
Micah Jemimah Calahat, Stephanie Mae Nacional, Joeb Charles Paredes
Sa rehimen ng dating diktador na si Marcos, ipininta niya na maunlad ang Pilipinas dahil sa mga bagong gusali, planta, o makabagong programa sa agrikultura. Ito ang imaheng pilit na binuo niya—isang panahon ng progreso na pinatibay ng agham at teknolohiya.
Ngunit kung titingnan sa lente ng mga karaniwang Pilipino ang huwad na kaunlarang ito, bakit marami ang naging alay sa pang-aapi, nalugmok sa mga utang, at tuluyang nabaon sa hukay ng kahirapan?
Isa sa pinakamadilim na parte ng kasaysayang Pilipino ay ang pagdeklara ng martial law noong Septiyembre 21, 1972. Sa pamamagitan ng Proclamation No. 1081, nagbigay daan ito upang ihayag ang diktadura, kasakiman sa kapangyarihan ng administrasyon, at malamapasan ang batas, konstitusyon, at press media.
Ngunit, higit sa lahat ng mga ito ay ang kalagayan ng bansa sa iba’t-ibang sektor ng lipunan. Mangilan-ngilan ang kapaki-pakinabang na imprastraktura, ngunit nalubog naman sa utang ang Pilipinas. Marami ang naapektuhan sa pamamalakad ng diktador.
Ano kaya ang nangyari sa sektor ng siyensiya at teknolohiya?
Naglahong mga inisyatiba
Sa mahigit dalawampu’t isang taon na pamamahala ni Marcos Sr., itinuturing na isa sa mga pinakaprogesibong bansa ang Pilipinas dahil sa mga inisyatibo nito na may kaugnayan sa pagpapaunlad sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Pagdating sa usapin ukol sa mga proyekto ng administrasyon ng dating Marcos, malakas na umalingawngaw sa tenga ng mga Pilipino ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP). Ito ay ang natatanging Nuclear Power plant sa buong Pilipinas—isang inisyatiba laban sa krisis ng langis at pagbabawas ng pag-asa sa fossil fuel.
Bagama’t natapos ang imprastraktura, hindi ito tuluyang napagana dahil sa mga isyu kaugnay ng epekto nito sa kapaligiran at sa kaligtasan ng mga lokal na naninirahan malapit dito.
Bukod sa enerhiya, isa ang agrikultura sa mga pinaigting na sektor ng administrasyong Marcos noon. Itinaguyod ang programang Masagana 99 na naglalayong matugunan ang problema sa kakulangan ng suplay ng bigas sa bansa bunsod ng sunod-sunod na pag-ulan.
Layunin ng proyekto na bigyang-pansin ang mga lokal na magsasaka at paunlarin ang kanilang mga pamamaraan gamit ang mga makabagong kagamitan at teknolohiya tulad ng hybrid seeds, pataba sa lupa, pestisidyo, at makinaryang pananim.
Itinuring ang inisyatibang ito bilang agarang lunas sa kaala-alarmang isyu sa sektor ng agrikultura. Sa unang taon ng pagpapatupad nito, maituturing na matagumpay ang kampanya dahil naabot nito ang 90 porsyento ng target na 99 kaban ng bigas kada ektarya ng lupain.
Subalit, sa mga susunod na taon ng pagpapatakbo, hindi na ganoon ka-epektibo ang proyekto na kalaunan ay ipinatigil; itinuturing na ang labis na paggamit ng artipisyal na pataba sa lupa at pestisidyo, at ang bangkarota ng mga bangkong sumusuporta rito ay ang dahilan ng kinahinatnan ng Masagana 99.
Bilang tugon naman sa research and development ng bansa, itinaguyod ang Technology Resource Center (TRC) na siyang naglalayong matulungan ang mga Pilipinong mananaliksik at negosyante sa paraan ng pampublikong pagsasanay.
Dahil dito ay naipasa ang Priority Development Assistance Fund (PDAF), isang discretionary fund na naging malaking kontrobersya dahil sa maling paggamit ng pondo na ito.
Mas kilala ang panukala sa pangalang ‘pork-barrel scam’ na siyang ikinatumba ng programa noong 2013 matapos mabuking ng Korte Suprema ang sampung bilyong pondo na kinukurakot lamang ng mga namamahala—kahambing-hambing sa kasalukuyang isyu ng pondo para sa flood control projects.
Tunay na maraming naipatupad ang administrasyon ni Marcos Sr., ang mga inisyatibo ay swak sa mga problemang gumagambala sa panahon noon; ngunit, sa tagal ng kanyang pamamahala, tila ang mga proyektong ito ay naglaho na lamang na parang bula.
Ang nakaraan ay kasalukuyan
Bagaman nasagot ng mga ito ang mga pangangailangan ng masa noon, katulad ng Masagana 99, naging panandaliang lunas lamang ang mga inisyatiba sa pangmatagalang problema kinakaharap ng bansa.
Samakatuwid, imbes na umangat ang Pilipinas, ang kapalpakan ng mga proyekto ay lalong naghila sa bansa pababa—sa hukay ng kahirapan.
Sa kabila ng mga palpak na proyekto, mayroon din namang iilan na hanggang ngayon ay patuloy na tumatakbo; ngunit, mabuti nga ba ang epekto ng mga ito?
