
Mainit na kape sa umaga, iced coffee sa hapon—sa bawat lagok, gising ang katawan. Pero lingid sa kaalaman ng marami, sa likod ng sarap at sigla ay may posibilidad pa itong magpahaba ng buhay.
Natuklasan ng mga mananaliksik mula sa Queen Mary University of London (QMUL) ang posibleng epekto ng caffeine sa pagpapabagal ng pagtanda ng mga cells—bagay na maaaring magresulta sa mas mabagal na pagtanda ng buong katawan ng tao.
Sa halip na cells mula sa tao, gumamit ang grupo ng fission yeast o isang uri ng organismo na may mga katangiang maihahalintulad sa human cells tulad ng pagkakaroon nito ng nucleus at kakayahang dumaan sa cell division.
Dahil kilala ang caffeine sa mga benepisyong pangkalusugan, kabilang ang pagbawas sa panganib ng mga sakit na may kaugnayan sa edad, inilagay ito sa fission yeast upang obserbahan ang mga pagbabagong nagaganap sa loob nito.
Ayon sa bagong pag-aaral na ito, ang caffeine ay nakaaapekto sa pagtanda ng mga cells sa pamamagitan ng pag-activate ng AMP-activated protein kinase (AMPK)—isang sistemang tumutulong sa pagpapanatiling balanse ng enerhiya ng katawan.
Sa pagpapalakas ng aktibidad ng AMPK, natuklasan ang kakayahan ng caffeine na pabagalin ang pagbabago sa cells na karaniwang kaakibat ng pagtanda.
Mekanismo sa likod ng pagtanda
Sa isang naunang pag-aaral, natuklasan ng parehong grupo na nakatutulong ang caffeine sa pagpapahaba ng buhay ng cells sa pamamagitan ng isang tagakontrol ng paglago na tinatawag na Target of Rapamycin (TOR).
Ang TOR ay isang uri ng ‘biological switch’ na matagal nang gumagabay sa paglago ng cells at sa pamamahala ng enerhiya at stress ng mga organismo, batay sa dami ng pagkain at enerhiyang magagamit—isang papel na ginagampanan na nito sa loob ng mahigit 500 milyong taon.
Gayunpaman, sa bagong pananaliksik kaugnay ng AMPK, napag-alaman ng grupo na hindi direktang naaapektuhan ng caffeine ang TOR; sa halip, ina-activate nito ang AMPK na siyang nagpapabagal sa mga aktibidad ng TOR—na nagreresulta sa mas mabagal na pagtanda.
“When your cells are low on energy, AMPK kicks in to help them cope…[a]nd our results show that caffeine helps flip that switch,” saad ni Dr. Charalampos Rallis, isang eksperto sa Genetics, Genomics and Fundamental Cell Biology sa QMUL at pangunahing may-akda ng pag-aaral.
[Kapag kulang sa enerhiya ang mga cells, umaaksyon ang AMPK para tulungan silang makayanan ang sitwasyon…at base sa resulta ng pag-aaral, tumutulong ang caffeine na ‘i-on’ o i-activate ang switch (AMPK) na ito.]
Gamit ang yeast bilang modelo, naipakita ng grupo ang epekto ng caffeine sa AMPK, kabilang na kung paano nito naaapektuhan ang paglago ng cells, pag-aayos ng DNA, at pagtugon sa stress na lahat ay may kaugnayan sa pagtanda.
Tungo sa mas pinahabang hinaharap
Sa Pilipinas, kung saan bahagi na ng pang-araw-araw na pagkain at inumin ang may caffeine tulad ng kape, ang pagkatuklas sa potensyal nitong makapagpabagal ng pagtanda ay nagbibigay ng panibagong pananaw sa benepisyo ng mga karaniwang kinokonsumo ng tao.
Ayon kay Dr. John-Patrick Alao, isang postdoctoral research scientist na kabilang sa pag-aaral, ang naging resulta ng kanilang pananaliksik ay nagpapaliwanag sa kahalagahan ng caffeine sa kalusugan at sa pagpapahaba ng buhay.
Dagdag pa niya, nagbubukas din ang pananaliksik na ito ng iba’t ibang posibilidad sa hinaharap at kung paano mas direktang mapagagana ang mga positibong epekto nito sa pamamagitan ng tamang pagkain, pamumuhay, o mga bagong gamot.
Katulad ng caffeine na kayang i-activate ang AMPK, kasalukuyan ding pinag-aaralan ang metformin—isang karaniwang gamot sa diabetes—dahil sa potensyal nitong makapagpahaba ng buhay ng tao, kasama ang rapamycin.
Sa ngayon, tanging sa yeast pa lamang napapatunayan ang epekto ng caffeine sa AMPK, at wala pang direktang pag-aaral na isinagawa sa mga tao.
Bagama’t hindi pa nasusubukan sa human cells, isang progresibong simula ang pananaliksik na ito tungo sa mas pinahaba pang hinaharap.
May potensyal man ang caffeine na makatulong sa mas mabagal na pagtanda, hindi pa rin ito lisensya para sa walang patid na pagsasalin ng kape sa baso.
Dahil gaya ng maraming bagay sa siyensya at buhay—ang ‘unli’ ay masarap isipin, pero hindi laging mabuti kapag sobra.
Mainit man o malamig, bawat lagok ng kape ay may dalang sigla, at sa likod nito ay isang tahimik na pagkakataong mas humaba ang buhay.