
Sa muling pagbubukas ng mga pintuan ng mga pampublikong paaralan sa bansa ngayong linggo, sumalubong sa mga mag-aaral ang pamilyar na amoy ng bagong pinturang pader at maayos na mga silid-aralan. Sa likod ng tila maayos na pisikal na anyo ng mga klasrum, nakakubli ang katotohanang ang mga guro at magulang na naman ang naging pangunahing “pondo” sa nakaraang Brigada Eskwela.
Hindi na bago ang diwa ng bayanihan na isinasabuhay tuwing Brigada Eskuwela upang maihanda ang mga paaralan bago ang pagbubukas ng klase. Gayunpaman, unti-unti nang nagiging tabing ang kulturang ito upang maipasa sa komunidad ang mga responsibilidad na dapat sana’y ginagampanan ng pamahalaan sa pamamagitan ng sapat at direktang pagpopondo sa mga pampublikong paaralan.
Patunay rito ang inilabas na survey ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) kung saan lumitaw na 75 porsyento ng mga guro ang humugot sa sarili nilang bulsa para sa paghahanda sa taong panuruan 2026-2027. Ipinapakita ng estadistikang ito na ang pasanin sa pag-aayos ng silid-aralan ay sistematiko at hindi iisang hiwalay na kaso lamang.
Bukod sa gastusin, isiniwalat din sa datos ng EDCOM 2 na mayroong kakulangan na 165,000 na silid-aralan sa buong bansa, at 51,000 rito ang sira-sira na at nangangailangan ng agarang rehabilitasyon. Dahil dito, maraming guro ang napipilitang maglabas ng sariling pera upang ayusin ang kanilang mga silid-aralan at punan ang mga pagkukulang ng sistema dahil kung hindi, sila at ang kanilang mga estudyante ang magtitiis sa mga sirang kisame, bitak-bitak na dingding, at iba pang pasilidad na hindi na ligtas at angkop sa pagkatuto. Mas masaklap pa, sa pag-abonong ito para sa mga pangangailangan sa silid-aralan ay kadalasan bihirang maibalik o mareimburse—mga gastusing dapat sana ay sagot at ibinibigay ng DepEd.
Nakakadismaya ang katotohanang ito lalo’t ipinagmamalaki ng pamahalaan ang P1.34 trilyong badyet na inilaan ng pambansang pamahalaan para sa sektor ng edukasyon sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act, ang pinakamalaking bahagi ng taunang pambansang pondo alinsunod sa mandato ng Konstitusyon. Gayunpaman, sa kabila ng makasaysayang alokasyong ito, marami pa ring pampublikong paaralan ang nananatiling kulang sa maayos na pasilidad, sapat na kagamitang panturo, at kinakailangang suporta, habang napipilitang punan ng mga guro ang mga kakulangang bunga ng matagal nang suliranin sa pagpapatupad at pamamahala ng pondo.
Ang biglaang pagpapatupad rin ng bagong three-term school calendar at ng ARAL Program ay nagdulot ng dagdag na bigat sa mga guro. Sa kakulangan ng sapat na konsultasyon at paghahanda, marami sa kanila ang napilitang umangkop sa mga bagong tungkulin at iskedyul nang walang kaukulang suporta, na para bang inaasahang kayanin nila ang anumang dagdag na trabaho. Ang ganitong kalagayan ay tahasang sumasalungat sa diwa ng MATATAG Agenda na “Bansang Makabata, Batang Makabansa.” Paano maitataguyod ang kapakanan ng mga mag-aaral kung ang mismong mga gurong humuhubog sa kanila ay patuloy na napapabayaan?
Kaya malaking tanong kung nasaan ang trilyong pisong badyet ng edukasyon kung nananatiling bungi ang mga pader, tumutulo ang mga bubong, at laging nababawasan ang laman ng pitaka ng mga guro. Kung ganito na ang kalagayan ng mga paaralang nasa sentro ng mga komunidad, paano pa kaya ang mga nasa kabundukan at liblib na lugar na nagtitiis sa mga silid-aralang tagpi-tagpi at salat sa pangunahing pangangailangan?
