pondong iyon, sapat sana upang makapagtayo ng matibay na gusaling kayang lumaban sa kalamidad. Subalit ang nakita ng mga tao ay isang City Hall na parang itinayo sa ibabaw ng buhangin, haliging hungkag, at pader na walang tibay.
Dito pumapasok ang masakit na katotohanan: ang perang dapat naging pundasyon ng kaligtasan at serbisyo ay nauwi lamang sa bulsa ng iilan. Ang pagbagsak ng City Hall ng Bogo ay hindi lang pisikal na trahedya kundi malinaw na larawan ng pagbagsak ng tiwala ng taumbayan.
Sakuna ang salamin ng sistemang bulok
Hindi na bago ang kuwento ng bulok na sistemang ito. Noong Agosto pa, binulgar na ang mga ghost project sa flood control, mga proyektong ginastusan ngunit nanatiling linya lamang sa papel. Ang dapat sana’y depensa laban sa pagbaha ay nauwi sa resibong walang laman at plano ng proteksiyon na ninakaw ng kurakot.
At gaya ng nakasanayan, walang nananagot. Nagsimula ang mga imbestigasyon, nagkaroon ng mga hearing, lumabas sa mga headline, ngunit unti-unting natabunan hanggang sa tuluyang nakalimutan. Ito ang siklo sa Pilipinas: galit, imbestigasyon, katahimikan, at muling pag-ulit.
Ngunit kapag may dumating na sakuna, bagyo man o lindol, walang takas ang katotohanan. Lumulutang ang katiwalian na matagal nang tinakpan ng pulitika. Sa pagbagsak ng mga gusali at sa pagguho ng mga tulay, malinaw kung paanong ang perang dapat nagsilbing pundasyon ng kaligtasan ay nauwi lamang sa bulsa ng iilan.
Sa harap ng trahedya, sapat na ba ang paulit-ulit na imbestigasyon at pangakong wala namang katuparan? Ilang gusali pa ba ang dapat gumuho, ilang buhay pa ba ang kailangang mawala bago natin tanggapin na ang ugat ng lahat ng ito ay hindi lamang kalamidad kundi sistemang pinamumugaran ng katiwalian?
Corruption kills, literally. Sa bawat haliging tinipid, sa bawat semento na pinagkurakutan, at sa bawat proyektong itinayo para sa papel lamang, may kasamang buhay na nawawala. Ang mga kalamidad ay hindi natin kayang pigilan, ngunit ang katiwalian, kung nanaisin, ay kaya nating sugpuin.
Kaya nararapat lang na managot ang mga dapat managot. Hindi sapat ang palusot, hindi sapat ang pasensya, at lalong hindi sapat ang pagtawad sa halaga ng buhay ng tao. Panahon na upang wakasan ang kulturang nagpapalusot at nagtatakip, dahil sa bawat araw ng pagkukubli, mas maraming buhay ang nakataya.