
Noong isinulat ko ang “Luho ko sa halagang sampung piso,” buong akala ko’y tuluyan nang naapakan ang saysay ng mga barya—inakala kong magpapaalala na lamang ito ng kakulangan sa kasulukuyan.
Ngunit binago ng isang Tatay ang pananaw ko na iyon, ang bulsa niyang butas dahil sa kakapusan at trahedya ay hindi naging hadlang sapagkat nakaipit sa kaniyang pawisang kamay ang mga barya na pupukaw ng pag-asa sa bansa.
ANIM NA BARYA—isang sampung pisong buo, isang singko, at apat na tigpipiso—mula sa kamay ng animo’y walang-wala ngunit siyang may bitbit sa pinakamaringal na ₱19 bilang donasyon sa mga biktima ng 6.9 na lindol sa Northern Cebu.
Sinabi ko sa nakaraan kong kolum na ‘ang mga baryang kayamanan ko bilang bata ay wala nang pinagkaiba sa mga napupulot ko sa kalsada,’ ngunit hindi ko naisip na higit pa sa nilimpak-limpak na salapi ang halaga ng piso kung ito’y galing sa puso.
Nang dumating si Tatay, hindi magara ang kaniyang kasuotan, walang nakasunod na kamera o hawak na mikropono para makapangalandakan na may naibigay siya. Kusa niyang binuhos ang natatanging biyaya nang walang hinihintay na kapalit o pagkilala.
Sa gitna ng panggigipit ng korapsyon at katiwalian ng pamahalaan, tila lumamig ang mundo sa harap ng kabutihan ngunit ang ₱19 ni Tatay ang nagsilbing apoy ng tunay na malasakit para sa bayan.
Sa simpleng kalansing ng mga barya, muling nag-alab ang puso ng mga mamamayan at nagising sa diwa na hindi mo kailangang maging mayaman para tumulong sa kapwa.
Mula sa kanyang munting kilos, dumaloy ang inspirasyon. Mga taxi driver, estudyante, at kababayan sa malalayong lugar ay nagpadala rin ng tulong.
Mula sa baryang kumalansing sa kahon, sinasalo ng karton ay umalingawngaw ang pag-asang hindi kayang tumbasan ng milyon.
Gayunpaman, habang may mga tulad ni Tatay na nagbibigay mula sa kawalan, may mga nasa posisyon namang nagbubulag-bulagan sa pighating iniinda ng nasasakupan. Habang ang isang maralitang taos-pusong nag-aabot ng barya, sila nama’y mayamang tusong namomorsyento sa masa at ang perang pantugon sa kalamidad ay nananatiling nakabaon sa kaban ng gobyerno.
Halimbawa, may halos isang bilyong piso na disaster-preparedness fun sa Cebu Province na nakatigil dahil ang PDRRMO ay may dalawang tao lang at halos walang kagamitan.
Malaking syudad at probinsya ang Cebu, ngunit hindi pa rin pulido at handa sa mga sakuna.
Ibinalita ng Cebu News Daily na sa taong 2022-2023, hindi nagamit ang ₱1.456 bilyon mula sa Local Disaster Risk Reduction and Management Fund para sa mga proyekto ng mitigation at preparasyon dahil nag-antala sa procurement at papeles.
Mayroon ding ₱712 milyon na tulong para sa mga biktima ng Typhoon Odette sa probinsya ng Cebu na hindi naipamahagi — binalik na sa kaban ng bayan.
Samantala, sa DPWH-Visayas, may mga opisyal na kinakaharap ang mga reklamo dahil sa ghost o substandard na proyekto, at pagsuporta sa contractors na may record ng pagkaantala, sa halip na kasuhan.
Pag-asa at buhay ang nasa laylayan sa mapanganib na kombinasyong ito—milyon-milyong pisong hindi nagagamit, katiwalian sa pagpili ng kontratista, at kakulangan sa pagkilos—hindi lang simpleng kapabayaan ito kundi sistemikong pag-alipusta at panlulustay sa kabang mula at para sa bayan.
Sa isang sistemang sanay sa palusot, mas mabilis pang dumating ang tulong ng mamamayan kaysa sa tulong ng pamahalaan.
Ika nga na ang bawat piso, kapag ginabayan ng puso, ay nagiging ginto. At balang araw, mas tataginting ang katapatan at kahabagan kaysa sa nakabibinging bulong ng kurakot sa bayan.
Sapagkat sa bansang matagal nang ninakawan ng dangal, minsan, isang tagaktak ng barya lamang ang kailangan upang muling marinig ang tibok ng pagiging makatao.
Dahil sa bawat baryang may kasamang kabutihan, may bansang muling babangon at itataguyod ng pag-asa dahil sa simpleng kalansing ng pisong mula sa yaman ng puso mismo.