Walang gana ngayon buwan ng hulyo? Narito ang kuwento sa likod nito

Nanete Bejeras 

Sa kalagitnaan ng taon, may mga taong nakararanas ng matinding pagod at kawalan ng gana kahit sapat naman ang kanilang pahinga, na kung minsan pa ay napagkakamalang simpleng katamaran. Ngunit higit pa rito ay posible palang isa itong sikolohikal na kalagayan.

Ang kalagayan na ito ay maaaring sanhi ng ‘mid-year slump’ o ang pansamantalang pagbabago ng pakiramdam, motibasyon, sigla, at pagiging produktibo na madalas maranasan sa kalagitnaan ng taon. 

Sa pagbalik-tanaw sa mga nagawa at hindi pa natutupad na layunin sa loob ng taon, maaaring makaranas ang isang tao ng pagkapagod at kawalan ng gana sa halip na magkaroon ng panibagong motibasyon. 

Maging ang mga simpleng gawain, katulad ng pagtugon sa mga mensahe o pakikipag-usap sa iba, ay maaaring maramdamang mahirap gawin at tila isa na namang tungkulin na kailangan tapusin. 

Batay sa pag-aaral ng Agile Data Solutions Inc, isa sa tatlong manggagawang Pilipino ang nakararanas na ng matinding pagod ngayong kalagitnaan ng taon. Ipinapakita nito na ang kawalan ng gana ay maaaring may mas malalim na pinagmulan kaysa sa simpleng katamaran. 

Ayon kay Lordy Santos, isang registered psychologist, psychometrician, at kilala sa tawag na ‘Tito Mong Psychologist’ sa social media, ang mid-year slump ay isang sakit sikolohikal na kalagayan at hindi sakit sa pag-iisip. 

Sa unang tingin, maaaring mapagkamalang simpleng katamaran lamang ito. Gayunpaman, kung titingnan ito sa ibang perspektibo ay maraming salik ang maaaring maging sanhi nito. 

Ugat ng Mid-year Slump 

Sa pagsisimula ng taon, karaniwan sa ilang tao ang magtakda ng mga layunin para sa kanilang sarili—maaaring sa pamamagitan ng mga vision boards o iba pang paraan. Ngunit paano kung ang mga layuning ito ay natatabunan ng mga responsibilidad, problema, o gastusin?

Isa ito sa mga dahilan kung bakit nakararanas ng mid-year slump ang mga tao. Sa pagpatong-patong ng kanilang mga gawain, maaaring unti-unting mawala ang motibasyon nilang ipagpatuloy ang kanilang mga layunin.

Hindi lamang ang pagdami ng mga responsibilidad ang maaaring magdulot ng mid-year slump. Para sa iba, nagmumula rin ito sa pakiramdam na kulang ang kanilang naging pag-unlad sa pag-abot ng mga layunin.

“Some expect to have accomplished their goals, or at least to have made significant progress by now. They expect a big breakthrough. In reality, we lose sight of the bigger picture and progress feels invisible,” saad ni Rosselle Manalo, isang psychologist na may espesyalisasyon sa clinical psychology. 

[May ilang tao ang umaasang natupad na nila ang kanilang mga layunin, o kahit man lang ay nakagawa na ng malaking pag-unlad sa puntong ito ng taon. Inaasahan nilang magkakaroon na sila ng malaking tagumpay. Ngunit sa realidad, nawawala sa atin ang kabuuang pananaw, kaya nagmumukhang hindi natin napapansin ang ating pag-unlad.]

Ang paghahambing ng sarili sa narating ng iba ay nakapagpabababa sa kumpiyansa ng isang tao. Sa pagtutuon ng pansin sa tagumpay ng iba, maaaring hindi nila mapansin ang sarili nilang pag-unlad, maliit man ito o malaki. 

Sa tuwing iniisip ng isang tao na wala siyang pag-unlad kumpara sa iba, maaaring umusbong ang pagkadismaya, pagkabigo, at pagdududa sa sariling kakayahan. 

Isa ito sa mga karanasang maaaring maranasan ng mga Generation Z (Gen Z), lalo sa panahon ng social media. Sa bawat pagbubukas ng mga aplikasyon sa kanilang mga gadyet, madalas nilang nakikita ang mga tagumpay at pag-unlad ng kanilang mga kaibigan o kahit ang mga estranghero, na maaaring magdulot ng pakiramdam na napag-iiwanan na sila sa kanilang tinatahak na landas sa buhay. 

Ngunit sa kabila nito, may ilang nakararanas ng mid-year slump dahil sa araw-araw na pagtupad sa mga tungkulin at responsibilidad na humahantong sa unti-unting pagkaubos ng naiipong lakas ng isip at damdamin. 

Mga paraan upang malabanan 

Batay sa pahayag ni Santos, ang unang hakbang upang malampasan ang mid-year slump ay ang pagtanggap na napapagod ang isang tao, sa halip na husgahan ang sarili dahil dito. 

Mahalaga ang pahinga dahil kailangan ito ng isang tao. Hindi lamang ito tumutukoy sa pagtulog, kundi pati sa pagbibigay ng pisikal, emosyonal, panlipunan, at espiritwal na pahinga mula sa mga gawain. 

Ayon kay Manalo, hindi kailangan na maging magastos ang self-care, maaari itong gawin sa simpleng pagbibigay sa sarili ng maliliit na gantimpala dahil sa panibagong araw na kakaharapin at sa tuwing mayroong nakamit na tagumpay maliit man o malaki. 

At batay sa isang pananaliksik ng  Paris Brain Institute, mahalaga ang pahinga bago magpatuloy sa mga susunod na gawain, bagama’t hindi direktang tumutukoy sa mid-year slump, maaaring maihahalintulad ang mid-year slump sa Neurotransmitter Overload kung saan ang isang tao upang hindi makapag-isip at trabaho ng naaayos, at ang pahinga ay isang salik upang ito ay maresolba—hindi ito dalawang magkahalintulad na sitwasyon, bagkus isang paalala na mahalagang salik ang pahinga. 

Dagdag pa rito, mungkahi ng dalawang eksperto na sina Manalo at Santos na baguhin ang pananaw sa buwan ng Hulyo. Sa halip na maging hadlang ang mid-year slump sa pagpapatuloy, maaari itong tingnan bilang senyales na kailangan ng pahinga at hindi bilang sukatan ng pag-unlad ng isang indibidwal. 

Hindi lahat ng pagbagal ay bunga ng katamaran. Sa halip na ituring na kabiguan ang pagdaan ng mid-year slump sa buhay ng tao, maaari itong maging paalala na magpahinga, alagaan ang sarili, at ipagpatuloy ang pag-abot sa mga layunin sa sariling takbo at panahon.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...