
Hindi lahat ng nakakatakot ay nakasuot ng puti, nagtatago sa dilim, o mga aninong hindi maipaliwanag ang itsura.
Kadalasan, nakakubli ito sa mga mensaheng magpapakaba sa atin, isang notification na nagpapasigaw sa puso hindi dahil sa tuwa kundi dahil sa takot.
“Your transaction cannot be processed.”
Alam mo ba ‘yong pakiramdam na nakabili ka na ng pagkain, tapos biglang hindi gumana ang GCash o e-wallet mo? Nakakahiya, ‘di ba? Hindi mo alam kung tatawa ka o magpapalamon na lang sa lupa kasi nakatingin lang ‘yong cashier sa ‘yo, tapos nainuman mo na ‘yong binili mong milk tea o nabawasan mo na ‘yong fries. Puwede ko pa kayang isuka na lang ‘yong kinain ko?
“Asan ka na?”
Kahit Mama Globe o Mama Smart pa ‘yan, mga ina talaga natin ang pinakanakakatakot. Lalo na kapag gabi na, tapos ikaw, nasa inuman pa kasama ang barkada. Iisipin mo na lang siguro kung uuwi ka pa ba kasi siguradong may sermon, o kung puwede na lang na wag ka nang umuwi… para hindi ka na pagalitan. Isang shat pa sana.
“Can we try again?”
Wow, bakit ngayon? Kung kailan nakakausad na ako, biglang babalik? Biglang magmumulto ulit? Biglang sasabihin na sumubok kami ulit? Siya ‘yong dating takot ka pa mawala sa buhay mo, pero siya rin ‘yong takot ka na ngayon na bumalik pa kasi baka masaktan ka na naman ulit… pero why not? Char!
“Low battery.”
Nasa labas ka pa, matagal pa bago umuwi, tapos biglang sumuko na ‘yong phone mo. Kaya pa naman siguro ng 5% battery ko na lumaban? Ako lang ang puwedeng ma-drain!
“Check your internet connection and try again.”
Nasa online class ka pa naman, tapos parang nang-aasar ang mundo. O baka naman may ginagawa ka sa Canva tapos biglang hindi na-save pala lahat ng pinaghirapan mo.
“Grades are out!”
Aminin, parang lalabas ang mga puso natin pag nababasa natin ito sa mga group chats natin, ‘di ba? Kasi pinayagan ko ba na makalabas ‘to? Sana naman mataas at pasado po, Lord. Kung hindi naman po, sana po ay magawan pa ng paraan.
Minsan, hindi na natin kailangan ang horror movies para takutin ang mga sarili natin. Isang tingin lang sa cellphone para ipaalala na mas nakakatakot ang realidad.