Natuto nang mahalin ng lamok ang pangontrang DEET, ayon sa eksperto

Ngayong tag-ulan, hindi lang baha ang rumaragasa kundi ang mga Pilipinong nagsisiksikan sa mga ospital dahil sa mga sakit na dala ng lamok. 

Taon-taon, libo-libong tao ang nahahawa sa dengue, malaria, zika, chikungunya, at west nile virus. Marami ang naagapan agad ngunit maraming mga pamilya ang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa mga sakit na ito.

Noong 2025, nagtala ang Department of Health (DOH) na umabot sa 110,000 katao ang kaso ng dengue fever at 437 naman ang nasawi mula Enero hanggang Mayo. Dagdag pa nila, mayroong 15,161 kaso ng dengue ang naitala mula Hulyo 20 hanggang Agosto 2, na sumabay rin sa sunod-sunod na bagyo sa bansa.

Sa panahon ngayon, mas naging aktibo ang mga babaeng Aedes aegypti at Aedes albopictus — ang mga uri ng lamok na responsable sa pagkakalat ng mga sakit. Kaya nakakabahala ang bawat kagat dahil mayroong posibilidad na dala nito ang mga mikrobyo at virus na nakuha mula sa taong nahawaan ng sakit. 

Hindi rin patas ang mga lamok sa pagpili ng bibiktimahin dahil may mga taong lapitin talaga ng lamok. 

Ayon sa mga siyentipiko, ang sanhi nito ay ang mga mikrobyo na likas na naninirahan sa mga balat ng tao. Sila ang nakaaapekto sa amoy ng pawis sa katawan na naging kaakit-akit para sa mga lamok. 

Dahil dito, kadalasang naglalagay ng kemikal sa balat upang magulo ang pang-amoy ng lamok at itaboy ito. 

Ngunit ngayon, hindi lang kagat ng lamok ang ikinababahala ng mga eksperto dahil natuto na rin ang mga insektong ito na mahalin ang dapat pangontra sa kanila.  

Dehado na ba sa DEET?

Simula pa noong 1957, isa sa epektibong pangontra sa mga lamok ay DEET (N,N-diethyl-meta-toluamide). Ito ang isa sa mga pangunahing sangkap ng maraming pantaboy ng lamok na ginagamit hanggang sa kasalukuyan.

Gumagana ang DEET sa pamamagitan ng paglinlang sa pang-amoy ng mga lamok. Kapag nalanghap nila ito, nahihirapan silang tukuyin kung saan sila makakukuha ng dugo. Dahil dito, kinilala ng World Health Organization (WHO) ang produkto bilang isa sa mabisang pangontra ng pagkagat ng lamok.

Gayunpaman, batay sa Journal of Experimental Biology ay may kaunting problema na natuklasan sa paggamit ng DEET. Hindi dahil makaluma ang kemikal, kundi dahil nasanay na rito ang mga lamok. 

Ipinaliwanag ni Clément Vinauger, associate professor sa Department of Biochemistry sa Virginia Tech, na bagama’t epektibo ang DEET ay pansamantalang proteksyon lamang ang naibibigay nito laban sa mga insekto. Habang tumatagal ay mawawala ang bisa ng pangontra at muling naghahasik ang mga lamok sa balat ng tao.

Batay sa natuklasan ng pananaliksik, kung matagal nailagay ulit ang DEET sa balat, maaaring iugnay ng lamok ang amoy ng kemikal sa lasa ng dugo. 

“Mosquitoes are very smart and can outsmart our control tools. DEET is a molecule that can be interpreted by the mosquito brain, and mosquitoes can learn to like it,” ayon kay Vinauger. 

[Matalino ang mga lamok at kayang lusutan ang gamit na pangontra. Ang DEET ay isang molekula na maaaring interpretahin ng mga lamok, at kaya rin nilang magustuhan.]

Kung paano naunawaan eksperto nang maigi ang pagtugon ng lamok sa DEET ay sinanay ito sa ilalim ng ilang serye ng eksperimento.

Pagsasanay sa pangontra

Sa pag-aaral ni Vinauger at ng kaniyang kasamahan ay gumamit sila ng kontroladong bilang ng mga lamok, at dito rin nila natuklasan kung gaano katalino ang mga ito. 

Sa unang yugto ay inilagay ang mga insekto sa isang glass tube. Sa kabilang dulo ay may lalagyang may dugong pinainit sa temperaturang 37°C, katumbas ng normal na init ng katawan ng tao, na natatakpan ng pinong mesh. 

Habang nalalasahan ng mga lamok ang dugo ay sabay rin nilang naaamoy ang DEET. Pagkatapos ay inalis na ang dugo, pero kahit iniwan na lang ang kemikal, mahigit 60% ng lamok ay bumalik pa rin at kumuha ng dugo. 

Sa ikalawang yugto ay iniharap ang dalawang grupo ng lamok sa dalawang kamay ng tao, na kung saan ang isa ay nilagyan ng DEET at ang isa ay wala. Nalaman ng pananaliksik na ang mga lamok na naunang nalantad dito ay iniugnay pa rin ang kemikal sa lasa ng dugo, habang ang hindi ay lumapit lamang sa kamay na walang DEET.

Upang masiguro na hindi lamang dugo ang dahilan, inulit nila ang eksperimento gamit ang asukal ngunit pareho pa rin ang naging resulta. Natuklasan dito na kapag natutunan ng lamok na iugnay ang isang kemikal sa pagkain, maaaring hihina ang bisa ng proteksyon sa balat kung gagamitin ito muli.

“By training them, we were able to demonstrate that they can assign value. They can actually turn that molecule that innately is an aversive weapon into something that is attractive to them,” saad ni Vinauger 

[Sa pagsasanay sa kanila, natuklasan na kaya nilang magtalaga ng halaga. Nagawa nilang maging kaakit-akit ang isang molekula na dapat na pantaboy sa kanila.]

Sa kabila ng natuklasan, hindi nangangahulugan na dapat nang tumigil sa paggamit ng DEET.

Payo ng eksperto

Ayon kay Vinauger na epektibo pa rin ang DEET, ngunit dapat mas matalino na ang paglalagay nito sa balat. 

Dagdag niya, sa halip na marami ang ilalagay at aasang tatagal ito buong araw, mas mabuti kung susundin ang inirekomendang dami at maglagay ulit ayon sa panuto na nakalagay sa bote ng DEET.

“It’s the frequency of application, how often you need to put it back on the skin” saad ni Vinauger.

[Nakasalalay ang bisa nito sa dalas ng muling paglalagay sa balat.]

Bukod dito, inirerekomenda ng mga eksperto ang paggamit ng window screen at kulambo, lalo na sa mga lugar na mataas ang kaso ng malaria. 

Dagdag pa ni Vinauger, may simpleng estratehiya din upang labanan ang mga lamok. Mahalaga ang pag-alis ng mga naipong tubig sa paso, timba, gulong, at iba pang lalagyan na pwedeng pamugaran ng mga lamok. 

Makatutulong din ang pagsusuot ng mga damit na may mahabang manggas at pantalon upang matakpan ang bahagi ng katawan na maaring kagatan ng insekto.

Ngayong marunong ng matuto at umangkop ang mga lamok, hinahamon nito ang bisa ng mga pangontrang kasalukuyang ginagamit ng mga tao. Kaya ngayong tag-ulan, hindi lang dapat aasa sa iisang depensa, mas mainam na maging mabusisi sa kapaligiran at alerto sa dalang sakit ng mga insektong parating dagok sa kalusugan.

1 Votes: 1 Upvotes, 0 Downvotes (1 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...