Sa ilang panig ng bansa, kinakailangan pang tumawid sa rumaragasang ilog, umakyat sa matatarik na bundok, at maglakad nang ilang oras upang marating ang paaralan. Sa halip na ligtas na daan at sapat na imprastraktura, araw-araw nilang hinaharap ang mga panganib na hindi dapat maging bahagi sa pagkamit ng edukasyon. Hangga’t nananatili ang ganitong mga hadlang, mananatiling mailap ang pantay at dekalidad na edukasyon para sa bawat Pilipino.
Upang maging makabuluhan ang trilyong badyet, malaking hamon sa pamunuan ng DepEd kung paano ito ima-manage nang may integridad. Kung lilingunin ang mga nakaraang taon, nabahiran ang ahensiya ng kaliwa’t kanang kontrobersya—mula sa isyu ng overpriced laptops para sa mga guro, mga ‘ghost students’ na diumano’y pinopondohan sa ilalim ng ilang programa, hanggang sa paggigiit ng kontrobersyal na confidential funds na wala namang direktang kinalaman sa pagtuturo. Kung ang mga nakaraang bilyong pondo nga ay naging tampok sa mga imbestigasyon ng korapsyon, mas lalong dapat higpitan ang transparency at pagbabantay sa bagong trilyong-pisong badyet upang matiyak na hindi ito muling mapupunta sa anomalya habang nagtitiis ang mga lokal na eskwelahan.
Hindi mapapakain ng mga magagandang terminolohiya tulad ng “enrichment” at “remediation” na isinasaad ng DepEd ang mga kumakalam na sikmura ng mga titser, at hindi nito mapupunuan ang mga pisikal na kakulangan sa mga eskwelahan. Kung seryoso ang ahensiya sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa bansa, dapat nitong unahing plantsahin ang batayang pangangailangan: sapat na klasrum, sapat na kagamitan, at sapat na suportang pinansiyal sa mga guro at mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.
Panahon na upang baguhin ang pamamahala sa badyet ng edukasyon sa pamamagitan ng pagtutok sa mga pangmatagalang solusyon at aktuwal na aplikasyon sa halip na sa malalaking numero lamang ng badyet ang matatanaw sa balita. Imbis na mapunta ang pondo sa mga paulit-ulit na seminar, mas mainam na magtayo ng mga matitibay na gusali na kayang humarap sa mga kalamidad.
Dapat ding magkaroon ng awtomatikong ugnayan ang DepEd sa mga lokal na supplier upang ang mga materyales tulad ng pintura, chalk at iba pang materyales ay direktang ideliber sa mga nangangailangang paaralan. Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang korapsyon at hindi na kakailanganin pang magmakaawa ng mga prinsipal at guro para sa mga donasyon na taon-taon na lang nagiging problema.
Karapat-dapat din na pondohan ang pagkuha ng mga karagdagang administrative staff upang mapagaan ang trabaho ng mga guro at ibalik sila sa kanilang tunay na tungkulin—ang magturo. Sa kabila ng makasaysayang trilyong pisong badyet para sa edukasyon, nananatiling mababa ang sahod ng mga guro. Sa kasalukuyan, ang entry-level na Teacher I (Salary Grade 11) ay sumasahod lamang ng ₱31,705 kada buwan sa ilalim ng ikatlong tranche ng Executive Order No. 64, s. 2024.
Ang halagang ito ay nananatiling kulang at hindi sapat upang makasabay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pangkalahatang cost of living sa bansa, lalo na para sa mga may pamilyang binubuhay. Kung tunay na prayoridad ang edukasyon, dapat ding maging prayoridad ang sapat na sahod at kapakanan ng mga guro.
Hindi kailanman aasenso ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas kung ang guro ay patuloy na magiging abonado at tagasalo ng kakulangan ng estado. Hangga’t hindi naisasaayos ang sistemang ito, ang trilyong pisong badyet ay mananatiling isang malaking drawing sa ibabaw ng pisarang binili gamit ang sariling sahod ni titser