Pabrika ng diploma para sa bagong sistema

#CartoonOnPoint by John Denver Dugan

Malinaw na nagiging makinarya na lamang ang Unibersidad ng Pilipinas sa pagpapanukala ng UP Core Curriculum 2025—isang makinarya na tuloy-tuloy sa paggawa ng mga papel na may tatak ng kahusayan ngunit salat sa laman ng pag-iisip at diwang makatotohanan. Tulad ng isang minadaling produkto, ang mga estudyante ay pinapabilis ang takbo, binabawasan ang sangkap, at inilalabas agad sa merkado. Sa likod ng kinang ng modernisasyon, ang panganib ay mas nagiging malinaw kung saan ang diploma ay nagiging resibo ng proseso at hindi patunay ng paghubog ng isang ganap na tao.

Nakakabit sa bagong sistema ang mga pangako sa paggaan ng gastusin para sa mga estudyante at pamilya, mas maagang pagpasok sa mundo ng paggawa, at may lugar para sa mga kursong bago at makabago gaya  ng artificial intelligence at digital literacy. Hindi malayong ito ay maging katulad din ng resulta sa pagpapanukala ng K-12 program na nangako ng agarang oportunidad sa trabaho para sa mga nagtapos ng senior high school ngunit bigo dahil maraming estudyante pa rin ang hindi tinanggap sa industriya at napilitang magpatuloy sa kolehiyo. Sa halip na magbukas ng pinto, mas lalo nitong ipinakita ang kahinaan ng isang programang nakatuon lamang sa bilis at pagtugon sa merkado kaysa sa tunay na kalidad at lalim ng edukasyon.

Isa sa pinakamalaking suliranin ng panukalang kurikulum ay ang kakulangan ng konsultasyon. Ang mga guro at estudyanteng direktang maaapektuhan ay halos hindi kinilala sa proseso ng paggawa ng bagong kurikulum, at tila minadali ang proseso ng pagbabago. Ang sistemang ipipilit mula sa itaas ay hindi lamang salungat sa prinsipyo ng pamantasan kundi banta rin sa kalidad ng edukasyon. Ito ay hindi simpleng pagkukulang kundi tahasang pagtalikod sa demokratikong tradisyon ng unibersidad—isang malaking pagtataksil sa mismong dangal ng pagiging “Iskolar ng Bayan.”

Ngayong taong 2025, kinakaharap ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) ang  pinakamalaking budget cut sa loob ng halos isang dekada kung saan naupos ang ₱2.08 bilyong alokasyon mula sa ₱24.77 bilyon noong nakaraang taon. Nagkaproblema rin sa infra funding na bumagsak nang halos 90% ang capital outlay na inilaan sa pagpapaayos ng pasilidad at kagamitan na naitalang pinakamababa simula pa noong 2012. Nananatiling mababa ang badyet para sa mga state universities na nagbubunga ng kakulangan sa mga pasilidad, mababa na pasahod sa mga guro, at hindi pantay na kalidad ng edukasyon sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Ang pagpapalit ng kurikulum nang walang matibay na batayan at sapat na paghahanda ay tila pagtapal lamang sa sugat na nangangailangan ng mas malalim na lunas.

Hindi dapat maliitin ang General Education (GE) sapagkat ito ang humuhubog sa kritikal na pag-iisip at kamalayang panlipunan ng kabataan. Ang mga kursong tulad ng kasaysayan, panitikan, at wika ay hindi dagdag lamang kundi haligi ng ating pagkakakilanlan bilang Pilipino. Sa partikular, ang kursong Wika na nagtuturo ng ating sariling wika at pagpapahalaga sa kulturang Pilipino ay hindi maaaring mawala. Ang pagpapabaya sa ganitong mga asignatura ay pagpapabaya na rin sa ating kultura, sa ating bayan, at sa mismong kaluluwa ng ating edukasyon. Kung tatanggalin o ibabawas ito sa kurikulum, mawawala rin ang pagkakataon ng kabataan na higit na maunawaan ang kanilang identidad bilang Pilipino na isang malaking kabalintunaan lalo na ngayong ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika.

Sa pagsulong ng ganitong sistema ay nakukwestyon ang tunguhin ng unibersidad na ang konseptong “academic excellence” ay ang pagtalikod sa ating mga moralidad na nagiging daan upang manatiling makatao ang isang indibidwal. Mawawala ang pagkakaiba ng UP bilang pambansang unibersidad na nagluluwal ng mga kritikal at makataong lider at magiging pabrika na lamang ng mga manggagawang nakahanay para sa merkado. Ang kahusayan sa agham, matematika, at teknolohiya ay mahalaga ngunit ito ay walang saysay kung hindi masasalamin sa malasakit sa kapwa, sa lipunan, at sa bansa. Ang isang unibersidad na walang puwang para sa pagpapanday ng pagkatao ay unibersidad na walang kaluluwa para sa pagbabago.

Sa huli, hindi natin ninanais na ang mga Iskolar ng Bayan ay maging mga tau-tauhan na inihanda lamang para sa merkado kaysa maging higit na mahusay dahil sila ay tao. Ang tunay na akademikong kahusayan ay hindi nasusukat sa dami ng manggagawang handang sumabak sa merkado kundi sa kakayahan ng pamantasan na magluwal ng mga kritikal, makabayan, at makataong mamamayan. Ang pagbawas ng GE ay pagbawas din sa kakayahan ng mga iskolar na maging mapanuri, makabayan, at higit sa lahat, maging makatao. 

Ang mga GE ay hindi kalabisan kundi sandigan ng isang tunay na edukasyon. Ang tunay na sukatan ng kahusayan ay hindi lamang kung gaano kahusay mag-isip, kundi kung gaano kahusay manatiling isang tao. Kung ipipilit ang bagong kurikulum, mawawala ang pagkakakilanlan ng UP bilang tagapanday ng isip at damdamin ng bayan. Ang diploma ay mananatiling papel na naimprenta sa pabrika ngunit walang bigat kung wala itong kalakip na kultura, kritikal na pag-iisip, at malasakit sa kapwa. 

Ang tunay na layunin ng edukasyon ay hindi produksiyon kundi ang tunay na paghubog. Ang unibersidad ay hindi pabrika ng diploma kundi pugad ng kaluluwa ng masa.

3 Votes: 3 Upvotes, 0 Downvotes (3 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...