Ang kababalaghan na nababalot sa lipunan

Pansin mo ba na karamihan sa mga pinoy horror films na iyong napapanood ay may pagkakamukha ng tema? Mga temang tumatalakay sa iba’t ibang isyung panlipunan. Sa likod ng mga nakakakilabot na kwento sa horror films ng pelikulang Pilipino, may mga nakatagong kahulugan na tila mas malalim pa sa dilim. Mga kwentong sumasalamin sa mga sugat, takot at katotohanan na matagal ng nakatago.

Maaaring isipin sa umpisa na ito ay simpleng mga pelikula lamang na purong libangan, ngunit nakapaloob din dito ang mga kolektibong karanasan bilang mga mamamayang Pilipino. Sa mata ng industriyang horror, malinaw na hindi lamang sa kababalaghan tayo dapat matakot, kundi sa mga reyalidad na umiiral sa ating paligid.

Ang mga pelikulang horror sa Pilipinas ay nagsisilbing midyum para mamulat ang masa sa sugat ng lipunan. Dahil sa bawat pagpaparamdam ng multo, pag-atake ng halimaw, naihahayag ang mga isyung matagal nang bumabagabag sa bansa tulad ng, kahirapan, korapsyon, relihiyosong pamahiin at pag-aabuso sa kapangyarihan.

Sa halip na ihiwalay ang pantasya sa realidad, ginagamit ng mga manlilikha ang horror upang ipakita na imbes na mga nilalang sa dilim ang pinaka-nakakatakot, mas nakakatakot ang mga taong nabubuhay sa lupa. Sa ganitong paraan, ang mga pinoy horror films ay isang uri ng komentaryong panlipunan na higit pa sa pananakot. Ito ay nagsisilbing sining ng pagkilala sa mga katotohanan na nakakubli sa lipunan.

Mga halimaw na gawa ng lipunan

Hindi laging kathang-isip ang mga halimaw sa pelikulang Pilipino; madalas, sila ay repleksyon ng mga kasamaan at takot na umiiral sa lipunan. Sa bawat nilalang mapa aswang o multo man, kapansin-pansin ang masakit na katotohanan—ang mahihirap ay inaapi at pinapatahimik ng sistema.

Ang mga halimaw na makikita sa films ay hindi basta-basta simbolo ng takot; sila ay nagsisilbing representasyon ng mga biktimang pinagkaitan ng katarungan. Makikita ito sa pelikulang “Maria Leonora Teresa” (2014) ni Wenn Deramas, kung saan ang tatlong magulang ay binigyan ng mga manikang pamalit sa kanilang mga anak na nasawi sa isang aksidente. Sa una, tila mga inosenteng laruan lamang ang mga ito, ‘di kalaunan ay naging instrumento ng paghihiganti at karahasan.

Sa mas malalim na pag-unawa, ang mga manika ay kumakatawan sa mga hindi pa natatapos na trauma, pagkakait ng katarungan at mga emosyon na piniling itago. Ang halimaw dito ay hindi ang manika, kundi ang sakit at pagkasira ng mga taong biktima ng sariling lipunan.

Sa kabuoan, ipinapakita ng “Maria Leonora Teresa” na ang tunay na kababalaghan ay hindi nagmumula sa laruan o sumpa; sa kawalan ng paghilom at sa sistemang hindi nagbibigay ng sapat na hustisya o suporta sa mga nawalan.

Ang pelikula ay paalala na kung hindi natin haharapin ang ating mga sugat bilang indibidwal at bilang lipunan, patuloy tayong lilikha ng mga halimaw, sa loob at labas ng ating pagkatao.

Takot sa realidad

Epektibo ang horror sa pelikula sapagkat ito ay nakaugat sa mga takot na totoo. Ang mga pelikulang Pilipino ay madalas gumagamit ng mga temang malapit sa karanasan ng karaniwang manonood.

Isang magandang halimbawa nito ay ang pelikulang “Sigaw” (2004) ni Yam Laranas. Ang mga tauhan dito ay nakulong sa isang gusali na para bang buhay, simbolo ng pagkakulong sa lipunang puno ng karahasan at kapabayaan. Ang takot na ipinapakita rito ay hindi lang dahil sa multo, ngunit sa kawalan ng ligtas na lugar.

Kaya naman ang takot na hatid ng pelikula ay hindi lang dulot ng dilim, kundi ang nakakakilabot na katotohanan sa mundo—ang paghihirap at kawalan ng pag-asa ay tila mas nakakatakot pa kaysa sa mga nilalang sa pantasya.

Korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan

Isa sa mga madalas na tema ng horror films ay ang pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan. Ang mga biktima ay karaniwang mga taong inalipusta ng mga makapangyarihan: mga politiko, mayayamang pamilya, o taong may impluwensya.

Ang kamatayan ng naaapi ay nagiging simula ng paghihiganti na tila isang simbolikong paraan ng paglaban sa katiwalian.

Makikita ito sa pelikulang “Seklusyon” (2016) ni Erik Matti, kung saan inilantad ang kasakiman at kasinungalingan sa loob ng simbahan. Sa likod ng kabanalan, naroon ang mga halimaw na kumakatawan sa tiwaling moralidad ng mga taong dapat ay tagapagtanggol ng pananampalataya.

Sa ganitong paraan, ipinapakita ng pelikula na ang tunay na horror ay hindi galing sa impyerno, kundi sa mga taong ginagamit ang relihiyon o kapangyarihan para manupil.

Ang ‘horror’ ng kahirapan

Ang kahirapan ay isa sa mga paboritong tema ng mga horror films sa Pilipinas, dahil ito ay realidad na hindi kayang takasan.

Sa mga pelikula, ito ay ipinapakita sa mga liblib na lugar, barung-barong, at mga tauhang desperado. Ang ganitong tagpo ay sumasalamin sa mga Pilipinong patuloy na lumalaban sa buhay, kahit tila sila na mismo ang kinakatakutan ng lipunan.

Halimbawa, sa pelikulang “Kubot: The Aswang Chronicles 2” (2014) ni Erik Matti, ang aswang ay inilalarawan sa gitna ng kahirapan at survival. Ang mga nilalang na ito ay naging simbolo ng mga taong napilitang gumawa ng kasamaan dahil sa gutom at desperasyon. Ang kahirapan mismo ay isang uri ng halimaw.

Bangungot ng bayan

Ang mga pelikulang ito ay nagiging representasyon ng kolektibong bangungot ng sambayanan, ang paulit-ulit na pagdurusa sa ilalim ng katiwalian at kawalang hustisya. Narito ang boses ng mga pinatahimik at ang hinaing ng mga biktima. Ito ang mga kuwentong nagpapaalala na ang bayan mismo ay tila nakakulong sa isang walang katapusang bangungot.

Sa pelikulang “Feng Shui” (2004) ni Chito S. Roño, ipinakita ang bangungot na dulot ng kasakiman. Ang misteryosong Bagua mirror ay sumisimbolo sa pagnanais ng mga tao sa swerte at yaman, kahit kapalit nito ang buhay ng iba. Ang pelikula ay paalala na minsan, tayo mismo ang lumilikha ng sariling sumpa sa pagnanais na makaligtas sa kahirapan.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...