
Sa mga masisiglang eskinita at kalye sa Quezon City, karaniwan ng maririnig ang halakhakan ng mga bata. Ngunit sa simula ng taon, may tahimik na banta na unti-unting kumakalat.
Patuloy na tumataas ang kaso ng tigdas sa mga kabataan sa Quezon City ngayong taon, matapos iulat na mas mataas ito kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa Quezon City Epidemiology and Surveillance Division, nakapagtala ang lungsod ng 76 kaso ng tigdas mula Enero 1 hanggang Pebrero 24, 2026, ito’y biglang pagtaas ng 29 porsyento kumpara noong nakaraang taon.
Ang tigdas ay isang sakit na dulot ng virus na mabilis na kumakalat sa pamamagitan ng ubo, bahing, o direktang kontak sa taong may sakit, na nagdudulot ng mataas na lagnat, pantal sa buong katawan, ubo, sipon, pamumula ng mata, at pagkapagod
Ayon sa mga health expert, ang isang pasyenteng may tigdas ay maaaring makahawa ng 12 hanggang 18 iba pang tao, lalo na sa mga hindi pa nabakunahan, kaya’t mabilis kumalat ang sakit sa mga komunidad at paaralan.
Bagama’t wala pang naitatalang nasawi, karamihan sa mga tinamaan ay mga batang may edad 1 hanggang 10 taong gulang na hindi pa bakunado ng Measles, Mumps, and Rubella (MMR) vaccine.
Sa gitna ng pagtaas ng kaso, muling pinaigting ng lokal na pamahalaan ang panawagan sa mga magulang na pabakunahan ang mga anak.
Sa ilalim ng routine immunization program ng lungsod, libreng ibinibigay sa mga health center ang dalawang dose ng Measles, Mumps, and Rubella (MMR) vaccine para sa mga batang may edad siyam na buwan hanggang isang taon.
Samantala, target naman ng Department of Health (DOH) na mabakunahan ang mahigit 10 milyong bata sa buong bansa ngayong 2026, kasunod ng pagtaas ng insidente ng tigdas.
Ang bawat bata ay nasa panganib kung hindi nabakunahan. Ang simpleng hakbang ng pagbabakuna ay maaaring mapigilan ang mabilis na pagkalat ng sakit, maprotektahan ang kabataan, at maiwaksi ang Tigdas Spike sa mga kabataan.