
Reign Rosales
“I-chatGPT na lang natin.”
Isang simpleng linya, ngunit sumasalamin sa kung gaano kalaki na ang naging papel ng artificial intelligence (AI) sa pang-araw-araw na buhay. Sa isang pindot, nagagawa na nito ang mga trabahong dati ay mula sa pagsisikap at malikhaing pag-iisip ng isang tao.
Nagsisimula dito ang malaking usaping dapat pagtuunan ng pansin: habang patuloy na tinatangkilik ng mga tao ang AI, nananatili nga ba itong kaagapay lamang o unti-unti na nitong pinapalitan ang mga gawain ng tao?
Mula sa isang konsepto lamang na unang ipinakilala noong 1956 sa Dartmouth Summer Research Project on Artificial Intelligence, ang AI ay unti-unting umunlad mula sa isang ideya tungo sa teknolohiyang ginagamit na ngayon ng milyun-milyong tao sa buong mundo.
Ayon naman sa National Skills Council, sumapit ang 2010s kung saan nakilala na ito bilang malaking pagbabago dahil sa dala nitong pag-unlad sa machine learning, deep learning, at pagproseso ng malalaking datos. Dahil dito, mas naging bahagi ng pang-araw-araw na buhay ang mga teknolohiyang tulad ng Siri, Google Assistant, Alexa at marami pa.
Ayon sa Built In, patuloy na hinuhubog ng AI ang kinabukasan ng iba’t ibang sektor dahil sa kakayahan nitong magsagawa ng data analysis, tumulong sa pananaliksik, at mapabilis ang iba pang gawain. Dahil dito, nagiging mas episyente ang pagsasagawa ng mga proseso at mas mabilis na natutugunan ang iba’t ibang pangangailangan sa trabaho at pag-aaral.
Mas lalo pang sumikat ang teknolohiyang ito sa pag-usbong ng generative AI, kabilang ang ChatGPT, na kayang lumikha ng teksto, larawan, audio, at iba pang nilalaman sa loob lamang ng ilang segundo. Dahilan ito upang mas maging madali para sa nakararami na umasa rito.
Kinikilala ng University of the Philippines ang lumalawak na papel ng AI sa lipunan, kasabay ng pagbibigay-diin sa responsable at etikal na paggamit nito. Habang patuloy na lumalaganap ang AI, lalo ring nagiging mahalaga ang mga prinsipyong ito upang matiyak na nagagamit ang teknolohiya nang may wastong pag-iisip at pananagutan.
Ayon sa ABS-CBN News noong 2023, bukod dito, makikita rin ang paglaganap ng AI sa sektor ng edukasyon. dahil 83% na ang mga estudyante na gumagamit ng generative AI para sa pananaliksik at pagsulat. Gayunpaman, paano pa kaya ngayon kung saan mas dumami na ang mga kagamitan na kayang sumagip sa mga gawain ng mga estudyante katulad nalang ng
Makikita rin ang impluwensya ng AI sa pagdami ng AI-generated na mga poster at disenyo na ginagamit ng mga institusyon, eskwelahan, at negosyo sa pagbahagi ng impormasyon na ayon din sa INQUIRER.NET, nakapagbigay ang FEU Institute of Technology ng access sa ChatGPT Edu para sa mga mag-aaral at guro bilang bahagi ng paggamit ng AI sa mga gawaing pang-akademiko at administratibo ng mga eskwelahan.
Ipinapahiwatig nito na hindi na lamang estudyante ang gumagamit ng AI, kundi maging ang iba pang sektor ng lipunan at may posibilidad na nagsilbi pa itong rason bigyan pa lalo ng halaga ang AI sa paggawa ng mas maraming bagay ng mga kabataan.
Ang tunay na panganib ay nagsisimula kapag nasanay nang umasa rito, na kahit sa mga simpleng sanaysay, infographic, o poster na dati ay nangangailangan ng sariling pagsusuri at pagkamalikhain.Kapag ito ang naging pangunahing sandigan ng paglikha, unti-unti nitong maaaring mabawasan ang paggamit ng sariling isip at kakayahan.
Maaari itong maging kasangkapan sa pag-unlad, ngunit hindi nito ganap na mapapalitan ang damdamin, karanasan, at pagkamalikhain na tanging tao lamang ang makapagbibigay. Kaya’t alalahanin ang linyang “I-chatGPT na lang” na nagsisilbing paalala kung gaano kadali para sa tao ang umasa sa teknolohiya at kung bakit mahalagang gamitin ito nang may limitasyon.
Habang patuloy na lumalawak ang kakayahan ng AI, mahalagang manatili itong kasangkapan sa pagkatuto at paglikha, hindi kapalit ng sariling pag-iisip, paghatol, at pagkamalikhain.