Kaugnay ng inisyatiba laban sa krisis ng langis noong 1970s, ipinatupad ang Kautusang Pampangulo Blg. 1442 na naglalaman ng isang batas sa pagtaguyod ng pananaliksik at pagpapaunlad ng Geothermal sa Pilipinas na naglalayong paunlarin ang kakayahang pang-enerhiya ng bansa gamit ang geothermal.
Bunga nito ang pagpapagawa ng Tiwi Geothermal Power Plant sa Albay noong 1979. Ito ay ang una at pinakamatandang heotermal na planta sa Pilipinas.
Gamit ang init mula sa bulkang Malinao, nagsusuplay ito ng kuryente sa libu-libong kabahayan sa Luzon. Sa kasalukuyan, may kapasidad itong 234 Megawatts na nagtataguyod sa bansa bilang pangatlo sa pinakamalaking prodyuser ng enerhiyang heotermal sa buong mundo.
Hindi lamang ang plantang ito ang nananatiling nakatindig na proyekto ng administrasyong Marcos, kung tutuusin, marami ng mga ito at karamihan sa kanila ay may kaugnayan sa industriya.
Ang mga nasabing programa ay kabilang sa labing-isang pangunahing proyekto sa industriya. Isa na rito ang BNPP at ang ilan pa ay isang copper smelter, petrochemical complex, integrated steel project, planta ng phosphate fertilizer, at planta ng semento.
Lahat ng mga ito ay naglalayong gawing industriyalisadong bansa ang Pilipinas at makayanang umasa sa sarili para sa mga ganitong bagay.
Subalit, ang ambisyosong proyektong ito ay kinakailangan ng napakalaking pondo; at sa halip na isantabi, ang naging pasya ng gobyerno ay taliwas sa kinakailangan ng mamamayan at bansa na nagresulta lamang sa karagdagang utang.
Masasalamin ang mga proyekto ng administrasyong Marcos noon sa kasalukuyan at ang mga dahilan ng kapalpakan ng mga ito—maling pamamahala, pagsasawalang-bahala, at korapsyon.
Kung mayroon mang natira sa mga inisyatibo, hindi na sapat ang mga nakaraang ito para baguhin ang kabuuang kalagayan ng kasalukuyang agham at teknolohiya sa bansa.
Sa perspektibo ng isang Pilipino
Nagdaan na ang maraming taon matapos ang naging paghahari-harian ng yumaong diktador, ngunit hindi pa rin makalilimot ang sambayanang Pilipino sa masalimuot na bakas na iniwan nito sa kanilang mga buhay.
Ang agham at teknolohiya na dapat sana ay katuwang ng mga Pilipino, ay naging isang propaganda sa termino ni Marcos dahil sa mga ipinagmamalaki niyang proyekto para sa pilit na pagbabago.
Sa BNPP na animo’y nagkaroon na ng kasagutan sa krisis ng enerhiya, ngunit naging dahilan pa sa matagal na pasaning utang ng mga Pilipino at takot sa posibleng panganib na hatid ng nuclear energy.
Ang Masagana 99 na dapat sana ay papawi sa gutom ng mga magsasaka at karaniwang mamamayan, ay naging sanhi pa ng labis na pagkagutom nang bumagsak ang produksyon matapos ang programa dahil hindi na nila kayang tustusan ang mahal na binhi at pampataba ng lupa.
Hindi lang ang kumakalam na sikmura ang humihingi ng tulong dahil pati ang kalikasan ay nasugatan ng Masagana 99 sa paraan ng paggamit ng mga kemikal na nakasasama sa kapaligiran.
At sa mahabang listahan pa ng mga pangakong napako at inisyatibang naglaho, ito ay patunay ng paggamit ni Marcos sa mga proyekto bilang entablado na nagpabango sa kaniyang pangalan bilang tagapaghatid ng “modernisasyon,” kahit ang reyalidad sa likod ng mga ito ay kahirapan at maling pamamahala.
Sa perspektibo ng taumbayan, ang agham at teknolohiya sa ilalim ng Martial Law ay hindi naging tunay na sandata para sa pag-unlad, kundi isang maskara na tumakip sa lumalalang krisis at kawalan ng katarungan.
Agham bilang kapangyarihan ng mamamaayan
Sa panahon ng Martial Law, malaki ang naging papel ng agham at teknolohiya sa pagpapatayo ng iba’t ibang imprastraktura. Ang pagtatayo ng mga tulay, kalsada, at dam ay ipinakita bilang sagisag ng kaunlaran at modernisasyon.
Ngunit mahalagang tandaan na ang mga proyektong ito ay hindi pantay ang naging pakinabang; madalas ay nakasentro lamang sa lungsod o sa mga may kapangyarihan.
Sa halip na ganap na nakatuon sa kapakanan ng mamamayan, ay nagamit din upang palakasin ang kontrol ng estado. Ang malalaking proyektong imprastraktura ay naging mukha ng pamahalaang diktatoryal, ipinapakita bilang ebidensiya ng progreso kahit na marami sa mga ito ay pinondohan ng utang at nagdulot ng pasanin sa ekonomiya ng bansa.
Napatunayan lamang sa panahon ng Martial Law na ang ipinakitang kinang ng agham at teknolohiya ay isang maskarang tumatakip sa patagong kapalpakan ng gobyerno. Sa likod ng mga proyektong dapat sana ay para sa taumbayan, hindi pa rin naman umangat ang buhay ng maraming Pilipino.
Sapagkat ang tunay na progreso ay hindi lamang para sa mga makapangyarihang nakaupo sa posisyon, kundi sa pagkakaroon ng lipunang makatarungan, tapat, at malaya.