Isang ‘patch’ lang, maaari na magtrabaho nang ligtas ang mga magsasaka laban sa init

Photo Courtesy of Eyewitness News.

Juliana Isabella Landagan

Madalas nakabilad sa init ang mga magsasaka upang mag-araro para sa pang-araw-araw na pangkabuhayan. Paminsan hindi namamalayan na ito ay nagiging panganib sa kalagayan at kalusugan ng katawan. Kung kaya, mayroong makabagong teknolohiya ang uusbong para sa kaligtasan ng lahat. 

Natuklasan ni Roxana Chicas, isang nurse scientist mula sa Emory University, Atlanta, Georgia—kasama ang Georgia Institute of Technology at iba pang mananaliksik—ang kakayahan ng biopatch bilang proteksyon laban sa init. 

Ang biopatch ay isang kagamitan na kinakabit sa dibdib upang bantayan ang vital signs kagaya ng temperatura ng balat, heart rate, at respiratory rate—pagsukat sa kalagayan ng katawan. May kakayahan itong matiyak kung nasa panganib na ang antas ng kalagayan ng tao.

Bukod dito, nagbibigay ito ng hudyat kung papalapit na ang kalagayan sa peligro at kung kailangan ng isang indibidwal magpahinga at mag-hydrate upang maiwasan ang hindi inaasahang karamdaman.

Batay sa datos ng pag-aaral, nasubukan na ang biopatch sa 168 magsasaka na kung saan naging positibo ang resulta sa mekanismo nito—ligtas ang naging sitwasyon at kalagayan ng nakararami.

Kung kaya ang mekanismo ng biopatch ay naging uliranin upang bigyang-daan sa kaligtasan hindi lamang sa mga magsasaka, kundi para na rin sa mga manggagawa at ng nakararami. 

“We wanted to be able to use technology in the power of Artificial Intelligence (AI) to prevent people from becoming patients and dying in fields; heat related illnesses are preventable deaths,” saad ni Chicas.

[Mainam na gamitin ang teknolohiya sa kasagsagan ng AI upang maiwasan ang mga hindi inaasahang peligro sa araruhan, sapagkat maaaring mapigilan ang mga iba’t ibang karamdaman kaugnay sa init.]

Maraming mga proyekto at inobasyon ang umusbong gamit ang AI, kagaya ng mga AI-powered tools sa larangan ng medisina, mga humanoid robot kung saan ginagaya ng mga ito ang pang-araw-araw na gawain ng isang indibidwal, at iba pang mga pagsulong gamit ito. Isa na rito ang teknolohiyang biopatch.

Mahalaga ang naging layunin ng teknolohiyang ito, sapagkat maraming bansa ang nakararanas ng mataas na indeks ng init, kabilang na rito ang Pilipinas.

Dahil dito, maaari ito maging solusyon sa mga nakararami upang maiwasan ang peligro hinggil sa init ng panahon. 

Gayunpaman, kilala ang ilang health-related illnesses (HRIs) o mga karaniwang karamdaman na maaaring maranasan tuwing mainit ang panahon bilang malubhang peligro. Ilan sa mga halimbawa ng HRIs ay heat stroke, heat exhaustion, at hyperthermia.

Hindi ito madaling mataya sapagkat kailangan nito ng agarang medikal na atensyon dahil nakababahala ang mga posibleng sanhi kabilang na ang kamatayan.

Batay sa datos ng Department of Health (DOH), 77 HRIs na kaso ang naitala sa buwan ng Enero hanggang Abril 2024, pito (7) naman ang naitalang namatay sa Pilipinas. 

Kahit sino ay maaaring makaranas ng panganib sa init ng panahon, mas lalo na sa sitwasyon ng pabago-bagong klima sa Pilipinas, at maging sa buong mundo. Kaya naman, mas mainam na mabantayan ang maaaring maging sanhi ng HRIs.

Binigyang-diin ang mga manggagawa sa sektor ng agrikultura sapagkat sila ang karaniwang nakalantad maghapon sa init. Kahit anuman ang panahon sa araw-araw, wala silang tigil sa pagtatrabaho.

“Farm workers are 35 times more likely to have a heat-related death followed by construction workers who are 13 times,” ulat ni Chicas.

[Ang mga magsasaka ay 35 beses na mas madaling makaranas ng panganib ukol sa kamatayan na kaugnay sa init na sinusundan ng mga manggagawa sa konstruksyon na 13 beses.]

Dahil dito, makatutulong ito sa pag-iwas sa sitwasyon at pagbawas ng mga kaso ng HRIs upang mas mainam ang pagbantay ng mga hindi natitiyak na mga malubhang karamdaman. 

Maaari din kumunsulta sa mga pampublikong ospital kung wala sa tamang kalagayan ang pakiramdam, nakapagbibigay ng mapagkakatiwalaang reseta o payo ang mga medikal na doktor upang mas mapagaling ang isang malubhang karamdaman.

Patuloy din ang DOH upang magbigay-panuto hinggil sa mataas na indeks ng init sa Pilipinas at kung kailan kailangan matustusan ng panandalian aksyon ang kalagayan ng mga indibidwal.

Hindi posibleng matiyak ang iba’t ibang karamdaman, ngunit posible itong maiwasan at mapigilan.

Mainit man ang panahon o hindi, wala pa rin tigil ang mga magsasaka magtrabaho sa paglilingkod ng pang-araw-araw na pangkabuhayan. Sa tulong ng makabagong teknolohiyang biopatch, hindi na ito maglilingkod bilang panganib. Sa isang patch lang, kaligtasan sa init ay mapagkakatiwalaan.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...